KATATAPOS lamang ng ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at masasabing naging matagumpay ito dahil tinangkilik ng ating mga kababayan (kasama na ako roon) ang mga pelikulang lokal. Sadyang maituturing na ‘pista’ ito ng pelikulang Pilipino sapagkat walang pelikulang banyaga (mula sa Amerika, South Korea, o Thailand) na ipinalabas sa loob ng halos dalawang linggo. At mula sa batch ng pelikulang itinampok nitong nakaraang MMFF (2024), lumutang ang ‘Green Bones’ ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na idinirihe ni Zig Dulay. Tinanghal itong Best Picture. Nang nakaraang taon (2023), ang pelikula niyang ‘Firefly’ din ang tinanghal na Best Picture. Naging back-to-back ang tagumpay ni Zig Madamba Dulay sa mga pelikulang idinirehe niya.
Marami ang natuwa na may isang direktor na gumagawa ng mga pelikulang lihis sa mga nakasanayang pormula. Sa dalawang pelikulang nabanggit, walang love story o love team na involved. Itinawid ng magandang kuwento at mahusay na direksyon ni Zig Dulay ang mga pelikula kung kaya’t nagustuhan ito ng mga manonood, kasama na ang inyong lingkod. Idagdag pa na sa dalawang pelikulang ito ay ang award-winning cinematographer na si Neil Daza ang kumuha ng mga larawan.
Pero bukod sa nabanggit kong dalawang pelikula na parehong itinampok sa magkasunod na taon ng MMFF, gusto kong banggitin na may ginawa ring isang video production si Direk Zig Dulay para sa isang proyekto ng Cultural Center of the Philippines (CCP) – ang ‘Himig Himbing ,’ na isang aklat ng katipunan ng mga awiting hele o oyayi (lullabies) mula sa rehiyon. Ang bawat heleng itinampok sa aklat na ito ay nilapatan ng video production ng iba’t ibang film directors, karamihan sa kanila ay mga directors ng mga independent films sa Cinemalaya Film Festival, na isa pa ring taunang proyekto ng CCP.
Sa isang programang ginawa noong araw ng paglulunsad ng aklat na Himig Himbing sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng CCP, natatandaan ko na naagaw ang pansin ko ng video production ng ‘Dandansoy’ dahil sa matapang at madamdaming paglalapat ng kuwento para sa heleng ito. Noon pala, si Zig Dulay pala ang naka-assign na mag-interpret nito. Sa kanyang interpretasyon ng heleng ito mula sa Antique, ipinakita ni Direk Zig ang isang matandang ina (na ginagampanan ni Perla Bautista) na hinahanap ang kanyang anak sa mahangin at maaliwalas na burol/kabundukan. Doon siya sasalubungin ng anak na matagal na niyang di nakikita (malaki na ang anak niyang lalaki). Magyayakap at waring magsasayaw sila.
Matutuklasan nating ‘Lean’ pala ang pangalan ng anak ng naturang ina. Walang binanggit na apelyido sa video clip. Pero kagyat na babalik sa gunita ng manunuod ang aktibistang si Lean Alejandro, ang student leader mula sa UP Diliman at isang kilalang political activist na walang-awang pinaslang noong 1987 dahil sa pagtuligsa sa administrasyon. Tapos, ipakikitang ipinaghehele ng ina ang bata pang si Lean habang may mga eksena ng torture na ipinapakita. Sa dakong dulo, sinabi ng ina na ‘gagawin niya ang lahat para mahanap ang nawawala niyang anak.’ Pagkatapos ay yayapusin nito ang anak sa gunita.
Matapos ang eksenang ito ay biglang tatambad sa manunuod na ang mga eksena’y kinuhanan lamang pala ni Direk Zig sa ‘chroma.’ Ang sinasabing ‘chroma key’ ay isang technique sa pagkuha ng video kung saan lumilikha ng artipisyal na backdrop sa mga taong kinunan sa studio. Ipinakita ni Direk Zig sa dakong dulo ng video shoot ang puro green na backdrop (kung kaya’t napatungan ito ng karampatang imahe; this time ay tungkol sa burol at kabundukan). Nag-iisa lamang pala sa studio ang inang si Perla Bautista at kunwa’y may kayakap habang napapaligiran ng berdeng backdrop (‘yung ‘chroma’ nga). Wala pala si Lean.
Di ko naiwasang mapaluha nang mapanuod ang madamdaming video production ni Direk Zig Dulay para sa interpretasyon niya ng heleng ‘Dandansoy.’ Napaka-powerful ng depiction ng pagmamahal ng ina sa anak niyang si Lean. Sa puntong ‘yun, di mo na maiisip at di na mahalaga kung ano ang political affiliation ng kanyang anak. Nakasentro ang video sa relasyon nila bilang mag-ina. Ang melodiya ng Dandansoy ay bagay na bagay sa naturang interpretasyon ng hele. Lahat ng dumalo sa paglulunsad ng librong HIMIG HIMBING (kaakibat ang video production ng mga itinampok na hele) ay tunay na naantig sa ginawang interpretasyon ni Dulay.
Kamakailan ay inilabas ng Philippine Jaycees ang listahan nila ng mga nagwagi para sa The Outstanding Young Men (TOYM) awards ngayong taong ito. At natuwa ako nang makitang isa si Direk Zig Dulay sa TOYM honorees para sa kaniyang natatanging kontribusyon sa ‘Kultura at Sining: Pelikula at Telebisyon.” Isa siya sa siyam (9) na napili mula sa higit sandaang nominees para sa 2024 TOYM Awards. “Ikatutuwa ito ng aking namayapang Inang na labis kong mahal,” pagbabahagi ni Zig. “Galing ako ng Isabela at dala ko lang ang pangarap na makapasok sa mundo ng pelikula. Ang laking bagay ng pagkilalang ito ng TOYM,” dagdag pa niya. Ang batikang broadcast journalist na si Jessica Soho ang nag-nominate sa kanya sa TOYM, ang prestiyosong award na iginagawad sa mga katangi-tanging Pilipino na edad 40 pababa.
Itinampok ni Zig Dulay sa kanyang mga obra ang mga mahahalagang isyu ng ating panahon. Pinalutang niya ang kulturang Pilipino sa kanyang mga palabas. Binigyan niya ng boses ang mga mahihina at mga tauhang sinasabing nasa ‘laylayan ng ating lipunan.’ Katunayan, karamihan sa kanyang mga pelikula at teleserye ay pumapaksa sa kultura ng mga katutubong Pilipino gaya ng “Sahaya” (GMA-7; tungkol sa mga Badjao), “Legal Wives” (GMA-7; tungkol sa mga Meranaw), “The Black Rainbow” (short film; tungkol sa mga Aeta), at “Paglipay” (full-length film; tungkol pa rin sa mga Aeta).
Pinaging-popular din ni Dulay ang mga nobelang pampanitikan ni Dr. Jose Rizal na ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’ sa kaniyang teleseryeng ‘Maria Clara at Ibarra’ na ipinalabas sa GMA-7. Lubos itong tinangkilik ng mga manunuod at sadyang muling nagpaalab sa ating pagka-Pilipino. Sa ginanap na Manila International Film Festival (MIFF) sa California, USA, noong 2024, pinarangalan ang kaniyang pelikulang ‘Firefly’ (ng GMA Pictures) bilang Best Picture. Si Dulay naman ay tinanghal na Best Director sa naturang international festival.
Hindi na mabilang ang pagkilalang natanggap ni Direk Zig Dulay mula sa mga prestiyosong award-giving bodies, sa loob man o labas ng bansa, gaya ng Gawad Urian, Cinemalaya Film Festival, PMPC Star Awards, Metro Manila Film Festival, Brussels International Film Festival, Prague International Film Festival, Harlem International Film Festival, at marami pang iba. Patunay ito ng kanyang pambihirang husay sa pagsusulat ng screenplay at pagdidirehe ng mga palabas.
Para kay Direk Zig Dulay, ang pelikula at telebisyon ay mahahalagang medium na maaaring gamitin upang isulong ang kaniyang makabuluhang adbokasiya at makapag-ambag, sa abot ng kaniyang makakaya, sa pag-unlad ng bansa.