29.4 C
Manila
Biyernes, Enero 10, 2025

Pag-asa, mirakulo hiling ng mga ‘namamanata’ sa Poong Nazareno

- Advertisement -
- Advertisement -

MILYON-milyon ang dumalo sa ginanap na Traslacion 2025 kahapon na inabot ng halos 21 oras mula 4:40 am ng umaga ng Huwebes, Enero 9 sa Quirino Grandstand hanggang 1:25 ng umaga ng Biyernes, Enero 10 sa Minor Basilica at National Shrine ng Jesus Nazareno.

Larawan kuha ni Ismael de Juan/The Manila Times

Bakit nga ba ito ginagawa ng mga deboto ng Poong Nazareno?

Ayon kay Coco Martin, aktor ng teleseryeng Batang Quiapo, pag-asa ang dahilan kung bakit siya deboto ng Poong Nazareno. “ Anuman ang hirap na pinag-dadaanan natin sa buhay, pero kung mayroon kang Diyos sa puso at isipan mo at sa pamilya ninyo, lahat walang imposible, lahat mayroong  pag-asa, lahat magkakaroon ng solusyon,” sabi ni Martin sa isang panayam kasama ng mga pari sa ginanap na Misa noong Enero 8, gabi bago ang Traslacion.

Ayon kay Martin, isinasama siya ng kanyang lola sa pagsisimba sa Quiapo noong bata pa siya. “Nakalakihihan ko na ang pagsisimba sa Quaipo mula bata pa ako hanggang magbinata. Sa sampung hiniling ko sa kanya, sobra-sobra ang ipinagkakaloob niya sa akin,” kuwento niya sa isang interview.

Hindi niya malilimutan ang taong January 9, 2007 kung saan unang-una niyang nahawakan ang Poong Nazareno habang nagsho-shooting ng pelikulang “Tirador.” Ipinalangin niya sa Panginoon na sana ay lagi siyang may trabaho kahit hindi na siya matulog. “Mula noong 2007 hanggang ngayong 2025, hindi na ako nawalan ng trabaho kaya mas lalo akong namanata sa Poong Nazareno,” kuwento ni Martin.


Ayon naman sa debotong si Michael Mondejar, isang debotong guro sa Nazarene Catholic School at volunteer choir sa Quiapo Church at brigade sa Luneta Granstand tuwing Pista ng Nazareno. Dalawampung taon na siyang sumasama sa Pista ng Nazareno.

“Ang nagmo-motivate po sa akin sa pagse-serve at pagiging guro ng Nazarene Catholic School ay ang araw-araw na biyayang natatanggap ko mula sa Poong Nazareno maliban sa mga tugon niya sa aking mga dasal,” paliwanag ni Mondejar.

‘Panata’ sa Poong Nazareno

Pasasalamat, pag-asa, mirakulo, malalim na pananampalataya, ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit maraming Pilipino ang patuloy na “namamanata” sa Poong Nazareno.

- Advertisement -

Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Misa Nazareno, ang debosyon ng mga Kristiyano ay nakasentro sa pag-asa kay Hesus at pagsunod sa kanyang kagustuhan.

“Tayong mga Pilipino ay may kasabihan, ‘Habang may buhay, may pag-asa’ Naniniwala ba kayo doon? Ang Mahal na Panginoon ay nagtuturo sa atin ng isang bagay na mas higit pa: sa halip na ‘habang may buhay, may pag-asa,’ sabi niya.

Ang pananaw na ito, aniya, ay nagbigay-diin na ang pag-asa ay nauuna at nagpapanatili sa buhay, na ginagawa itong mahalagang regalo mula kay Hesus na nagpapalusog sa kaluluwa.

Nanawagan si Cardinal Advincula sa mga deboto na pag-isipan ang kanilang relasyon kay Jesus Nazareno, na hinihimok silang palalimin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa ng pagsunod.

“Tayong mga tunay na deboto, kung tunay nating minamahal ang Itim na Nazareno, maging masunurin tayo sa Kanya. Tularan natin Siya, na masunurin sa Ama hanggang kamatayan,” sabi ng Archbishop.

“Isa lamang ang nagdadala ng pag-asa na hindi nagkukulang: ang Mahal na Panginoong Jesus ng Nazareth. Kaya, sundin natin Siya. Isabuhay natin ang Kanyang mga utos. Isapuso natin ang Kanyang mga turo,” himok niya.

- Advertisement -

Bandang  12:19 ng umaga, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang pinagsama-samang crowd estimate ay mahigit 7.9 milyon, na may mahigit 6.3 milyong katao sa Quiapo.

- Advertisement -
Previous article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -