NATAPOS ang taong 2024 na maraming kinakaharap ng kontrobersya si Bise-Presidente Sara Duterte, kasama na rito ang apat na impeachment complaints na inihain laban sa kanya sa Kongreso.
Ayon sa Bise-Presidente, sa kanyang press conference noong Nobyembre 23, 2024, nagsimula ang pag-atake sa kanya matapos siyang magbitiw sa tungkulin bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ngunit bago pa man ito, sinabi niyang 2023 pa, nagsimula ang “pambabastos” sa kanya nang magpulong ng Makabayan bloc at si House Speaker Martin Romualdez.
Matapos ang isang matagumpay na politikal na istratehiya na nagresulta sa kanilang landslide victory dalawang taon na ang nakararaan, naging “toxic” na umano, ayon kay VP Sara, ang relasyon niya sa Pangulo bilang kaalyansa.
Mga hakbang na kontra-Duterte
Matapos manalo ng UniteamMarc- ang campaign team nina Marcos at Duterte, maayos na nagsimula ang administrasyong Marcos.
Ngunit, sa kabila ng alyansa kay VP Sara, hindi naaayon ang mga naging paninindigan ni Pangulong Marcos sa mga naunang ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng Bise.
Una, nais ni Pangulong Marcos na manindigan ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas na inaagaw ng China. Kay dating Pangulong Duterte, ayaw niyang china-challenge ang China, sa halip kinakaibigan pa nga niya si China President Xi Jinping.
Sa usaping droga naman, ayaw ni Marcos na magkaroon ng madugong pagtugis gaya ng nakaraang administrasyon ni Duterte sa mga lulong sa ipinagbabawal na gamot at mga pusher nito.
Binabalak pa ni Marcos na bumalik bilang kasapi ng International Criminal Court gayong may indictment nga ito sa dating Pangulo dahil sa crime against humanity buhat sa maraming namatay na tao habang ipinatutupad ang laban kontra droga ng administrasyong Duterte..
Pag-alis ni VP Sara sa Gabinete
Pagdating ng Hulyo, nagbitiw na bilang kalihim ng DepEd ang Pangalawang Pangulo.
Pagsapit ng Oktubre nagpa-press conference siya sa Office of the Vice President.
Sabi niya ng makailang ulit, “drag me to hell.” Inakusahan niya rito si Pangulong Marcos na hindi marunong mamuno at kasamang inilulubog ang bansa patungo sa impyerno.
Nang panahong iyon, humarap ang OVP sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng budget nito at confidential funds.
Nitong Oktubre 17, 2024, ipinatawag ng komite ang anim na kawani ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo para sa isinasagawa nitong imbestigasyon.
Ito, matapos ang pagdinig din ng Kamara sa panukalang budget ng DepEd at ng OVP para sa taong 2025 kung saan kinuwestyon ng mga mambabatas ang umano’y iregularidad sa paggasta ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Sabi ni VP Sara: “Gusto nila impeachment. So, ang ginagawa nila nagfi-fishing sila, hanap sila ng hanap.”
Dito rin niya sinabi na naimagine niyang pinuputulan nya ng ulo si Marcos dahil sa awa niya sa napahiyang graduating student na hindi pinagbigyan ng Pangulo ang kahilingan na mapasakanya ang relo ni Marcos, at narealize na “toxic” na ang kanilang tambalan.
Sa press conference ding ito, tinanong si VP Duterte ng isang mamamahayag kung nakalimutan na ba ng nakaupo ngayon na ang kanyang ama — si dating Pangulong Duterte, ang gumawa ng hakbang na labag sa kalooban ng mga Pilipino nang payagan nitong mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos Sr.
“Hindi ko alam pero isang beses sinabihan ko talaga si senator, sabi ko sa kanya pag hindi kayo tumigil huhukayin ko yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea. Sinabihan ko si Senator Imee. One of these days pupunta ako doon kukunin ko ‘yang katawan ng tatay niyo itatapon ko yan sa West Philippine Sea,” sagot ng Bise Presidente.
Midnight presscon
Nang sumunod na buwan, habang nakadetine sa Mababang Kapulungan ang kanyang chief-of- staff, nagkaroon ng online presscon si Duterte.
