27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Mahalagang papel ng alumni sa programa at pamantasan

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPAKAHALAGA ng ginagampanan ng alumni sa patuloy na pag-unlad ng programa, pamantasan, at propesyon.  Taglay nila ang kaalaman, kasanayan at karanasan upang makapag-ambag sa higit na ikayayabong ng larangan sa partikular at ng lipunan sa pangkalahatan.  Mistulang school at academic ambassadors ang alumni ng kanilang pamantasang pinagtapusan at disiplinang pinagdalubhasaan dahil kinakatawan nila ang paninindigan (standpoints) at halagahin (values) ng mga ito sa kanilang empleyo, larangan, at komunidad.

Career orientation
Kadalasan ay naiimbitahan ang alumni sa mga career orientation ng programa at pamantasan para maibahagi nila ang kanilang natutunan mula sa kurso at ang ambag nito sa kanilang personal at propesyonal na buhay.

Bahagi ng bawat isinasagawang career orientation ang pagbabalik-tanaw ng alumni. Ikinukuwento nila ang kanilang pagsisimula sa degree program.  Kasama sa kanilang ibinabahagi ang mga kaakibat na hamon sa buong academic journey at kung paano nila ito pinagtagumpayan kinalaunan.

Nagbibigay rin sila ng gabay kung paano malalampasan ang mga alalahanin sa mga unang yugto ng paghahanap ng trabaho at ang pagbaybay sa career.  Bukod sa career mentoring, malaki rin ang naitutulong ng mga mas establisadong alumni sa internship, job placement at professional networking ng mga mag-aaral at maging ng mas nakababatang alumni.

Maaaring ikategorya ang alumni speakers batay sa iba’t ibang sektor sa mga inilulunsad na career talk. Sa kursong BA Development Studies halimbawa, nag-iimbita ng alumni mula sa iba’t ibang larangan kagaya ng policy work, development research, legislation, disaster risk reduction management, humanitarian work, community organizing, local governance, finance, alternative lawyering, community medicine at iba pa. Sa pamamagitan nito ay naitatampok ang lawak ng aplikasyon ng kurso sa iba’t ibang konteksto (pampubliko at pampribado) at antas (pandaigdigan, pambansa at pangkomunidad).


Sa pamamagitan ng career talk ay naibabahagi ng alumni ang mga napapanahong usapin sa kanilang larangan, sektor, at industriya.  Kasama rito ang trend sa mga nagbabagong modelo at metodo sa propesyon. Sa kontekstong ito ay ginagampanan ng alumni ang pagiging epektibong knowledge broker sa pagitan ng pamantasan at industriya.

Alumni bilang (dalub)guro
Sa hanay rin ng alumni ng programa nanggagaling ang ilan o karamihang nagiging (dalub)guro sa pamantasan – part-time o full-time man.  Ipinagpapatuloy nila ang pagpapakadalubhasa sa larangan sa pamamagitan ng pag-aaral sa antas gradwado at post-gradwado at sumasabak din sila sa pananaliksik para mag-abag sa higit na ikauunlad ng disiplina.

Bilang mga practitioner, bitbit ng alumni ang kanilang karanasan mula sa larangan at propesyon bilang kontekstwalisadong aplikasyon ng kanilang kaalaman.  Pinagyayaman ng kanilang praktika ang teorya sa akademya sa pamamagitan ng kanilang aktibong pagtuturo, coaching at mentoring.

Alumni bilang katugon, tagabatid at kasangguni
Hindi rin matatawaran ang papel na ginagampanan ng alumni kapag sila ay nagpapaunlak sa imbitasyon para sa curricular review, program accreditation, at quality assurance ng kurso.  Kritikal ang kanilang ibinabahagi bilang mga dating mag-aaral na ngayon ay practitioner sa kani-kanilang larangan para sa ebalwasyon at higit na ikauunlad ng kurso o programa. Batid nila kung anong mga bahagi ng kurikulum ang dapat ipagpatuloy at pag-ibayuhin at maging yaong mga dapat baguhin at palitan.

- Advertisement -

Alumni sa serbisyo publiko
Kaagapay at katuwang din ang alumni sa mga public service o extension work ng programa at pamantasan kung saan maaari sila makapag-ambag sa paglulunsad ng mga career fair at community development project.

Sa pakikipag-ugnayan sa pamantasan, maaari ring magtayo ng booth ang mga alumni tampok ang kanilang mga kinabibilangang institusyon para mabisita ng mga mag-aaral na nais maghanap ng part-time job o mga magsisipagtapos na gusto nang magtrabaho.  Bukod sa pagiging school ambassador sa labas ng pamantasan, nagsisilbi ring professional ambassador ang mga alumni sa kanilang pagkatawan sa propesyon at industriyang kanilang kinabibilangan.

Alinsunod sa pakikipagkapwa, maaari rin silang tumulong sa mga scholarship program, relief operation at donation drive ng programa at pamantasan para sa mga nangangailangan.

Alumni associations
Sadyang mahalaga ang gampanin ng mga alumni association sa pagpapalakas ng ugnayan ng alumni at pamantasan. Batay sa karanasan, mas nagiging sistematiko at institusyonalisado ang pagbuo ng mga proyekto at programa sa pamamagitan ng ganitong mga pormal na samahan ng alumni.  Sa partikular, nakapagpapatibay ang alumni association sa ugnayan at koordinasyon ng alumni sa dati nilang mga (dalub)guro, kasalukuyang mag-aaral ng kurso at pamunuan ng pamantasan.

Alumni relations
Isang mahalagang elemento ng matibay na alumni relations ay ang komunikasyon.  Kailangan regular silang maugnayan sa pamamagitan ng pagpapaabot ng mga balita ukol sa programa at pamantasan.  Kritikal ito upang tuloy-tuloy ang palitan ng impormasyon, kaalaman at saloobin.

Dapat ding kilalanin ang tagumpay ng alumni sa pamamagitan ng pagtatampok sa kanila sa campus publication, website o social media page.  Sa ganitong paraan ay mas makikilala sila bilang mga role model ng mga nakababatang batch.

- Advertisement -

Sa bahagi ng programa at pamantasan, mahalaga na mayroong directory ng mga alumni na naglalaman ng kanilang buong pangalan, batch, institutional affiliation, posisyon at contact details. Makatutulong ito nang malaki sa pagsasagawa ng tracer study.  Importante rin na updated tuwina ang alumni record at directory upang mas maging sistematiko at episyente ang komunikasyon at koordinasyon.

Pagbubuo(d)
Hindi lamang tuwing may grand alumni homecoming o fundraising dapat naalala ang alumni dahil kritikal ang gampanin nila sa buhay ng programa at pamantasan.  Hindi sa pagtatapos ng kurso at pagkakamit ng degree natutuldukan ang kanilang mahalagang relasyon sa programa at pamantasan.  Sa katotohanan, ang pagiging alumni ay panghabambuhay na pagkakakilanlan at marka ng pagkatao kaya inaasahang ganoon din katagal at kalalim ang magiging katapatan at komitment ng alumni sa kanilang pamantasang hirang.

Pinakamataas na pagpupugay at labis-labis na pasasalamat sa mga alumni na hindi nakakalimot mangamusta at magbahagi sa programa at pamantasan!

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -