PATULOY ang pagtulong ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa mga nagnanais maabot ang kanilang pangarap.
Isa si Omar Orbillo sa mga natulungan ng scholarship programs ng Tesda-Cordillera. Sa kanya na ring pagpupursige at pagsusumikap, naabot niya ang kanyang pangarap na makatapos ng pag-aaral.
Kwento ni Omar, dahil sa kakapusan, hindi siya nakapag-enroll sa kolehiyo. Ngunit sa kagustuhang may marating pa rin sa buhay, sinubukan niyang pumunta sa Tesda Regional Training Center sa Loakan, Baguio City, kung saan siya nagtanong ukol sa scholarship programs ng ahensiya. Nag-fill up ito ng forms at pagkaraan ng ilang araw ay pina-report siya para sa programa.
Taong 2015 nang kumuha si Omar ng electrician short course training at nakakuha ng National Certificate (NC) II. Ipinagpatuloy niya ang paghasa sa kanyang kaalaman hanggang ma-upgrade ang kanyang certificate sa NC III noong 2018.
Dahil sa patuloy na pag-aalok ng Tesda ng scholarship programs, ipinagpatuloy din ni Omar ang kanyang pag-aaral. Taong 2019 nang mag-apply ito para sa tatlong taon na Diploma on Electrical Engineering.
“Napakalaking opportunity ang ibinigay ng Tesda para ma-pursue ko ‘yung tertiary education since hindi ko po afford before na talagang pumunta sa college, and ito po ‘yung naging way para makapag-pursue po ako ng tertiary education ko,” kwento ni Omar.
Habang nag-aaral si Omar ay nagtratrabaho pa rin ito bilang electrician sa kanyang mga libreng oras. Mahirap man ay nagpursige pa rin ito upang maabot ang kanyang mga pangarap.
Sa wakas, nagbunga rin ang kanyang pagsusumikap. Nitong Abril 2024, isa si Omar sa mga pumasa sa Registered Master Electrician Licensure Examination.
Isa na ito sa mga freelance master electrician na may proyekto sa Baguio City at Pangasinan.
Aniya, malaki ang naitulong ng mga natapos niyang programa ng Tesda lalo na sa pagkuha ng kanyang mga kliyente.
“Sa kita, masasabi po natin na mas lumaki po ‘yung kita since ‘yung natapos ko sa Tesda ay nagamit ko to take the licensure exam or the master electrician. Hindi lang po ako licensed electrician, naging registered electrician pa po ako, mas marami ang kumukuha na client,” pagbabahagi ni Omar.
Binigyang-diin naman ni Omar na ang tech-voc o diploma program ay kaya ring makipagsabayan sa mga degree courses.
“Ang paningin ng iba, ang technical vocational education and training ay parang ‘lang’ po siya dahil they are after more on degree pero hindi lang po siya ‘lang’ especially sa ngayon kasi companies locally and abroad is talagang nire-recognize po ‘yung national certificate po natin sa Tesda.”
Hinikayat nito ang mga kabataan lalo na ang mga hindi kayang pumasok sa kolehiyo na mag-avail na sila ng mga scholarship programs ng Tesda. Aniya, maraming programa ang ahensiya na maaaring i-avail ng sinumang may pangarap na gustong maabot.
Si Omar ang isa sa mga nagpatunay na sa “Tesda, kayang-kaya.” (DEG-PIA CAR)