UMAASA si Senador Loren Legarda na mapapabuti ang kalagayan ng mga manlalayag matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Miyerkules, Enero 8, ang implementing rules and regulations (IRR) ng Magna Carta of Seafarers.
Magiging ganap nang epektibo ang batas, at maisasakatuparan ang mga benepisyong hangad para sa manlalayag.
“Isa itong malaking panalo para sa domestic at foreign seafarers, habang patuloy nating hangad ang mainam na kondisyon para sa ating mga kababayan,” ani Legarda, ang author at co- sponsor ng batas.
“Tinutulungan nating makasabay sa pamantayan ng mundo ang ating mga manlalayag, at hangad nating pumasa sa international standards ang ating mga programa, upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang trabaho.”
Ang Magna Carta of Seafarers ay pinirmahan ng Pangulo noong Setyembre 2024, na nagtatakda ng mga karapatan para sa mga Pilipinong manlalayag.
Tinatayang nasa 500,000 na Pilipino sa buong mundo ay magkakaroon na ng karapatang magkaroon ng union, makapag-collective bargaining, at makapag-aral.
Magkakaroon din sila ng proteksyon sa panlilibak at diskriminasyon, pati ang karapatan na masabihan ang kamag-anak, pati ang payapang paglalayag.
Mananatili ang global supply chain dahil mawawakasan na ang banta ng pagkakatanggal sa trabaho ng mga Pilipinong manlalayag dahil sa kakulangan ng pamantayan.
“Gusto nating suklian ang sakripisyo ng ating mga manlalayag na malayo sa kani-kanilang mga pamilya,” giit ng mambabatas.
“Ibig nating iparating na may pamahalaang naghahangad na mapabuti ang kanilang mga buhay.”