26.3 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Ang pag-uwi ni Mary Jane Veloso at ang kuwento ng hatol na kamatayan sa kanya sa Indonesia

- Advertisement -
- Advertisement -

UMUWI na ngayong araw, Disyembre 18, 2024 ang kontrobersyal na Pilipinang biktima ng illegal recruitment at nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala nito ng 2.6 kilo ng ilegal na droga.

Handout na larawan na ginawang available ng Indonesian Ministry of Law and Human Rights na nagpapakita ng di-umano’y drug trafficking convict na si Mary Jane Veloso na sumenyas ng pasasalamat bago siya ihatid sa Jakarta, sa Wonosari Women’s Prison sa Yogyakarta, Indonesia, nitong Disyembre 15, 2024 (inilabas noong Disyembre 16 2024). Si Mary Jane Veloso, isang death row convict sa isang narcotics smuggling case, ay inilipat mula sa Yogyakarta area patungo sa Jakarta Class IIA Women’s Prison, at papayagang bumalik sa Pilipinas pagkaraan nito. EPA-EFE/Indonesian Ministry of Law and Human Rights / HANDOUT

Sa kabila nito, hindi nangangahulugan na makalalaya na si Mary Jane Veloso. 39, pagdating sa Pilipinas dahil ayon sa pahayag ng Palasyo, bubunuin pa niya ang sentensya para sa kanyang kaso.

Walang parusang kamatayan sa Pilipinas. Habambuhay na pagkakabilanggo ang pinakamabigat na parusa dito.

“After over a decade of diplomacy and consultations with the Indonesian government, we managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Bureauy of Corrections (BuCor) nitong Martes, Disyembre 17, sa pagdating ni Veloso sa Pilipinas, dadalhin siya sa kulungan para sa limang araw na quarantine bago niya makita ang kanyang pamilya na papayagang madalaw siya sa Kapaskuhan.


Pakikipagsapalaran ni Mary Jane

Noong Abril 2010, dumating si Veloso sa Malaysia na may pag-asang makapagtatrabaho siya bilang domestic helper gaya ng ipinangako sa kanya ng kaniyang mga recruiter na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao ngunit pagdating doon, walang trabahong naghihintay sa kanya.

Sa halip, inalok sya ni Sergio kung gusto niyang magtrabaho sa Indonesia.

Ngunit sa halip na trabaho, sa kulungan sya bumagsak dahil natagpuan ng mga awtoridad ng Indonesia na may lamang 2.6 kilo ng heroin ang kanyang bagahe.

- Advertisement -

Inaresto si Mary Jane at ikinulong noong Oktubre 2010 dahil wala siyang maipakitang ebidensya na nagpapatunay na inosente sya.

Kamatayan ang ipinarusa kay Veloso ngunit dahil sa moratorium sa death penalty ni dating Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono, naantala ang pagharap nya sa kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.

Naibalik ang parusang kamatayan nang sumunod na administrasyon ng pamahalaan ng Indonesia sa pamumuno ni dating Indonesian President Joko Widodo.

Illegal recruiters kinasuhan

Samantala, sa Pilipinas, inaresto ng mga operatiba ng Anti-Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation sina Sergio at Lacanilao. Kinasuhan sila ng qualified trafficking in person na paglabag Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. Kinasuhan din sila ng illegal recruitment dahil sa paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipino Workers Act of 1995,” at estafa. Nag-plead silang pareho ng “not guilty” sa mga kasong ito.

Sinumpaang salaysay ni Mary Jane

- Advertisement -

Ayon sa bahagi ng jurisprudence ng Supreme Court, G.R. No. 240053, noong March 31, 2015, nagtungo ang mga kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory, at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Wirugonan Prison sa Indonesia upang kapanayamin si Mary Jane. Nagbigay sya ng kanyang sinumpaang salaysay.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, pinanindigan ni Mary Jane na inosente sya at isinalaysay kung paano siya ni-recruit nina Cristina at Julius. Aniya, nang nasa Malaysia sila, tumuloy sila sa Sun Inn Lagoon dahil wala umano sa Malaysia ang kaniyang magiging amo. May nobyo si Crisitna na nagngangalang Prince na may kapatid na nagngangalang “Ike” na pinuntahan nila sa parking lot. Sakay si Ike ng puting kotse at pumasok sila sa loob. Ibinigay ni Ike ang maleta kay Cristina at pagbalik nila sa kwarto ng hotel, ibinigay ito ni Cristina kay Mary Jane. Napansin ni Mary Jane na may kabigatan ang maleta pero nang buksan niya ito, wala naman itong laman. Tinanong niya si Cristina, at sumagot ito na dahil umano bago lang ito.

Nalaman na lamang niyang naglalaman ito ng ipinagbabawal na gamot nang siya ay hulihin na sa airport ng Indonesia.

Base sa naging pahayag na ito, hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas sa pamahalaan ng Indonesia na suspendihin ang eksekyusyon kay Mary Jane. Ipinagbigay-alam sa pamahalaan ng Indonesia na nasa kustodiya na ng pulisya ang mga recruiters ni Mary Jane at mahalaga ang kanyang pahayag para sa prosekyusyon nina Cristina at Julius.

Noong Abril 2015, sumulat si Veloso kay dating Pangulong Benigno Aquino 3rd na tulungan sya. Dahil dito, personal na umapela si Pangulong Aquino kay dating Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi.

Sa kahuli-hulihang sandali bago ihatol ang parusa, pinagbigyan ng pamahalaan ng Indonesia suspendihin ang parusang kamatayan laban kay Veloso.

Clemency

Nitong Setyembre 6, 2022, pormal na sumulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamahalaan ng Indonesia para hilingin na bigyan ng clemency si Veloso.

Ipinaliwanag ng Merriam-Webster, ang clemency sa Pilipinas. Ayon dito, ang kapangyarihang magpatawad ay isang mahalagang aspeto ng ehekutibong awtoridad na ipinagkaloob sa Pangulo ng Pilipinas. Ang kapangyarihang ito ay nagbibigay-daan sa Pangulo na magbigay ng clemency (awa) sa mga indibidwal na nahatulan ng mga krimen, na nagpapagaan sa mga kahihinatnan ng kriminal na pananagutan.

Nitong Mayo 2023 sa 42nd Asean Summit and Related Summits sa Indonesia, muling inapela ng pamahalaan sa pamamagitan ni Pangulong Marcos na mapauwi na ng Pilipinas si Veloso.

Pagdating ng Nobyembre 20, 2024 inihayag na ni Pangulong Marcos na makakauwi na ng Pilipinas si Veloso.

“I extend my heartfelt gratitude to President Prabowo Subianto and the Indonesian government for their goodwill. This outcome is a reflection of the depth [of] our nation’s partnership with Indonesia — united in a shared commitment to justice and compassion,” ayon sa Pangulo.

“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa Pangulo: “Mary Jane’s story resonates with many: a mother trapped by the grip of poverty, who made one desperate choice that altered the course of her life. While she was held accountable under Indonesian law, she remains a victim of her circumstances.”

Bagama’t makakauwi na sa Pilipinas, hindi pa rin makakalaya si Veloso.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, kinakailangan pa ng mutual agreement ang Pilipinas at Indonesia upang mabigyan si Veloso ng clemency.

Aniya nananatili ang kaso ni Veloso na “a work in progress.”

May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran halaw sa ulat ng The Manila Times.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -