HANDANG harapin ni Vice President Sara Duterte, kasama bilang abogado ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang tatlong impeachment complaints.
Ibinunyag ng Pangalawang Pangulo na sasali ang kanyang ama bilang isang “collaborating counsel” sa lahat ng kasong isinampa laban sa kanya.
Collaborative lawyer ang tawag sa mga abogado na tumutulong sa primary lawyer.
“And he’s preparing his documents with the IBP (Integrated Bar of the Philippines) so that he can sign as a lawyer of good standing,” aniya sa panayam sa kanya ng mga reporter kamakailan.
Upang makakuha ng sertipikasyon na ito mula sa IBP ilan sa mga kinakailangang requirement nito ang proof of membership dues payment at certificate of no pending cases.
Ayon sa batas, malaya ang isang tao na kumuha ng abogado na magtatanggol sa kanya.
“Any person under investigation for the commission of an offense shall have the right to be informed of his right to remain silent and to have competent and independent counsel preferably of his own choice. If the person cannot afford the services of counsel, he must be provided with one. These rights cannot be waived except in writing and in the presence of counsel,” ayon sa Seksyon 12 ng Artikulo III (Bill of Rights) ng Saligang Batas.
Ayon naman sa Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, diringgin ang impeachment complaints sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan kinakailangan ng one-third ng mga kasapi nito ang dapat sumang-ayon upang aprubahan ang resolusyon na naglalatag ng Articles of Impeachment. Kapag inaprubahan ito ng kinakailangang boto, saka ito ieendorso sa Senado para sa paglilitis.
Kung hindi makukuha ang one-third ng boto ng mga mambabatas, mauuwi ito sa dismissal.
Tatlong kaso ng impeachment ang hinaharap ni Vice President (VP) Sara na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) at sa kaniyang pagbabanta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., first lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Natanggap ng Kongreso ng unang impeachment complaint na nilagdaan ng 16 katao laban kay Sara kung saan inakusahan sya ng graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Inendorso naman nina Representatives France Castro, Arlene Brosas and Raoul Danniel Manuel, pawang mga mambabatas, ang ikalawang impeachment complaint.
Isinampa naman ng grupong kinabibilangan ng mga paring Katoliko, civil society leaders, at mga abogado ang ikatlong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Sa panayam kay VP Sara sa Davao, sinabi nitong nag-iimbentaryo na ang kanyang mga abogado ng lahat ng mga kaso base sa mga panayam, narinig nila sa media, mula sa ibat ibang ahensiya at mga pagdinig sa House of Representatives, Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
Sa kabila ng mga reklamong kaniyang kinakaharap, nanindigan si Sara na wala siyang ginawang labag sa batas. “I am confident that I did not break any law, I did not do anything illegal, but as we see right now, there is no rule of law. So we will face all cases that were filed against us,” aniya.
Samantala, inakusahan naman ng mga mambabatas na tinaguriang Makabayan bloc na nagtatago sa likod ng kaniyang ama si Sara kaya niya ito kinuha bilang isa sa kanyang mga abogado.
“Instead of directly answering the questions on the misuse of confidential funds, she is hiding [behind] her father. This is clearly a desperate attempt to rally political support following her declining satisfaction ratings,” ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro.
Inaasahan naman ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na magiging isang “political spectacle” ang team-up ng mag-ama.
Naglabas naman ng pahayag ang Secretary General ng Mababang Kapulungan na si Reginald Velasco na aniya, ipoproseso ang mga reklamong kanilang natanggap base sa Rules of Procedure in Impeachment Proceedings.
“We assure the public that this process will be conducted with integrity, guided by the principles of due process and adherence to the Constitution. The House remains steadfast in protecting public trust and ensuring that the democratic process is upheld.
“We call on all parties involved to respect the legal proceedings and allow the Constitutionally prescribed process to take its course,” ani Velasco.
Oras na matanggap ito ng House Speaker, isasama nya ito sa “Order of Business” sa loob ng 10 session days mula pagkatanggap at irerefer naman ito sa Committee on Justice sa loob ng tatlong session days.
Kasalukuyan namang nasa Christmas break pa ang mga Kongresista at hindi pa natatanggap ng Committee on Justice ang impeachment complaints.