WALANG katapusan ang proseso ng pagkatuto at pagsasanay dahil sa patuloy na pag-unlad ngkaalaman at pagbabago ng larangan. Sa kontekstong ito, magiging posible lamang ang tuloy-tuloy na pagkatuto at pagsasanay sa pamamagitan ng dedikasyon sa personal na antas (micro), institusyonal na suporta (meso), at kanais-nais na panlipunang kondisyon (macro). Ang
sumusunod na mga gabay sa pagpapayaman ng kaalaman at karanasan ay nakapaloob saiba’t ibang konteksto at yugto ng pag-aaral. Ikonsidera at ipatupad lamang ang naaangkop.
Sumali sa mga academic organization na magsisilbing giya (o guide) at higit na maghahanda sa iyo sa kurso o programa. Mainam kung tatambalan din ito ng pagiging miyembro ng mga socio-civic organization.
Seryosohin ang mga general education (GE) at foundation courses dahil mahalagang salik ang mga ito upang maging ganap at holistiko ang pagkatuto at pagsasanay. Hindi posible maging dalubhasa kung walang matibay na salalayang pang-akademiko.
Ikomplementa ng ibang babasahin ang batayang aklat at sanggunian.
Aralin ang mga takdang babasahin at tambalan ito ng ibang materyales.
Ugaliing magtala ng mga mahahalagang kaalaman kapag nagbabasa ng akda o nakikinig sa lektura (sa pamamagitan halimbawa ng Cornell notetaking method).
Bumuo ng mga study group at ugaliing magbrainstorm kapag may pangkatang proyekto.
Manood ng mga online lecture na tinipon ng TVUP ng University of the Philippines (https://tvup.ph/) katambal ng mga aralin sa klase.
Pumili ng angkop na elective at/o cognate na nakalinya sa iyong track o research agenda.
Magtala ng mga bagong salita at terminolohiya na natutunan. Sikaping gamitin ang mga ito kung may pagkakataon at sa tamang konteksto.
Aralin ang istilo ng pagsusulat ng mga may akda upang mapaghalawan ng ideya at makabuo rin ng sariling istilo.
Unawain ang ugnayan, tambalan at talaban ng mga paradigma, tradisyon, teorya, prinsipyo, diskurso, modelo, konsepto, dulog, at stratehiya sa larangan.
Maging pamilyar sa mga canonical at contemporary work ng larangan at disiplina.
Tandaan na ang edukasyon ay maaaring formal, nonformal o informal. Matuto sa iba’t ibang kaparaanang ito. Ang edukasyon samakatwid ay hindi lamang nakukulong sa apat na sulok ng silid-aralan.
Alamin ang cognitive (head), affective (heart) at psychomotor (hand) na dimensyon ng aralin at ang mahigpit na ugnayan ng mga ito.
Unawain at pahalagahan ang dugtungan ng kaalaman mula sa iba’t ibang disiplina, larangan at konteksto. Iwasan ang pagbabakod ng kaalaman batay sa disiplina (academic turfing).
Unawain ang unibersalidad at partikularidad ng kaalaman na tumatagos sa maraming larangan at disiplina. Imonitor ang antas ng kaalaman at kasanasan sa pamamagitan ng iba’t ibang
pamantayan at panukat.
Ilapat ang mga kaalaman sa praktika. Wika nga, ang teoryang hindi tinambalan ng praktika ay ‘baog’ samantalang ang praktika na hindi ginabayan ng teorya ay ‘bulag’.
I-pook o ikonteksto ang kaalaman sa komunidad (community-based contextualization and application).
Makipamuhay sa batayang sektor at matuto sa karanasan ng masa.
Linawin ang linya ng interes at larangang nais pagkadalubhasaan.
Linangin ang kultura ng pananaliksik (culture of research) nang maaga.
Alamin ang nananaig na academic culture ng inyong pamantasan, organisasyon o komunidad kung lumilikha ba ito ng ideyal na kondisyon upang maging produktibo sa pananaliksik.
Pumili ng angkop na mentor na gagabay sa iyo sa larangan.
Matuto mula sa peer review/evaluation at mapagkumbabang tumanggap ng constructive criticism.
Magsagawa ng benchmarking sa ibang institusyon sa loob at labas ng bansa.
Ipatupad ang research-informed teaching at teaching-informed research.
Unawain ang pagkakaiba ng assessment for learning, assessment as learning at assessment of learning at kung paano makikinabang mula sa mga ito.
Linangin ang disciplinal, multidisciplinal, interdisciplinal at transdisciplinal na
pagsisiyasat.
Kilalanin na may multiple intelligences and literacies para maunawaan na may iba’t ibang klase ng katalinuhan at kahusayan.
Sipatin at i-angkop ang mga kaalaman sa interkultural na konteksto nito.
Magbasa ng pahayagan upang masubaybayan ang mga balita at napapanahong isyu.
Sumubaybay sa mga opinion column na pumapaksa sa iyong larangan. Mahalaga ito
para magkaroon ng mas matalas na tindig ukol sa mga napapanahong development at
policy debates.
Ituloy ang pag-aaral sa antas ng masterado o doktorado. Ang iba pa nga ay nagtutuloy
sa postdoctoral fellowship.
Kumuha ng vocational courses alinsunod sa iyong interes.
Maging isang lifelong learner at hindi dapat maging hadlang ang edad sa katuparan nito.
Pumili ng graduate degree program na may mahuhusay na hanay ng dalubguro at
kamag-aral.
Magbasa ng mga open access academic journal upang patuloy na masubaybayan ang
mga bagong paradigma, kaalaman at metodo sa larangan.
Ugnayan ang mga awtor ng mga journal article sa pamamagitan ng email kung iyong
nais maglinaw ukol sa kanilang akda. Marami sa kanila ay magiliw na tumutugon at
nagbabahagi.
Kumuha ng mga libreng kurso sa Massive Open Online Course (MOOC) sa University of
the Philippines Open University (UPOU) (https://model.upou.edu.ph/).
Sumali sa mga academic professional organization sa iyong larangan.
Dumalo at magpartisipa sa mga komperensya, sampaksaan (symposium), at palihan
(workshop). Maging kabahagi sa open forum at question and answer (Q&A). Maaaring
isagawa ito sa pamamagitan ng webinar kung hindi kakayanin ang face-to-face
attendance.
Bumuo o sumali ng mga community of practice (CoP) alinsunod sa iyong interes at
larangan. Tandaan ang tatlong elemento o 3 Ps ng CoP: purpose, people at practice.
Matuto sa teorya at praktika ng knowledge management (KM praxis).
Unawain ang bawat yugto ng knowledge management: discovery, creation, curation and
organization, review and assessment, dissemination, utilization, optimization at iba pa.
Isulong ang knowledge management for development (KM4D) upang maging
makabuluhan ang kaalaman sa lipunan.
Pahalagahan pareho ang explicit (institutional) at implicit (indigenous) knowledge.
Pag-ibayuhin ang pagiging matatas sa ginagamit na wika at matuto rin ng bagong wika.
Ugaliing gamitin ang serbisyo at rekurso ng silid-aklatan.
Bumuo ng mini-library at pagyamanin ang koleksyon taun-taon.
Bumisita sa mga book sale at book fair.
Bumuo ng reader’s circle o book club.
Tipunin ang mga mahahalagang babasahin. I-organisa ang mga ito batay sa tema o
paksa.
Gamitin nang wasto, etikal at maingat ang teknolohiya kagaya ng artificial intelligence.
Maging mapanuri at mapagnilay (critical reflectivity) sa proseso ng pagkatuto.
Iwasan maging mapagmataas sa kapwa.
Pahalagahan ang academic honesty at intellectual humility sa lahat ng pagkakataon.
Igiit na ang edukasyon ay karapatan at hindi isang pribilehiyo para sa iilan.
Huwag maging madamot sa kaalaman. Ibahagi ito lalo na kung para sa kapakinabangan ng nakararami.
Pasa sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]