BILANG isang multidisciplinary course, masaklaw ang inaaral sa Bachelor of Arts in Development Studies (DevStud) sa University of the Philippines Manila (UPM). Sadyang nakabalangkas ng ganito ang kurso dahil sa multidimensional na katangian ng kaunlaran bilang panlipunang penomenon. Ang mga sumusunod na bahagi ay nagtatalakay ng mga asignatura at aralin na nakapaloob sa kurso at kung paano nag-aambag ang bawat isa sa kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral bilang development scholar at practitioner sa hinaharap.
General education
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng general education (GE) sa pagiging komprehensibo at holistiko ng pag-aaral sa kolehiyo bilang antas ng edukasyon at ng kaunlaran bilang subject of inquiry. Sa kasalukuyan ay mayroong 18 units na core GE at isang prescribed GE ang kursong Development Studies na katumbas ng pitong asignatura.
Multidisciplinary din ang bumubuong asignatura sa hanay ng core GE kabilang ang pag-aaral ng Wika, Kultura at Lipunan (Wika I), Kasaysayan ng Pilipinas (Kas I), Ethics and Moral Reasoning in Everyday Life (Ethics I), Critical Perspectives in Communication (Comm 10), Math, Culture and Society (Math 10), at Science, Technology and Society (STS I). Social, Political and Economic Thought (SocSci II) naman ang kaisa-isang prescribed GE sa kurso na may malaking maitutulong sa pag-aaral ng Introduction to Development Studies (DS 100) at History of Economic Thought (Econ 109) dahil saklaw nito ang kritikal na pagsusuri ng mga teorya at kaisipang panlipunan. Mahalaga ang teorya bilang gabay sa praktika upang makamit ang praksis o salimbayan ng dalawa.
Kapansin-pansin at kapuri-puri rin ang dulog (o approach) sa matematika, agham at teknolohiya na mayroong malakas na panlipunang oryentasyon batay pa lang sa course title ng mga ito (Math, Culture and Society at Science, Technology and Society). Sa Math I, halimbawa, ay inaaral ang ‘ethonomathematics,’ ‘math and gender’ at ‘critical mathematics’ bilang makabuluhang pagpopook sa kultura, kasarian, at lipunan. Sa STS I naman ay sinasaklaw ang dugtungan ng precolonial, colonial at postcolonial S&T.
Gayundin, mahalaga ang pag-aaral ng wika, kultura at kasaysayan para maunawaan ang lipunang Pilipino sa nakaraan at kasalukuyan. Malaki rin ang ambag ng pag-aaral ng etika (o talaasalan) upang maunawaan ang tama at maling asal sa iba’t ibang kultura at konteksto kasama na ang pananaliksik.
Foundation courses
Sa kabuoan, multidisiplinaryo rin ang katangian ng mga foundation course sa kursong Development Studies. Mahalaga sa pag-aaral ng kaunlaran ang komunikasyon at kabilang dito ang paglinang sa kasanayan sa komunikasyon at pananaliksik. Mas naihahanda ang mga mag-aaral sa Research Methods (DS 199) at Development Research (DS 200) sa tulong ng mga asignatura sa communication/komunikasyon. Ayon kay Dr. Alexander Flor, ang kaunlaran sa katotohanan ay proseso ng komunikasyon.
Kritikal na salik ng kaunlaran ang politika at pamamahala (politics and governance) kaya kasama sa balangkas ng kurikulum ng Development Studies ang dalawang asignatura ng agham pampolitika (Introduction to Political Science o PolSci 11 at Philippine Politics o PolSci 14). Sa mga asignaturang ito kritikal na inaaral ang ideolohiya, anyo ng pamahalaan, sangay ng gobyerno, uri ng demokrasya, at karapatang pantao na may mabibigat na implikasyon sa kaunlaran ng isang bansa at kalusugan ng mga mamamayan nito.
May kwantitatibong aspekto rin ang kurso kaya nanatiling may College Algebra (Math 11) sa kurikulum. Nagsisilbi rin itong prerequisite sa batayang kurso sa Ekonomiks.
Mas nagiging mayaman at malalim ang diskurso ukol sa lipunan, kultura at kaunlaran sa tulong ng mga teorya at konsepto mula sa asignaturang Sikolohiya (Psych 101), Agham-Tao (Anthro I), at Sosyolohiya (Socio 101) na sumasaklaw sa micro, meso at macro level of analysis. Sa pangkalahatan, tinatawag na Behavioral Sciences ang tatlong disiplinang ito.
Malaking tulong ang mga asignaturang nabanggit sa komprehensibong pag-aaral ng indibidwal, pamilya, organisasyon, komunidad, bansa at rehiyon.
Maituturing na isang haligi ng kaunlaran ang likas-kayang pangangalaga sa saribuhay (biodiversity) at responsableng pamamahala ng kapaligiran kaya mahalaga ang asignaturang Bio 107 (Biodiversity and Sustainable Development) para sa dakilang tunguhing ito. Huwad ang kaunlaran kung hindi naka-angkla sa sustainability praxis.
Malaki rin ang ambag ng Logic (Philo 11) upang mas maging mapanuri ang mga mag-aaral sa paglalantad ng mga fallacious argument lalo na yaong may kinalaman sa lipunan at kaunlaran.
Core courses sa Economics
May malakas na pang-ekonomikong oryentasyon ang kurso kaya sinasaklaw nito ang mga batayan at espesyalisadong asignatura sa Ekonomiks kabilang ang Introductory Economics (Econ 11), Macroeconomics (Econ 101), Microeconomics (Econ 102), History of Economic Thought (Econ 109), Philippine Economic History (Econ 115), International Trade (Econ 141) at Public Finance (Econ 151).
Sa partikular, kritikal na inaaral sa Ekonomiks bilang core course ang mga sumusunod: talaban ng estado, merkado at lipunan, nagtutunggaling moda ng produksyon at modelong pangkaunlaran, proseso ng pagbabadyet, patakaran ng globalisasyon, kalakalang panlabas, ekonomiya ng kalusugan, at iba pa.
Mahalaga ring mapag-aralan ang ekonomiya ng bansa sa konteksto ng iba pang salik at dimensyon ng pag-iral kabilang ang ekolohikal, heograpikal, politikal, ligal, administratibo at kultural na konsiderasyon. Alinsunod ito sa pampolitikang ekonomiya na dulog (political economy approach) sa pag-aaral ng kaunlaran at panlipunang pagbabago.
Core courses sa Development Studies
Unang kinukuha ng mga mag-aaral ang Introduction to Development Studies (DS 100) bilang panimula sa mga susunod pang asignatura mula DS 121 hanggang DS 200. Sa pambungad na asignaturang ito inaaral ang mga batayang teorya at konsepto sa araling pangkaunlaran kabilang ang mga dominante at alternatibong dulog sa pagdadalumat, pagpaplano at pagpapatupad ng kaunlaran.
Dugtungan (o sequential) ang balangkas ng ilang mga asignatura sa Development Studies. Halimbawa, nakaprogramang magkasunod ang Development of Capitalist and Socialist Countries (DS 111) at Development in the Third World (DS 112) upang masaklaw na mapag-aralan ang iba’t ibang karanasan sa kaunlaran alinsunod sa magkakaibang antas ng kaunlaran, nagtutunggaling ideolohiya, at iba’t ibang moda ng produksyon.
Ganoon din ang Study of Philippine Underdevelopment (DS 121) at Philippine Development Strategies (DS 122) upang ang mga isyu at problemang pangkaunlaran na naitampok sa DS 121 ay matambalan ng angkop na tugon at stratehiya sa DS 122.
Alinsunod sa proseso ng kaunlaran, ang Development Planning and Policy Formulation (DS 151) ay nakabalangkas kunin bago ang Program Implementation and Project Management (DS 152). Kumakatawan ang DS 151, DS 152 at DS 128 (Human Resource Development) sa mga asignaturang nakapaloob sa policy and planning na pawang mahahalaga sa public, private o voluntary sector management.
Inaaral naman sa International Aspect of Philippine and Third World Development (DS 125) ang mga pandaigdigang isyu na humahamon sa mga atrasadong bansa. Kagaya ng DS 111, DS 112 at DS 122, ang DS 125 ay may komparatibo ring katangian. Sinasaklaw din ng mga asignaturang ito ang mga development at policy debate na may kinalaman sa pagkain at agrikultura, development finance, dayuhang utang panlabas, turismong medikal at iba pa.
Mayaman sa likas na rekurso ang Pilipinas subalit ito ay hindi ganap na napapakinabangan ng masang Pilipino dahil sa iresponsable at hindi likas-kayang pamamahala. Sa kontekstong ito, may malaking papel ang asignaturang Natural and Physical Environment and Development (DS 127) katambal ang Bio 107 upang mas kritikal na masuri ang mga isyu at hamong pangkalikasan kagaya ng climate injustice, development aggression at disaster capitalism.
Maituturing na hilaw ang pag-aaral ng kaunlaran kung hindi kabilang ang kultural na dimensyon na siyang tinutugunan ng asignaturang Filipino Identity and Culture (DS 123). Katambal ng Wika I, Anthro I at Socio 101 ay mas lumalalim ang pag-unawa ng mag-aaral sa kultura at pagkataong Pilipino. Mahalagang maisama sa integrasyon ang kultural na salalayan ng kaunlaran para hindi maging makitid, monolitiko, at malabnaw ang pagsusuring panlipunan.
Ang pagkakaroon ng Political Economy of Health (DS 141) ay alinsunod sa mandato ng dating pamunuan ng pamantasan na bumuo ng asignaturang may kinalaman sa kalusugan dahil ang University of the Philippines Manila (UPM) campus ay isang health science center. Sa asignaturang ito inaaral ang right to health, building blocks of health, social determinants of health, planetary health, at triple burden of health.
May matingkad na pangkomunidad na katangian ang kursong Development Studies kaya isinama ang mga sumusunod na asignatura sa nakaraang curricular revision: The Philippine Community (CD 100), Rural Development (CD 112) at Urban Development (CD 113). Kinikilala ng mga asignaturang ito ang malakas ng place-based orientation ng kaunlaran at ang katotohanan na ang espasyo ay ‘site of struggle.’
Pleksible naman ang Directed Readings in Social Science (SocSci 120) dahil maaaring saklawin sa asignaturang ito ang anumang paksang may kinalaman sa kaunlaran at lipunan. Sa nakaraan, pinaksa ang mga sumusunod na tema sa magkakaibang semester ng iba’t ibang propesor na nagturo nito: occupational health and safety, elite studies, popular culture, alternative social theories at communication for development.
Magkakatambal naman ang Statistics in the Social Sciences (SocSci 192), Development Methods in Development Studies (DS 199) at Development Research (DS 200) upang tugunan ang pangangailangang sanayin sa pananaliksik ang mga mag-aaral ng kurso.
Nililinang din sa DS 199, DS 200 at sa iba pang asignatura ang mga mag-aaral upang gamitin ang mga alternatibong metodo ng pananaliksik kagaya ng photo elicitation, photo voice, bodymapping, walking interview, countermapping at iba pa.
Sa nakaraan at kasalukuyan, sinasaklaw ng mga mag-aaral ang mga sumusunod na paksa sa kanilang development research: coastal poverty, climate financing, aid politics, water governance, food inflation, land-use conversion, transnational gentrification, health financing, health devolution, maternal health, urban health, prison health, disaster resilience, migration journalism, nurse migration, textbook scandal, cooperative movement, counter-histories, public sector unionism at iba pa.
Alinsunod sa development praxis at bilang aplikasyon ng mga natutunan sa kurso, sumasailalim ang mga mag-aaral sa practicum (DS 190). Nakikipamuhay sila sa komunidad at kanilang inaaral ang kabuhayan, kalusugan at kultura ng mga batayang sektor.
Qualified electives and cognates
Nakabalangkas din ang kurso para makakuha ang mga mag-aaral ng Philippine National Development (PND) electives kagaya ng Human Resource Development (DS 128), Politico-administrative Institutions and Behavior (DS 126) at Special Problems in Development (DS 140). Inaaral sa DS 128 ang pagpapaunlad sa yamang-tao at pagpoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa. May malakas ding labor law orientation ang DS 128 partikular sa mga klase ni Atty. Karol Sarah Baguilat na isang batikang labor arbiter.
Samantala, sinasaklaw naman ng DS 126 ang implikasyon ng salimbayan ng politika at pamamahala sa proseso ng kaunlaran at panlipunang pagbabago. Natatangi naman ang DS 140 dahil pinag-uukulan ng pansin dito ang mga napapanahong isyung pangkaunlaran kagaya ng pinaksa dati ni Prop. Roland Simbulan ukol sa di-pantay na relasyon ng Pilipinas sa mga tinatawag na ‘superpowers sa daigdig at ‘big powers’ sa rehiyon.
Kumukuha rin ang mga mag-aaral ng dalawang cognates sa Agham Panlipunan alinsunod sa kanilang pananaliksik sa DS 199 at DS 200 at propesyonal na larangang gusto tahakin. Halimbawa, maaring kumuha sa ibang degree program ng health politics, health social science, medical anthropology at abnormal psychology kung nais ng mag-aaral ituloy sa medisina ang kurso o kaya ay judiciary, legislature, public administration, public international law at private international law kung nais naman ituloy sa abogasya.
Legislated subjects
Kagaya ng ibang degree programs, kinukuha rin ng mga mag-aaral ng kurso ang legislated subjects kagaya ng Life and Works of Rizal (PI 100) at National Service Training Program (NSTP I and II). Kapwa mahalaga ang mga asignaturang ito para pukawin ang damdaming makabayan ng mga mag-aaral. Marami ring maaaring mahalaw at matutunan kay Rizal sa kanyang karanasan sa Dapitan at sa NSTP Civic Welfare Training Service (CWTS) ukol sa community organizing and development.
Pagbubuo(d)
Sa kabuoan ay katumbas ng 149 units ang kursong Development Studies. Kabilang din ang apat na asignatura ng physical education (PE) sa kinukuha ng mga mag-aaral upang maging holistiko ang kanilang pag-unlad bilang indibidwal.
Dahil sa multidisciplinary na katangian ng kurikulum ay nakatutugon ang kurso sa pangangailangan ng iba’t ibang sektor, industriya, larangan, konteksto, at komunidad.
Hangga’t laganap ang kahirapan, di-pagkakapantay-pantay at panlipunang eksklusyon ay mananatiling makabuluhan at may matinding panangailangan sa kurso at mga nagkapagtapos mula rito.
Mananatili rin ang laban para sa dekolonisasyon at demokratisasyon ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]