24.6 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Misa de Gallo o Misa de Aguinaldo?

WIKA NGAc

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Kapaskuhan ang itinuturing na pinakaimportanteng pagdiriwang ng mga Kristiyano sa Pilipinas. Masayang pinaghahandaan ng marami, lalo na ng mga bata, ang dakilang araw ng pagsilang ni Hesus, ang ating Mesiyas. “Ang Pasko ay para sa mga bata,” sabi nga. Pero hindi lamang mga bata ang nananabik sa araw ng Pasko. Bago mag-Pasko, maraming bata man o matanda na, ang nakikiisa sa nobena sa madaling-araw, ang tinatawag na Simbang Gabi. Idinaraos ito sa mga simbahang Katoliko at Aglipayano (Iglesia Filipina Independiyente o IFI) at marahil ng iba pang mga sekta pagsapit ng Disyembre 16 hanggang Disyembre 24.

Nakagawian na itong tawaging Misa de Gallo, mga salitang Kastila o Español na nangangahulugang “misa ng tandang.” (Ang gallo ay tandang sa wikang Kastila.) Sabi nila, tinatawag itong misa ng tandang dahil ipinagdiriwang sa madaling-araw, kasabay o kasunod ng pagtilaok ng tandang, na hudyat ng bukang-liwayway. Dati, bandang 4:30 ng madaling-araw nagsisimula ang misang ito.

Dati, sa aming bayan sa Malabon, may banda ng musiko na nag-iikot para manggising ng mga nananampalataya, mga bandang alas kuwatro ng madaling-araw, bilang hudyat na maghanda-handa na ang lahat para makaabot sa misa. Pagkatapos ng misa, may mga pondahan na nagtitinda ng bibingka, puto sulot at puto bumbong na tinatambalan ng tsaa.

Pero kamakailan, nakabasa ako sa Facebook ng post na nagsasabing mali ang Misa de Gallo; ang tamang termino raw ay Misa de Aguinaldo. Nagtaka ako, dahil mulang pagkabata, ang lagi ko lang naririnig o nababasa ay “Simbang Gabi” o “Misa de Gallo,” gaya ng nabanggit nang dahilan, na idinaraos ang nasabing misa sa madaling-araw. Ayon sa dati ko nang kaalaman mulang pagkabata, ito ay para mahikayat ang mga magbubukid na dumalo muna sa misa bago tumuloy sa kanilang mga bukirin. Karaniwang pumupunta ang mga magsasaka sa mga bukid bago pumutok ang araw.

Nagsagawa ako ng kaunting reserts. Sinurvey ko ang mga online masses ng iba’t ibang simbahan, tulad ng Manila Cathedral, Simbahan ng Quiapo, Our Lady of La Salette Quasi-Parish, National Shrine of Santo Padre Pio sa Batangas, Our Lady of the Holy Rosary Parish ng Sto. Tomas, Pampanga, at  Kapamilya online mass. Iba’t ibang pari, iba’t ibang lugar. Lumitaw sa aking munting survey na “Misa de Gallo” at “Simbang Gabi” ang namamayaning termino. Isa lamang, ang misa ni Padre Tito Caluag ng Kapamilya Channel ang gumamit ng “Misa de Aguinaldo.” Gayon man, naka-flash lamang sa screen ang mga salitang “Misa de Aguinaldo” pero “Misa de Gallo” ang mga salitang namumutawi sa babaeng tagabasa ng mga sipi mula sa Biblia. 


Masasabing mini survey lang ito at hindi kumakatawan sa pangkalahatang paggamit sa buong kapuluan. Pero magkakaroon na tayo ng idea kung ano talaga ang ginagamit ng karamihan.

Ang Misa de Aguinaldo

Bakit “Misa de Aguinaldo”?

Ang “aguinaldo” ay salitang Kastila na nangangahulugang regalo, sa mas tiyak na kahulugan, regalo/alay/handog sa araw ng Pasko. Kapag para sa ibang okasyong hindi Pasko, halimbawa’y kasal, hindi ito tinatawag na “aginaldo” kundi regalo. Ayon sa isang diksyunaryong Ingles-Kastila, ang “Aguinaldo” ay “Christmas present; New Year’s gift.” Tandaan din, sa wikang Filipino, ang baybay nito ay aginaldo. Ang “Aguinaldo” na ang may  letrang u sa pagitan ng g at i ay baybay-Español  batay sa ortograpiya ng nasabing wika.

- Advertisement -

Hindi biro ang gumising nang mga alas tres medya ng madaling-araw para makadalo sa Simbang Gabi nang alas kuwatro medya, lalo na’t napakalamig ng mga madaling-araw ng Disyembre noong dati (dahil sa climate change, hindi na gaanong malamig ngayon). Pero puno ang mga simbahan ng mga deboto na nagsasakripisyo ng kanilang tulog para makarinig ng misa. Ayon sa pamahiin, kapag nakompleto mo ang nobena, makakamit mo ang hiling ng iyong puso, maging ito man ay pagpasa sa board exam, pagtatapos sa kolehiyo, pagtama sa lotto, pagkamit ng “oo” ng nililigawan, o ano pa man. Nagsasakripisyo ang mga deboto para makamit ang “aginaldong” gusto nila: nag-aaginaldo sila ng oras at pagod kapalit ng minimithing aginaldo. Samakatwid, tama ngang tawaging “Misa de Aguinaldo” ang siyam na misa sa madaling-araw.

Ganito ang tawag sa nobenang ito sa ibang mga bansa, tulad ng Puerto Rico. Ngunit gaya ng nasabi na, sa Pilipinas, mas namamayani ang “Misa de Gallo” o Simbang Gabi.

Ang Misa de Gallo

Batay sa aking nasaliksik, ang tunay na kahulugan ng “Misa de Gallo” ay iyon lamang huling misa sa hatinggabi ng Disyembre 24. Ayon daw sa tradisyon, isang tandang ang tumilaok bilang hudyat ng pagsilang ni Hesus, dahil ayon din sa tradisyon, saktong hatinggabi nang isilang ang ating Mananakop. (Hindi naman karaniwang tumitilaok ang mga tandang sa hatinggabi, di ba?) Kaya, ang tanging Misa de Gallo raw ay iyon lamang. Ang iba pang mga misa ay tamang tawaging Misa de Aguinaldo.

Mga anticipated mass

Nauso na ngayon ang tinatawag na “anticipated mass” – mga misa na idinaraos bago ang takdang iskedyul. Halimbawa, misa nang Sabado ng gabi sa halip na Linggo ng umaga. Pati Simbang Gabi ay “anticipated” na rin. Ang nakaiskedyul na Simbang Gabi ng madaling-araw ng Disyembre 16-24 ay puwede nang daluhan nang Disyembre 15-23. Sa Quiapo church, tinawag itong Evening Masses at dalawang beses ginaganap – 7:00 at 8:00 ng gabi. Ang tradisyonal na iskedyul naman ay dalawang beses din: 4:00 at 5:00 ng madaling-araw. May kahawig ding mga iskedyul sa iba pang mga simbahan. At dahil online ang mga misang ito, hindi na kailangang magbihis para makadalo. Buksan lamang ang TV kahit pupungas-pungas ka pa.

- Advertisement -

Maaari din namang dumalo nang face to face. At makikita mo naman sa screen na ang mga simbahan ay puno ng mga debotong dumadalo nang harapan.

Dahil sa ganitong mga iskedyul, tila hindi na kailangang magsakripisyo ng mga deboto, o mag-aginaldo ng oras at pagod, para makamit ang minimithing aginaldo. Sa ganitong katwiran, mas tama sigurong tawaging Simbang Gabi ang naturang mga misa. Angkop ang “Simbang Gabi” dahil sa gabi ang mga anticipated mass; ang madaling-araw naman ay bahagi pa rin ng gabi para sa ating mga Pilipino.

Ang tradisyon sa mga termino

Bahagi na ng ating tradisyon ang terminong “Misa de Gallo,” sabihin mang mali ito. Ang kamalian naman ay dahil lamang sa pagbatay sa ibang tradisyon. May tradisyon tayo ng nakagawiang tawag sa isang pangyayari, may tradisyon ang ibang bansa. Umayon tayo sa sariling tradisyon. Mahirap na sigurong baguhin pa ang terminong “Misa de Gallo” dahil iyon na ang nakagawian. Umaayon naman ito sa nauna nang paliwanag na idinaraos ito kasabay ng pagtilaok ng manok sa madaling-araw. Ngayon, anticipated mass man sa gabi o sa tradisyonal na madaling-araw, hindi naman marahil nababawasan ang kabanalan ng misa at ang hiling ng ma nagsisimba sa aginaldong hinahangad at ipinagdarasal, lalo pa ngayong nakaharap ang ating daigdig sa maraming krisis.

Maligayang Pasko sa lahat!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -