NITONG nakaraang Rizal Day, Disyembre 30, ang remastered version ng pelikulang “Jose Rizal” ng GMA Films ay sinimulang ipalabas sa Netflix. Marami ang nagbunyi sapagkat lahat halos ay gustong gunitain at balikan ang buhay ng ating pambansang bayani. Mula sa big screen noong una itong ipinalabas, nakarating na ito sa streaming platform na gaya ng Netflix. Ang pelikulang ito na ipinalabas sa Metro Manila Film Festival noong 1998 ay idinirihe ni Marilou Diaz-Abaya (na kalaunan ay itinanghal na National Artist for Cinema) mula sa screenplay ng tatlong manunulat na sina Ricky Lee (isa pang itinanghal na National Artist for Film and Broadcast Arts), Jun Robles Lana (Palanca Awards Hall of Famer), at Peter Ong Lim.
Pinagbidahan ni Cesar Montano ang pelikulang ito. Natatandaan ko na naanyayahan ako dati ng ‘The Learning Tree’ school sa Quezon City na pinangangasiwaan ni Teacher Francie Lacanilao. Parang Linggo ng Wika ang naturang selebrasyon at kami ni Cesar Montano ang naging panauhin nila. Sabi ni Teacher Francie noon sa mga estudyante, “may dalawa tayong panauhing doktor – ang isa ay doktor na manunulat ng kuwentong pambata at ang isa ay doktor na bayani, si Dr. Jose Rizal.” Sabay kami ni Montano na naglakad sa malaking hall ng paaralan. Nakasuot siya ng mismong costume na isinuot niya sa pelikulang Jose Rizal. Sabi niya sa akin, “ito mismo ang isinuot ko sa shooting ng pelikulang Jose Rizal, pati ang hat na suot ni Rizal.” Ipinakita pa niya ang naturang sombrero at pinangahasan ko pa yatang isukat.
Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang pagkakaton na nakadaupang-palad ko ang beteranong film director na si Marilou Diaz-Abaya. Nang matapos na niya ang pelikulang ‘Jose Rizal’ at nasa post production stage na ito, hiniling niya kay Direk Jun Lana na kung may kakilala siyang doktor ay mangyaring anyayahan sa pagre-review ng mga kuha niyang shots sa pelikula. Isa ako sa inanyayahan ni Direk Jun. “Luis, gustong ipanood ni Direk Marilou sa isang manggagamot ang pelikula habang ineedit pa ito lalo na ‘yung eksenang inooperahan ni Rizal ang kaniyang ina.” Inaanyayahan din ni Direk Jun ang isa ko pang kaibigang doktor na mahilig din sa sining at pelikula, si Dr. Eva Aranas-Angel, na noo’y nagte-training pa lang sa subspecialty na Geriatrics sa St. Luke’s Medical Center (at ngayo’y isang practicing internist-geriatrician sa Davao City). At oo ng apala, ang isa pang kasamahan nina Direk Jun Lana na sumulat ng screenplay, si Peter Ong Lim, ay isa ring manggagamot.
“Ayokong magkamali kahit kaunti,” iyon ang bungad sa amin ni Direk Marilou. “Gusto kong ma-verify na tama ang placement ng kamay ni Pepe, ang mga ginagamit niyang instrumento sa pag-oopera, ang mga anggulo habang kunwa’y nag-oopera siya.” Noon ko nakita nang malapitan si Direk Marilou. Mahalaga sa kanya ang accuracy at authenticity ng mga eksena. Nang magsimulang ipakita na ang eksena ni Pepe (Cesar Montano) kay Teodora Alonso (ginampanan ni Gloria Diaz), tinitingnang maigi ni Direk Marilou ang reaksiyon namin ni Doc Eva sa naturang eksena sa pelikula. “Tama ba lahat? Walang mali sa depiction ko sa eksena?” paglilinaw pa niya. Mahusay na naipakita ni Direk Marilou sa kaniyang pelikula ang tamang paraan ng pag-oopera ni Rizal sa mata ng ina.
Sa naturang screening sa Roadrunner post-production house sa Quezon City, napapagitnaan kami ni Doc Eva nina Ricky Lee (National Artist for Film and Broadcast Arts), Direk Marilou Diaz-Abaya (National Artist for Cinema), at Direk Jun Lana. Sa isip-isip namin ni Doc Eva, napaliligiran kami ng mga taong dakila sa larang ng pelikula. Kaming dalawa lang doon ang kumakatawan sa ordinaryong moviegoer (at oo nga pala, kritiko para sa ‘medical side’ ni Rizal).
Nang magpaalam saglit si Direk Marilou na pupunta sa rest room, agad kong binanggit kay Ricky Lee na parang hindi ko naramdaman ang karakter ni Josephine Bracken (ginampanan ni Chin-Chin Gutierrez). Sa tingin ko ‘kako, kung paanong three-dimensional ang characterization ni Leonor Rivera, si Bracken naman ay waring ‘played down.’ Panay palinga-linga lamang si Josephine sa pelikula. Sabi sa akin ni Ricky, gustong-gusto nga raw niyang habaan pa ang papel ni Josephine Bracken pero tinututulan daw ito ni Direk Marilou. “Ikaw kaya ang mag-suggest na habaan,” sabi pa sa akin ni Ricky Lee.
Nang binanggit ko kay Direk Marilou ang tungkol sa napag-usapan namin ni Ricky, ganito ang isinagot niya sa akin: “Sinadya ko ‘yan, Dok. Sabihin mo nga sa akin kung paano ko igagalang ang isang babaeng gaya ni Josephine Bracken!” At nagsimula siyang maglitanya nang mga nangyari sa buhay ni Josephine Bracken: mula nang makilala ito ni Rizal sa Dapitan habang kasama ang kanyang stepfather na nagpagamot, at hanggang sa pagsali nito sa Katipunan nang mamatay si Rizal, sa paghingi ni Bracken ng kaparte sa lupang minana ni Rizal, at sa muling pagpapakasal nito kay Abad sa Hong Kong gayong wala pang isang taong namatay si Rizal. Halatang wala talagang amor si Direk Marilou kay Josephine Bracken.
Humirit pa rin ako kay Direk Marilou na yamang si Josephine Bracken naman ang tinaguriang ‘dulce estranghera’ ni Rizal (Rizal’s sweet stranger) kaya baka puwedeng habaan na niya o dagdagan ang mga eksenang patungkol dito. Sinagot niya ako nang ganito: “Hays! Kasalanan ito ng akademya. Tinuruan kayong maging romantiko ng akademya. Ayan tuloy, ni-romanticize n’yo si Josephine.” Tawanan ang naging kasunod nito. Pagkatapos ay dinugtungan pa niya nang ganito: “Bukas, ang hiniling ko namang manuod ng film na ito ay si Bien. Eh isa pa ‘yung romantikong gaya mo! Baka hanapan na naman ako ng presence ni Josephine!” Ang kritiko at manunulat na si Bienvenido Lumbera, na tinanghal ding National Artist for Literature, ang tinutukoy ni Direk Marilou. Mahigpit niya akong niyakap bago kami naghiwa-hiwalay. Panay ang pasasalamat ng butihing direktor.
Ilang linggo bago ipalabas sa mga sinehan ang ‘Jose Rizal’ bilang lahok noon sa MMFF, muli akong sinabihan ni Direk Jun Lana na pinaaanyayahan daw akong muli ni Direk Marilou para sa isa pang screening ng naturang pelikula. Hinabaan na raw niya ang exposure ni Josephine Bracken. “At sana’y sumaya na ang kaibigan mong romantikong doktor,” sabi pa raw ni Direk Marilou.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi ako nakadalo sa final screening dahil may nauna akong engagements. Sa sinehan ko na lang pinanood at hinanap ang binanggit ni Direk Marilou na hinabaan na raw niyang exposure ni Josephine Bracken. Natawa ako nang makita ang naturang eksena – walang panibagong shoots na ginawa para kay Josephine. ‘Yun pa rin ang dating eksena. Hinabaan lang niya ang screen time ni Chin Chin Gutierrez na gumaganap na Josephine Bracken. Palinga-linga pa rin ito. Wala pa ring speaking line.