MAY mga nagtanong kung ano ang salitang ugat ng “manigo” na karaniwan nating nakikita sa mga kalendaryo at naririnig na pagbati kapag nagpapalit ang taon. “Manigong Bagong Taon” ang bati natin sa isa’t isa, na ang “manigo” ay nangangahulugan ng swerte, bwenas, o kasaganaan. Ibig bang sabihin ay kasaganaan ang kahulugan ng nigo?
Alam natin na ang mga salita ay maaaring buuin ng panlapi at salitang ugat. Sa kaso ng “manigo,” binubuo ito ng panlaping ma- (na nangangahulugang may taglay o marami ng bagay na isinasaad ng salitang ugat) at ugat na nigo. Pero ano ba ang nigo?
Gaya ng nabanggit nang nakaraang kolum (Enero 1, 2025), ang manigò (may impit na tunog sa dulong patinig) ay “maswerte, mapalad, masagana.” Pero hindi na nadagdagan pa ng paliwanag. Ayon pa rin sa diksyunaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang nigò (pangngalan) ay nangangahulugang “mabuting kapalaran; isang salitang karaniwang inuunlapian ng ma-.”
Dagdag na kaalaman ang kasunod na entri sa nasabing diksyunaryo: nigo (walang impit na tunog): (mula sa mga wikang Bikol, Hiligaynon, Samar-Leyte): bilao, bilog na mababaw na tahipang yari sa tinilad na kawayan. Ayon naman sa diksyunaryo nina Padre Noceda at Padre Sanlucar, ang nigò (pandiwa) ay “tamaan kung ano ang inaasinta.” Ang interesante ay ang anyong deribatibo, o salitang hango sa nigo: nagpapanigo, na nangangahulugang “subukan ang kapalaran.”
Samakatwid, may magkakaugnay na kahulugan ang nigo ng mga Tagalog at ng mga wikang Bk, Hlg, at S-L.
Kapag marami kang nigo, o bilaong gamit sa pagtatahip ng bigas, maswerte ka, sagana ang buhay mo dahil marami kang bigas. Marami kang tinatahip na bigas.
Naabutan ko pa noong bata ako ang “pagpipili ng bigas.” Inilalagay ang bigas sa bilao at tinatahip ito – ito iyong panahong tinatakal pa ang bigas at hindi kinikilo, at nililinis ang bigas sa pamamagitan ng biglang pagtataas at biglang pagbababa ng bilaong pinaglagyan ng bigas para maihiwalay ang ipa (ang pinagbalatan ng palay), bato, at iba pang dapat alisin sa bigas bago isaing. Karaniwan, kaming mga bata ang “nagpipili ng bigas” at isa-isa naming pinipili at inihihiwalay ang palay at bato. Nagtaka pa nga ako noong una kung bakit “pagpipili ng bigas” ang tawag doon, dahil palay at bato ang pinipili namin; kalaunan, naunawaan ko na rin na mas madaling alisin ang mas kakaunting palay at bato bagama’t ang pinipili ay ang bigas. Bigas ang itinatabi at itinatapon lang ang palay at bato.
Ngayon, malinis na ang bigas na nabibili natin, di ba? Hindi na kailangang tahipin at “pilian.” Dati nga, may nabibiling bigas na hindi na kailangang hugasan pa; talagang malinis na.
Interesante ang pagsusuri sa mga ugat ng salita. Mahalagang malaman kung saan nanggaling ang mga salitang ginagamit natin sa pang-araw-araw nating pakikipag-usap sa isa’t isa. Matutuklasan natin hindi lamang ang orihinal na anyo kundi pati ang pananaw natin sa daigdig na kinabibilangan natin. Matutuklasan din natin na maraming salita na hindi na halos makilala ang orihinal na salitang ugat dahil sa pagbabagong pinagdaanan nito bago nabuo ang kasalukuyan nitong anyo. Isa sa mga salitang ito ang maging.
Ang salitang ugat ng magíng
Palaisipan kung may salitang ugat ang magíng. Para sa marami, salitang ugat ito na walang panlapi at hindi na kailangan pang suriin ang pagkakabuo. Dahil buo na ito sa ganitong anyo.
Ayon sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon (1998) ng KWF:
ma.gÍng pd. Mangyari o mauwi sa. <maging mahirap, maging mayabang>
Ayon naman sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001):
ma.gíng pnd. Anyong pawatas ng pandiwa na tumutukoy sa anumang naganap, nagaganap, at magaganap – naging, nagiging, magiging.
Ang tanong: Kung totoong pandiwa ang magíng, anong panlaping makadiwa ang ginamit upang maging pandiwa ito? Tandaan natin na kailangan ng panlaping makadiwa upang makabuo ng pandiwa. Ang panlapi kaya ay ma- at -ging ang salitang ugat? Kung salitang ugat ang -ging, ano ang kahulugan nito?
Isa pang tanong: Bakit gi ang inuulit – bakit naging, nagiging, magiging ang mga anyong pangnakaraan, pangkasalukuyan, at panghinaharap?
Sa ilang hindi karaniwang pagkakataon, naoobserbahan ng mananaliksik na ito ang ganitong gamit:
(1) Tigilan mo na ang kakakain ng matatamis, baka magi kang diabetic.
(2) Pag di ka nakinig sa akin, magigi kang pangit, sige ka!
(3) Nagigi na siyang halimaw!
Sa mga halimbawang ito, makikitang totoo ang kahulugang ibinigay ng KWF: “mangyari o mauwi sa.” Mauwi sa pagiging diabetic, sa pagiging pangit, sa pagiging halimaw.
Ngunit hindi maging ang anyo ng salita, kundi magi. Kung gayon, maaaring ang –ng ay pang-angkop na NA, na naging –ng dahil sa pagbabagong morpoponemiko. Ayon sa tuntunin, kapag ang salitang inaangkupan ay nagtatapos sa patinig, ang pang-angkop na na ay idinudugtong sa salitang ugat at nagiging -ng.
Narito ang simpleng paliwanag kung paano nabuo ang maging/paging. Ang panlapi ay m– (kapag pandiwa at p- kapag pangngalan) at ang salitang ugat ay agi. Sa mga wikang Bikol, Cebuano at Samar-Leyte o Waray, ang agi ay nangangahulugang dumaan sa, o mauwi sa.
Samakatwid, ang salitang maging ay may panlaping m-, agi ang salitang ugat at inuulit ito kaya naging magi-agi, at dinagdagan ng pang-angkop na na na naging –ng dahil sa pagbabagong morpoponemiko. Ito ang dahilan kung bakit ang inuulit sa anyong pangkasalukuyan at panghinaharap ay gi: nagiging, magiging. Maging na ang anyong nakilala n atin kaya mahirap nang matunton pa ang prosesong pinagdaanan nito bago ito nakarating sa kasalukuyang anyo na kilala natin ngayon.
Manalo, matalo, talo pa rin
Tingnan naman natin ang mga salitang manalo at matalo. Madaling makilala ang salitang ugat at panlapi: ma- + talo. Paano naman ang manalo, ano ang salitang ugat? Nalo? Hindi! Talo pa rin ang salitang ugat pero iba na ang panlapi. Hindi ma- kundi mang-. Kapag ikaw ay natalo, ikaw ang tumanggap ng pagkatalo. Samantala, kapag ikaw naman ang nanalo, ikaw ang nagbigay, hindi ang tumanggap, ng kabiguan sa iyong katunggali.
Iyan ang kalikasan ng mga panlapi at salitang ugat. Ang iisang salitang ugat ay maaaring magkaroon ng magkabaligtad na kahulugan, depende sa panlapi. Makikita natin sa halimbawang ito na nabago ang direksyon ng kilos ng pandiwa. Maaaring paloob o kaya naman ay palabas.
Tatalakayin natin ang iba pang mga salita na ang ugat ay mahirap nang makilala sa ngayon, tulad ng makinig, kanluran, panginoon, iwan, at iba pa. Interesante, di ba?