TAPOS na naman ang taon. Ang bilis di ba, Juan?
Oo nga, Uncle. Halos hindi ko namalayan, 2025 na!
Naku, talaga nga naman. Panahon na naman ng New Year’s resolution. Meron ka ba, Juan?
Siyempre naman, Uncle. Dapat pagbukas ng bagong taon, meron tayong listahan ng gusto nating gawin o baguhin, base sa mga lessons na natutunan natin at mga pangarap na gustong tuparin.
Maganda yang sinabi mo. Kaya lang, marami sa atin, ang achievement score sa mga resolution na ganyan ay mababa. Mas marami ang hindi nagawa o nasunod.
Ikaw ba, Juan, may New Year’s resolutions ka ba?
Uncle, dahil sa mga natutunan ko sa yo ngayong taon na ito, naisip ko na marami talaga akong dapat simulan na. Kasi hindi na rin naman ako bumabata. Sabi mo nga, Uncle, time lost is time wasted. Kaya siguro seseryosohin ko na yung mga dapat na ginagawa ko sa mga tips na matiyaga nyong dinidikdik sa utak ko.
Tama ka dyan, Juan. Lalo na pagdating sa iyong personal finances, magandang magkaroon ka ng financial check-up bago pa man magbago ng taon. Kailangan tingnan mo kung anong na-miss mo sa mga financial goals mo, meron ka bang hindi ginawa o ginawang mali? Meron ka bang gustong baguhin sa financial goals mo? May mga bagong factors ba na makakaapekto sa mga goals na ito? Paano ka ba makakabalik sa tamang daan para mas gumanda ang financial situation mo?
Sige, Uncle, let me share yung mga resolutions ko para sa mas magaan at prosperous na taong 2025. Baka may ma-inspire din ako sa iyong mga readers.
Una, babaguhin ko yung spending habits ko. Kailangan mas maging strikto ako sa aking spending plan at budget. Napansin ko na pag may pumasok sa ATM ko na extra na pera tulad ng midyear bonus, imbes na ipunin ko yun, may bigla akong maiisip na pagkakagastusan kahit hindi ko talaga kailangan. Uunahin ko ipon kesa gastos.
Pangalawa, iiwasan ko na ang mangutang lalo na pagdating sa credit card. Kailangan bayaran ko kaagad ang outstanding balance ko at huwag hayaang magpatong-patong ang mataas na interest. Dapat magkaroon ako ng disiplina sa paggamit ng credit card at huwag sumobra sa budget na nilaan ko dito. At pag may extra akong pera, uunahin kong bayaran ang iba ko pang utang. No debt is no death.
Pangatlo, dapat ang emergency fund ko ay hindi bababa sa anim na buwan Kong suweldo. Hindi ko na babawasan ito para hindi ako magpapanic kapag may biglaang emergency na nangyari. Sa ganitong paraan, hindi ako malalagay sa alanganin tuwing may magkakasakit, mawawalan ng trabaho o kahit ano pa mang hindi inaasahang pangyayari.
Pangapat, dapat i-review ko yung mga ginawa kong investment nitong taon na ito. Sisiguruhin ko na tugma pa rin ang mga ito sa financial goals ko. At kung hindi, baka dapat mas i-balance ko ang aking mga investments para maiwasan ko ang mga negatibong nangyayari sa merkado at maibsan ang financial risks.
Panglima, mag-aupdate ako ng aking insurance plans para sila ay naaayon pa rin sa mga financial needs ko sa kasalukuyan. Habang bata pa ko, mas mabuting meron akong hinuhulugang life insurance, lalo na yung may mga investment feature, kasi mas mura pa ang premium, mas malaki ang coverage at mas long-term ang oportunidad na kumita habang tumatanda ako.
At panganim, dapat hindi na ko manghinayang na mag-contribute sa pension plan tulad ng SSS o GSIS o iyong mga iba pang private pension plans ng mga insurance companies. Sa dulo, savings ko ito na mapapakinabangan ko sa tamang panahon.
Ang ganda ng mga resolutions mo, Juan. Makakatulong talaga kung realistic ang mga ito at kaya mo talagang gawin. Mahirap din yung masyadong ilusyonado na ang dating mo. Lagi kang mag-financial health check-up bago pa matapos ang taon para talagang fresh ang panimula ng bagong taon na may kasamang pag-asa’t dasal para sa isang masaganang 2025!