NAPAKARAMING saliksik na isinusubmit sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad taon-taon. Noong nagtapos ako sa kolehiyo, hindi pa kami required na magsaliksik at magsubmit ng tesis bago maka-graduate. Ngayon, hindi ka makakatapos ng apat-na-taong kurso kung hindi ka muna susulat ng iyong tesis. Ngunit nakalulungkot na karamihan sa mga saliksik na ito ay nananatili lamang sa mga aklatan, inaalikabok at nakakaligtaan, at nahahalungkat lamang kapag may nag-aaral ng katulad na paksa at nagsasaliksik ng kaugnay na literatura at pag-aaral. Madalas, hindi naipapalaganap ang mga bunga ng mga saliksik na ito.
Suporta sa mga gradwadong estudyante
Ngunit alam mo ba na may matatanggap na suporta mula sa publiko at pribadong sektor ang mga gradwadong estudyante at may pagkakataong maibahagi sa iba ang kanilang mga pag-aaral? Ikaw ba ay estudyante sa graduate school? O baka nagsusulat ka na ng iyong tesis o disertasyon? Baka naman nakatapos ka na ng iyong titulong MA (Master of Arts), PhD (Doctor of Philosophy), o kaya’y EdD (Doctor of Education)?
May scholarships na ipinagkakaloob ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED) para sa mga estudyanteng gustong magpatuloy ng pag-aaral sa antas gradwado. Nagbibigay ang CHED ng stipend at free tuition para sa mga gustong mag-MA/MS o doktorado. Malaking tulong ito sa mga gustong magpakadalubhasa sa kanilang piniling larangan.
Samantala, kung tapos ka na ng iyong tesis o disertasyon, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay may timpalak sa pinakamahusay na tesis o disertasyon. Tinatawag itong Gawad Balmaseda at nagkakaloob ng malaking premyo at pagkakataong mailathala bilang isang aklat ng nasabing Tanggapan ang inyong tesis o disertasyon. Ano man ang paksa ay mailalahok basta’t nakasulat sa wikang Filipino. At ang maganda rito, bukod sa malaking gantimpalang salapi, ay mailalathala ang iyong pag-aaral. Bukod dito, pinasisigla ang pagsulat ng mga pag-aaral sa wikang Filipino sa iba’t ibang larangan na dati ay dominante ng wikang Ingles. Magpunta lamang sa website ng KWF para sa kompletong detalye.
Gawad PSLLF sa Saliksik
May katulad ding timpalak sa pagpili ng natatanging tesis at disertasyon ang Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF). Ang PSLLF ay propesyonal na organisasyon ng mga guro, gradwadong estudyante, mananaliksik, at mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino na nagsusulong ng pagpapayabong at intelektwalisasyon ng wikang pambansa. Bukas ang timpalak sa mga aktibong miyembro ng organisasyon.
Tulad ng sa Gawad BAlmaseda, ang mga lahok sa Gawad PSLLF sa Saliksik ay kailangang nakasulat sa wikang Filipino at maaaring tungkol sa iba’t ibang paksa. Nakatutuwa na marami na ngayong nagsusulat ng kanilang tesis at disertasyon sa wikang Filipino, hindi lamang tungkol sa wika at panitikang Filipino, kundi maging sa siyensiya at teknolohiya, negosyo, sikolohiya, at iba pa.
Ang mga lahok ay tapos nang tesis o disertasyon, naidepensa, naisubmit at tinanggap na ng kolehiyo o unibersidad ang pinal na kopya. 2023-2024 ang mga taong saklaw para sa taóng ito.
Paano naiiba sa KWF Gawad Balmaseda ang Gawad PSLLF sa Saliksik (at marahil, sa iba pang mga katulad na timpalak)? Dumaraan muna ang mga lahok sa komiteng nagsusuri sa mga lahok at pumipili ng mga finalist. Tatlong (3) finalist ang karaniwang pinipili sa dalawang magkahiwalay na kategorya: tesis at disertasyon. Sa taong ito, lima (5) ang napiling finalist sa MA samantalang isa lamang ang finalist sa PhD.
Matapos mapili ang mga finalist, kailangang iharap nila sa isang kapulungan ang kanilang mga pag-aaral. Hinuhusgahan ng piling lupong inampalan ang mga kalahok batay sa nilalaman ng pag-aaral, kahalagahan at kontribusyon nito sa larangan, husay ng presentasyon at bisa/ugnayan sa mga nanonood ng presentasyon. Samakatwid, ang mananaliksik ay kailangang mahusay hindi lamang sa pagsasagawa ng saliksik kundi kailangang maging mahusay rin sa paghaharap ng saliksik sa publiko. Naniniwala ang PSLLF na importante ang komunikasyon bilang isa sa mga skill ng isang mananaliksik.
Nasa ibaba ang listahan ng mga nagwagi at finalist sa Gawad PSLLF sa Saliksik 2024:
Pinakamahusay na Tesis
Elfrey Vera Cruz, MA Malikhaing Pagsulat, UP Diliman: Payang: Point-And-Click Adventure Game sa Filipino
Pinakamahusay na Disertasyon
Mariyel Hiyas Liwanag, PhD Araling Filipino-Wika, Kultura at Midya , DLSU-Manila: ISABUHAY: Isang Larong Disenyo Para sa mga Diskurso ng mga Wikang Katutubo
Mga finalist
Angel Em Ablazo, MA Filipino (Wika), UP Diliman: Ang Talaban ng Fokus at Modaliti sa Kahulugan ng mga Pandiwang Pangungusap sa Wikang Filipino sa mga Klaseng Online
Paul Mark Andres, MA Islamic Studies, UP Diliman: Qasaysayan: Islam sa Makabayang Salaysay ng Pagtalos ni Ibn Khaldun
John Lawrence Capagalan, MA Filipino (Wika), PUP-Manila: Pagtalunton sa Salaysay at Haraya ng Kamatayan Gamit ang Dihital na Humanidades Tungo sa Pagsasalin sa Ilang Piling Maikling Kuwento ni Edgar Allan Poe
Alexis Tacurda, MAEd Filipino Teaching, Batangas State University: Panimulang Pag-aaral sa Morpolohikal na Varyasyon ng Pasalitang Diskurso sa Wikang Minasbate
Tumanggap ng sertipiko ang mga finalist. Sertipiko, cash at tropeo naman ang tinanggap ng dalawang nagwagi.
Potensyal ng wikang Filipino
Ayon kay Dr. Jonathan Vergara Geronimo, pangulo ng PSLLF at siyang punong-abala sa Gawad, ang dalawang lahok na nagwagi sa timpalak ay kapwa nagpamalas ng “potensyal ng wikang Filipino sa mga inobatibong laro at aplikasyon.” Dagdag ni Geronimo sa Facebook page ng PSLLF, “kinilala ang makabuluhang tesis ni Vera Cruz na “Payang: Point-and-Click Adventure Game sa Filipino” sa pagsisikap na magamit ang Filipino sa isang game application na sabayang humihikayat ng inobasyon at kritikalidad sa krisis pangkalusugan na nagsilbing lunsarang tema sa ginawang proyektong laro.” Samantala, ang disertasyon ni Liwanag na “Isabuhay: Isang Larong Disenyo Para sa Diskurso ng mga Wikang Katutubo” ay “gumagamit ng mga pedagohikong estratehiya kung paano maipapamalay sa pamamagitan ng laro ang pangangailangang patuloy na palakasin ang mga wika sa kapuluan lalo sa bingit ng mga banta dito sa sistemang pang-edukasyon.”
Kapwa game application ang paksa ng dalawang nagwaging tesis at disertasyon. Mga bagong paksa kung tutuusin, na karaniwang gumagamit ng wikang Ingles, ngunit napagtagumpayan ng dalawang mananaliksik. Napatunayan sa timpalak saliksik na ito, ng Gawad PSLLF sa Saliksik, na basta’t gusto, kaya ng wikang Filipino na maging daluyan ng pinakamatatayog na kaisipan at mga bagong kaalaman sa alinmang larangan.