29.2 C
Manila
Lunes, Disyembre 23, 2024

Si Dr Honey Carandang at ang ‘Play Therapy’: Isang magandang regalo sa mga bata’t kabataan

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG ganitong Kapaskuhan, isa sa inaasam na regalo ng mga bata ay mga laruan. Hindi sila gaanong excited sa mga damit at iba pang bagay. Hindi nakapagtataka na nitong buwan ng Nobyembre, ang mga toy store sa malls ay nagbigay ng ubod na laking disuwento. Hindi ko mabilang ang nakasalubong kong mga magulang na kay raming bitbit na laruan mula sa nasabing store.

Si Dr. Honey Carandang, tagapagsulong ng ‘play therapy’ sa bansa, isang magandang regalo sa mga bata

Sa pagbanggit sa laruan, naalala kong bigla si Dr. Ma. Lourdes Carandang, leading clinical child psychologist ng ating bansa at kasalukuyang President ng MLAC Institute for Psychological Services Inc. Si Dr. Carandang, mas kilala sa tawag na ‘Tita Honey,’ ay hinirang na ‘National Social Scientist’ dahil sa kanyang pambihirang kontribusyon sa larang ng Sikolohiyang Pilipino. Kilala siya sa pagpapalaganap ng ‘Play Therapy’ sa ating bansa.

Sabi niya, “ipinanganak tayong taglay ang kakayahan nating maglaro. Innate ito sa atin. Hindi na ito kailangang ituro pa. Play is the most natural thing we do.” Kung ang pagbabasa at ang iba pang kasanayan ay kailangang ituro sa bata kung paano gawin, sa paglalaro raw ay hindi na kailangan. Natural na sa atin ang maglaro.

“Play is the time and space to be,” ganyan ang paliwanag ni Tita Honey. Ang maganda raw sa paglalaro, puwede mong maipahayag ang iyong sarili na wala kang inaalalang negative consequence. At para sa mga bata, nagbibigay ito sa kanila ng ‘sense of power’ sa kanilang environment. Empowering ito. Malaki ang nagagawa nito upang malabanan ang depresyon at masidhing panghihina ng loob (helplessness).

Nitong mga nagdaang taon na sumuong tayo sa matinding pagsubok dala ng pandemyang Covid-19, marami ang nakaramdam ng matinding stress, depresyon, panic, at anxiety (labis na pag-aalala). Lalo pa nga at nakulong tayo sa ating mga tahanan nang panahong ‘yun dahil sa kabi-kabilang ipinatupad na lockdown. Sa ganitong pagkakataon mas lumutang ang kahalagahan ng ‘paglalaro’ bilang lunas sa mga dinaranas nating pagkasiphayo at kalungkutan.


Kasama ng children’s book author na si Dr. Gatmaitan si Dr. Honey Carandang, ang leading child psychologist sa bansa

Nakasama ko si Dr. Honey Carandang bilang kapwa-Council Board Member sa National Council for Children’s Television (NCCT). Siya ang kumakatawan sa sektor ng mga ‘Parents’ sa aming ahensya. Dito ay nakita ko nang malapitan ang kanyang malasakit sa mga bata. Di kataka-takang siya ang itinuturing na nangungunang clinical child psychologist ng ating bansa.

Naalala ko pa ang kanyang kuwento tungkol sa kung paano siya idinemanda ng kilalang TV host ng isang noontime show nang siya ay hingan ng opinyon tungkol sa ipinagawa nitong pagsasayaw ng bata habang halos ay umiiyak ito. Pero matapang na sinabi niya na naba-violate ang karapatan ng naturang bata dahil naging sapilitan ang pagpapasayaw rito habang nanunuod ang buong bansa (dahil nga televised pa ito). “Biruin mo, nademanda ako dahil ipinahayag ko lang ang aking pananaw sa nangyaring ito sa bata,” matapang niyang pahayag. “Tayong mga nakatatanda ang dapat ay nangunguna sa pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga bata’t kabataan.”

