OPISYAL na inilunsad ng Multinational Foundation, Inc. (MFI), katambal ng TOWNS Foundation, Inc. ang Filipina Achievers for Rural Education Awards (Flora) 2024, isang programang naglalayong kilalanin ang mga mahahalagang kontribusyon ng mga Pilipinang guro sa pagtaguyod ng rural na edukasyon.
Inilunsad ang Flora sa unang bahagi ng 2022; at unang nagtawag ng nominasyon noong Marso 2022. Kinilala ang mga kauna-unahang pinarangalan noong Mayo 2023.
Ngayong taon, sa ikalawang paggawad ng Flora ng nasabing karangalan, patuloy nitong pagtutuunan ng pansin ang nakapagpapabagong epekto ng edukasyon sa mga komunidad na nasa laylayan, partikular na sa kanayunan. Tema ng parangal ngayong taon ang “Activating Critical Citizenship among Filipino Youth through Rural Education” o “Pagpapalakas ng Kritikal na Pagkamamamayan sa Kabataang Pilipino, sa pamamagitan ng Rural na Edukasyon.” Binibigyang-diin ng tema ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kabataang Pilipino ng kasanayan at kaalaman upang makabuluhang makisangkot sa kanilang mga komunidad, tugunan ang mga isyung panlipunan, at aktibong makibahagi sa mga demokratikong proseso.
Sa pamamagitan ng Flora pinararangalan ng Multinational Foundation, Inc. ang mga babaeng guro na umalpas sa mga tradisyonal na metodo ng pagtuturo, upang magtaguyod ng inobasyon, kritikal na pag-iisip, at pananagutang panlipunan sa kanilang mga mag-aaral. Bukas ang parangal sa mga babaeng edukador sa primarya, sekondarya, at teknikal na edukasyon na nakabase sa mga munisipalidad na nasa ika-4, ika-5, o ika-6 na antas ng klasipikasyon.
Kinakailangang nagpakita ng inobasyon ang mga nominado sa pagharap sa mga hamon ng mga komunidad sa kanayunan; nagbigay-inspirasyon sa mga mag-aaral na makisangkot at tugunan ang mga isyung panlipunan; at bumuo ng mga programang naghihikayat ng aktibong pagkamamayan at pamumuno sa komunidad.
Kilala ang MFI bilang matagal nang tagapagtaguyod ng edukasyon bilang mahalagang kasangkapan sa pagpapaunlad ng bansa. Bahagi ng adbokasiya ng organisasyon para sa lipunan ang hubugin ang kabataang Pilipino na maging responsible, mulat, at aktibong kalahok nito. Sa pamamagitan ng iba’t ibang programa, nakatuon ang MFI sa pagtugon sa mga isyung panlipunan tulad ng misimpormasyon, katarungang panlipunan, at pagtaguyod ng kapayapaan sa mga marhinalisadong lugar.
Katuwang ng MFI sa pag-organisa ng Flora Awards ang Towns Foundation, Inc., isang organisasyong non-profit na kinikilala at nagbibigay-pugay sa mga natatanging Pilipina na may mahahalagang kontribusyon sa iba’t ibang larangan. Sa loob ng maraming dekada, sinuportahan at ipinagdiwang ng organisasyon ang mga babaeng lider upang mas mahikayat pa silang patuloy na magbigay-inspirasyon tungo sa pagbabago ng bansa.
Bukas na ang nominasyon para sa Flora 2024. Maaaring bumisita ang mga interesado sa opisyal na website ng Flora (floraph.com) para sa mga detalye na kinakailangan sa nominasyon, at sa takdang petsa ng pagpapasa.
Layunin ng Flora 2024 na itampok ang walang kapagurang pagsusumikap ng mga babaeng guro na humubog ng mas magandang kinabukasan para sa mga rural na komunidad. Sama-sama nating ipagdiwang ang kanilang mga kuwento ng pagbabago, inobasyon at dedikasyon.
Mahalagang inisyatiba ang Flora na nagdiriwang ng natatanging kontribusyon ng mga Pilipinang guro na patuloy na binabago ang mga komunidad sa kanayunan sa pamamagitan ng edukasyon. Sa pagtampok ng makabago at makabuluhang kasanayan sa pagtuturo, kinikilala ng Flora ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagtugon ng mga hamon sa mga marhinalisadong komunidad, at binibigyang-inspirasyon din nito ang bagong henerasyon ng mga guro na itaguyod ang aktibong pagkamamayan, at ang pagpapaunlad ng mga rural na komunidad.
Para sa mga katanungan mula sa media at sa karadagang impormasyon, makipag-ugnayan kay Dina Ocampo sa [email protected].