Reaksyon ang naturang press conference, na naka-post ang video sa isang kilalang pahayagan, sa utos ng House committee on good government na ilipat ang chief-of-staff ni Duterte mula sa detention room nito sa House of Representatives patungo sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
Inihayag ni Duterte ang hindi niya pagtanggap sa legitimacy ng kautusan ng komite dahil umano walang trabaho kapag Biyernes ang House of Representatives.
Sabi pa niya, si Lisa Marcos ang namimigay ng pera ng gobyerno.
“Ginigitgit ninyo yung mga tao ko dyan sa envelop na yan. Lisa Marcos, naalala mo nagpadala ka sa akin ng video sinabihan mo ako saan kukunin ang pera. Ipinakita mo ang mukha ng tao doon sa video message mo, “Hi VP. This is (inaudible) she’s been working with us for the longest time. We trust her.” You sent me written instructions about money, millions a month. Anong nakalagay dun sa envelope? DepEd. Anong ginawa ko? Binigay ko sa DepEd!” matigas na salita ni Duterte kasunod nito ang pagbibitiw ng isang malutong na mura.
“Wala ka ngang posisyon sa gobyerno namimgay ka ng pera ng gobyerno eh tapos sisirain mo ang pangalan ng mga kasama ko sa Office of the Vice President, sasabihin nyo sa mga tao nakaw yan, confidential funds yan, ni wala nga kayong isang proof na confidential funds iyan. Naniwala lang kayo sa isang babae na ang pangalan ay Gloria Mercado na nagsabing confidential funds yan. Hindi nyo nga inilabas na wala pang confidential funds meron ng white envelope…” ani Duterte. Dagdag pa niya, 2022 pa lamang ay “may utos na ng pera sa DepEd.”
Si dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado ang tinutukoy na ito ni Duterte na isa sa mga umaming nakatanggap ng white envelope na naglalaman ng pera, na sa pagdinig sa Kongreso, sa pagtatanong ni Congresswoman Luistro kung ito ba ay bribe, sinabi nitong “it could be.”
Dito rin sa midnight presscon na ito sinabi ni VP Sara na ”may kinausap na akong tao na sinabi ko sa kanya na kapag pinatay ako, patayin mo si BBM,si Lisa Araneta at si Martin Romualdez, no joke no joke, nagbilin na ako, pag namatay ako sabi ko wag ka tumigil ha, hanggat di mo napapatay sila and he said yes.”
Impeachment complaints
Sa pagbubukas ng session days ng Kongreso, haharap sa tatlong impeachment complaints na naihain nitong nakaraang Disyembre ang Pangalawang Pangulo.
Sabi ni Representative France Castro, isa sa mga naghain ng impeachment complaint at myembro ng Makabayan bloc, maaari pa umanong madagdagan ito.
Ayon sa Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, diringgin ang impeachment complaints sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan kinakailangan ng one-third ng mga kasapi nito ang dapat sumang-ayon upang aprubahan ang resolusyon na naglalatag ng Articles of Impeachment. Kapag inaprubahan ito ng kinakailangang boto, saka ito ieendorso sa Senado para sa paglilitis.
Kung hindi makukuha ang one-third ng boto ng mga mambabatas, mauuwi ito sa dismissal.
Tatlong kaso ng impeachment ang hinaharap ni Vice President (VP) Sara na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) at sa kaniyang pagbabanta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., first lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Natanggap ng Kongreso ang unang impeachment complaint na nilagdaan ng 16 katao laban kay Sara kung saan inakusahan sya ng graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Inendorso naman nina Representatives France Castro, Arlene Brosas and Raoul Danniel Manuel, pawang mga mambabatas, ang ikalawang impeachment complaint.
Isinampa naman ng grupong kinabibilangan ng mga paring Katoliko, civil society leaders, at mga abogado ang ikatlong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay VP Sara, tutulungan siya ng kaniyang ama bilang collaborating lawyer sa lahat ng kaso niya.
Naghahanda na umano si dating Pangulong Duterte ng mga kinakailangan nito para masertipikahan ng Integrated Bar of the Philippines.
Nililikom na rin umano ng kanyang mga abogado ang mga ebidensya mula sa mga pagdining, media at iba pa bilang paghahanda.
Sa kabila nito, inihayag ni Pangulong Marcos na hindi niya sinusuportahan ang impeachment laban sa Pangalawang Pangulo dahil matatali sa mga pagdinig nito ang lehislatura na wala naman umanong maitutulong sa mga mamamayang Pilipino.