Ibinahagi ni Dr. Carandang na ang paglalaro ay hindi lang basta mahalaga kundi ito ay sadyang kinakailangan sa paghubog ng katauhan ng bata (at pati rin daw ng mga nakatatanda o tayong mga adults!). Kapag binanggit kasi ang salitang ‘laro’ o ‘play’, mga bata ang agad na pumapasok sa ating isip. Nalilimutan nating tayo mang mga adults ay hindi pa rin puwera rito. Dapat pa rin tayong naglalaro para sa ating ‘intellectual, physical, social, moral, spiritual, at emotional wellbeing’ kahit tayo ay hindi na musmos pa. May bata pa rin sa loob ng ating sarili, di ba? Inside every adult beats a child’s heart.

Ang paglalaro ay nakatutulong din nang malaki para sa paghilom ng mga sugat sa damdamin. Dito papasok ang konsepto ng play bilang isang therapy o lunas para sa mga nararanasang trauma o kondisyon ng mga bata.

- Advertisement -

Ano ang papel ng sining sa lahat ng ito? “Magkapareho ang dynamics ng play at art,” bahagi ni Doc Honey. “Ang sining ang lumalabas na soulmate ng psychotherapy. Doon daw sa sining nagkakaroon ng creative expression ang psychological process. Sa clinical setting, may dalawang gampanin ang sining. Ito ay malaking tulong upang malaman ang dinaramdam ng pasyente (para sa diagnosis) at sa gagawing gamutan (para sa therapy).

Kasama ng kolumnistang ito sina Flordeliz Abanto (media specialist at professor), Dr. Honey Carandang, at Daisy Atienza (executive director ng National Council for Children’s Television)

Bata man o matanda ay ginagamit ang sining upang maipahayag o mailabas ang masidhing dinaramdam sa loob gaya ng takot, kalungkutan, kawalang pag-asa (despair), galit, pagkawasak  (disintegration), at kirot sa puso. Noong rurok ng pandemya, tumuon tayo sa iba’t ibang uri ng sining upang malampasan natin ang masamang pakiramdam na ito. Di ba’t marami sa atin ang nanuod ng mga K-drama sa Netflix, nakinig sa musika, nagpinta, nagsulat ng tula o nag-journal writing, kumanta sa videoke, at nagsayaw sa Tiktok? Di man tayo malay sa konsepto ng play at art therapy, naitawid tayo ng mga sining na ito nang panahong ‘yun.

Sa praktis ni Doc Honey bilang psychologist, ginagamit nila ang visual arts (pagdodrowing at pagkukulay) bilang isang activity para sa mga batang dinadala sa kanyang klinika.  “Maraming sinasabi ang artwork nila,” dagdag pa niya. “Minsan, doon mo makikita sa ipinagawang artwork ang panawagan nila para sa tulong. Minsan din, nasa artwork nila ang kuwento ng isang naganap na pangyayari na naging traumatic para sa kanila. Pati ang nagaganap na pag-aaway o paghihiwalay ng mga magulang ng bata ay maaari ring masalamin sa drowing ng mga bata.”

Sa isang banda, binanggit ni Dr Carandang na “may pagkakataon din na makikita mo sa drowing nila ang pakiramdam nila na sila’y malakas, makapangyarihan, at magical.” Ipinakita niya ang drowing ng isang batang babae na may hawak na espada na waring buong-tapang na nilalabanan ang isang halimaw.

Bakit nakahihilom ng sugat ang ‘play therapy’ at ‘art therapy’? Ito’y dahil tinutulungan tayo nitong tanggapin ang mga pangyayari sa ating buhay, gaano man ito kalungkot o kabigat. Kapag nailabas natin ang masamang damdaming nasa loob ng dibdib, gumiginhawa ang ating pakiramdam. Nakagagawa tayo ng mahahalagang hakbang upang matulungan ang batang nasa pambihirang sitwasyon.

Makapangyarihan ang pagsasanib ng paglalaro at paggawa ng sining upang makaigpaw tayo sa ating kinasasadlakang kalagayan sa buhay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -