SA pagsalubong ng bagong taon, nagbigay si Senador Alan Peter Cayetano ng mensahe ng pag-asa at hinikayat ang mga Pilipino na harapin ang taong 2025 nang may malinaw na layunin at matibay na direksyon.
Sa kanyang Facebook live broadcast nitong January 1, 2025, pinaalala ni Cayetano na bagaman karaniwan ang mga New Year’s resolutions, mahalaga na ito ay suportado ng masusing pagninilay at pagpaplano.
“Napakaimportante na even before we make our New Year’s resolutions, we think about plans, vision, and purpose,” wika niya.
Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng vision para sa hinaharap, na aniya’y nagsisilbing pundasyon sa pagtamo ng mga layunin.
“Kailangan na may vision tayo. Wala pong nagsasabi na may plano siya na walang vision. ‘Pag sinabi ng bata na gusto niya maging doctor, ibig sabihin nakikita niya ang sarili niya sa role na iyon,” wika niya.
“Kapag ang purpose ay klaro, napakaimportante na we should write down the vision then run with it. Ibig sabihin, i-pursue natin ang vision na ‘yan,” dagdag niya.
Hinimok din ng senador ang mga Pilipino na pagnilayan kung saan nila nakikita ang kanilang mga sarili at ang bansa sa mga susunod na buwan at taon.
“It’s very important to demonstrate kung nasaan ako by June 30 ng taon na ito, nasaan ako 10 years from now. Ano ang mga nagawa ko para makamit ang mga vision ko?” wika niya.
Habang marami pa rin ang bumabangon mula sa mga naging hamon ng nagdaang taon, hinikayat ni Cayetano ang bawat Pilipino na patuloy na magtiwala sa Panginoon.
“May plano ang Panginoon para sa atin — plano na pagpalain tayo at hindi saktan, at plano na bigyan tayo ng pag-asa at kinabukasan,” wika niya.