SA pagpasok ng bagong taon ang mga ekonomista ay mistulang nagiging manghuhula sa pagtantantiya sa lagay ng ekonomiya sa pumapasok na taon. Ngunit dahil ayokong manghula kaya’t noong Enero 4, 2024 isinulat ko sa kolum na ito ang aking mga hangad para kalusugan ng ating ekonomiya. Tatlong mahahalagang bagay ang hinangad ko sa ating ekonomiya. Una, ang katatagan ang panloob at panlabas na halaga ng piso. Ikalawa, ang pagbaba ng antas ng desempleyo. At ikatlo, ang paglawak ng pangangapital sa imprastruktura at sa yamang-tao. Tignan natin kung natupad ang mga hangad na ito sa ating ekonomiya sa nagdaang taon.
Ang panloob na katatagan ng piso ay makikita sa antas ng inflation rate. Mukhang naging nasa target naman ang inflation rate noong 2024. Nagsimulang bumaba ang inflation rate noong Hulyo 2024 na nagtala sa 4.4% at naging 1.9% na lamang ito noong Setyembre. Ngunit tumaas na naman ito noong October at naging 2.5% noong Nobyembre. Ang inflation rate na ito ay lagpas sa itinakdang 2.4% para sa buong taon. Ang pagtaas ng mga presyo noong Nobyembre ay bunga ng pagtaas na presyo ng pagkain na tumaas ng 3.4% noong Nobyembre. Ang pagkain kasama na ang bigas ay may malaking bigat sa pagtatakda ng inflation rate dahil ito ang pangunahing kinukonsumo ng mga pamilyang Pilipino. Kahit mas mataas nang kaunti ang naitalang inflation rate sa target, masasabi nating matatag pa rin ang panloob na halaga ng piso. Ang ganitong sitwasyon ay nagpapahiwatig na maaari pang babaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rate at palawakin ang suplay ng salapi upang lalong mapabilis ang paglaki ng ekonomiya na hindi nagbabadya ng mabilis na inflation rate. Ito ay nagbibigay pag-asa sa positibong kalagayan ng ating ekonomiya sa susunod na taon.
Samantala, ang eksternal na katatagan ng piso ay ipinakikita sa pagbabago sa palitan ng salapi. Noong Disyembre 27, 2024 ang palitan ng salapi ay umabot sa PHP 58.01 sa bawat US dolyar. Ang average na palitan ng salapi sa taong 2024 ay naitala sa PHP 57.28 bawat US dolyar. Kung ihahambing ito sa palitan ng salapi noong 2023 na PHP 55.63 ang PH piso ay nakaranas ng 2.89% depresasyon. Ito ay hindi na nalalayo sa pagbababa ng halaga ng piso noong 2023 na naitala sa 2.07 porsiyento. Ngunit malayong malayo ito sa depresasyon ng piso noong 2022 na naitala sa 9.59 porsiyento.
Ang depresasyon PH piso ay bunga ng mataas ng halaga ng US dolyar at hindi dahil mahina ang PH piso. Maraming negosyante na inilalagak ang kanilang mga pondong US dolyar sa Estados Unidos dahil nakikita nila ito bilang isang ligtas na lugar sa panahon ng panganib lalo na sa lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan. Ang depresasyon ng piso ay makabubuti sa ating mga produktong iniluluwas ngunit makasasakit sa mga produktong inaangkat dahil tumataas ang presyo ng mga bilihing inaangkat.
Sa ikalawang hangad ng pagbaba ng antas ng desempleyo, ang unemployment rate noong Oktubre 2024 ay bumaba sa 3.9 porsiyento. Ang bilang ng mga manggagawang walang trabaho ay bumaba sa 1.9 milyon noong Oktubre 2024 mula sa 2.09 milyon noong Oktubre 2023. Tinatantiya na ang porsiyento ng desempleyo ay aabot sa 4% sa taong 2024 at nasa loob na target na 4% hanggang 4.4% sa taong nabanggit. Ang pagbabang antas ng desempleyo ay nagbibigay pag-asa sa ating ekonomiya dahil maraming mamamayan ang may trabaho na makapagpapasigla sa paglago ng ating GDP dahil sa kanilang dagdag na pagkonsumo.
Ang ikatlong hangad ay ang pagpapalawak ng pangangapital sa imprastruktura at yamang-tao. Ang makitid na pangangapital sa imprastruktura at yamang-tao tulad ng edukasyon at kalusugan ang mga pangunahing dahilan sa mabagal na paglaki ng ating ekonomiya. Ang pangunahing palatandaan sa gugulin sa imprastruktura ay ang lagay ng industriya ng construction at ang gugulin ng pamahalaan sa imprastruktura. Noong ikalawang kwarter ng 2024 ang pangunahing sector na nag-ambag nang malaki sa paglago ng ekonomiya ay ang sector ng construction na lumalaki ng 16 porsiyento. Ang industriya ang construction ay tinatayang lalaki ng 8.4% sa taong 2024. Samantala, ayon sa DBM, ang kabuoang gugulin ng pamahalaan sa imprastruktura ay aabot sa PHP 1.54 trilyon sa 2024 na katumbas sa halos 5.8 % ng GDP ng bansa. Ang sitwasyong ito ay nagbibigay pag-asa na uusad ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na taon.
Samantala, ang gugulin sa edukasyon at kalusugan ay nagbibigay pangamba dahil sa 2025 budget ng pamahalaan binawasan ng Kongreso ang budget ng Department of Education ng PHP 12 bilyon at walang inilaang tulong sa Philhealth. Kahit na ang DepEd ang makakakuha ng pinamalaking bahagi ng budget ng pamahalaan ang pagbabawas ng budget nito ay may negatibong epekto sa kalidad ng pampublikong edukasyon. Kahit na may nakukuhang kontribusyon ang Philhealth mula sa mga miyembro nito kailangan pa rin nito ng dagdag na pondo upang mapalawak at mapahusay ang mga serbisyong pangkalusugan.
Ganoon pa man natutuwa na rin ako dahil halos 80% ng aking hinangad ay natupad. Salabungin natin ang 2025 ng bagong pag-asa. Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat.