SA talumpati ni Chinese President Xi Jinping sa Central Economic Work Conference (CEWC) na ginanap sa Beijing mula Disyembre 11 hanggang 12, naging malinaw ang daan na tinatahak ng China sa pagsulong ng kanyang kaunlaran. Tinawag ang kumperensya upang desisyunan ng mga lider ng China ang mga dapat tuunan ng diin sa gawaing pangkabuhayan sa 2025
Kasunod ng pinakabagong insidente ng banggaan ng Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) at higit na malaking barko ng China Coast Guard (CCG), lilitaw na ang pagdaos ng CEWC ay bilang tugon sa tunggalian ng China at Pilipinas sa South China Sea. Masdan kung papaanong pinaputok sa media ni PCG Spokesperson Jay Tarriela ang insidente. Para bang iyun ay ubusan na ng lahi na engkwentro ng mga pwersang militar ng China at Pilipinas. Halos pangunahan na ang magiging opisyal na pahayag ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. tungkol sa nangyari sa pamamagitan ng pagmungkahi na paganahin na ng presidente ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. Ang ganung gawi ay totoong pagsuway sa awtoridad. Walang nakabababa sa ranggo ang magsasabi sa kumander kung ano ang dapat gawin. Mapwera na lamang kung may pinaghuhugutan ka ng mas mataas na awtoridad.
Sino ang higit na nakatataas sa presidente?
Malungkot para kay Bongbong, lumalakas ang pagtingin sa kanya ng bayan na siya ay American Boy. Tanging ang kanyang pagtanggi na paganahin na ang MDT upang tugunan ang hidwaan ng China at Pilipinas sa South China Sea ang nakapagpapanatili sa kolum na ito ng pananalig na hindi ganun si Bongbong.
Kung Amboy siya, bakit ayaw niyang sundin ang udyok ng Amerika na paganahin na ang MDT? Saganang kolum na ito, darating ang araw na si Bongbong ay malilinawan ang isip na China ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay ng pag-unlad ng Pilipinas.
Sa anu’t-anuman, ang kapal ng hasang ni Tarriela na pangunahan ang presidente ay nagpapakita lamang sa kahalagahan ng CEWC. Wala ni isang sandali sa pulong na binanggit ang nasabing banggaan ng mga barko ng PCG at CCG sa South China Sea. Balintuna ng laging gawi ng propaganda ng Kano na iyun ay pagsiklab na ng pananalakay ng China sa Pilipinas.
Nagtalumpati si Presidente Xi Jinping sa conference bilang Punong Ehekutibo ng China, Secretary General ng Communist Party of China (CPC), at Chairman ng Military Commission ng Communist Party of China (CPC).
Kung katulad ng ibig palitawin ng propaganda ng Kano na seryoso na ang sitwasyon ng giyera sa South China Sea sa pagitan ng China at Pilipinas, dapat na bilang pinuno ng mga usapin sa militari ng China ay binigyan ito ni Presidente Xi ng sapat na bahagi sa kanyang talumpati sa CEWC. Hindi niya ito ginawa. Wala ni isang salita ang ginawa niya tungkol sa giyerang ipinangangalandakan ng Kano.
Maaari bang sabihin na ang usapin ng giyera ay non sequitur, wala sa usapan?
Dahil nga wala talaga.
Ganun din ang nangyari sa Third Plenum ng CPC na idinaos nauna na sa CEWC. Bilang pinakamataas na tagagawa ng polisiya ng China sa panahong iyun, dapat na binanggit ng Plenum ang hidwaang Chino-Pilipino dahil doon pinag-usapan ang kaunlaran ng China hanggang sa 2040. Subalit tulad ng CEWC, ni isang salita ay walang ginawa ang Plenum tungkol sa pinalilitaw ng Kano na giyera sa South China Sea.
Tinutugunan ng China ang mga kaganapan sa pinagtatalunang mga katubigan ayon sa mga pangyayari.
Bilang usapin ng estratehiya, ang krisis sa South China Sea ay tila hindi ganun kaseryosong pinahahalagahan.
Ang pokus ng China ay malinaw na ipinakikita sa buong lawig ng talumpati ni President Xi sa CEWC: kaunlaran, kaunlaran, kaunlaran.
Naririto ang ulat ng Xinhua:
“Sa kanyang talumpati, nirebyu ni Xi ang gawaing pangkabuhayan ng China sa taong 2024, sinuri ang kasalukuyang sitwasyong ekonomiko at inilahad ang gawaing pangkabuhayan sa susunod na taon.”
Ilan sa mga tinuunan ng pansin sa talumpati ni Presidente Xi ang mga sumusunod:
Panatag na pagkilos ng ekonomiya ng China samantalang gumagawa ng progreso noong 2024;
Daloy ng masisiglang mga polisiya na pinairal ng liderato ng CPC noong Setyembre na nagbunga ng paglakas ng tiwala ng sambayanan at ng kahanga-hangang pagpaimbulog ng ekonomiya.
Mga suhay na kalagayan at saligang tunguhin para sa pangmatagalang malusog na pag-unlad ng ekonomiya ng China na mga nanatiling di-binabago.
Ang determinasyon na harapin ang mga kahirapan, palakasin ang kumpiyansa ng sambayanang Chino, at itransporma lahat ng mga positibong sangkap sa mga totoong ganansya ng kaunlaran.
Mga gawaing dapat gawin upang tiyakin ang kagalingan ng sambayanan sa pagtatapos ng taon at panatilihin ang panlahatang kapanatagan ng lipunan.
“Higit na may inaasahang bunga at totoong may malaking epekto na polisiyang macro ay dapat na ipinatutupad upang mapanatili ang tunguhing paitaas ng ekonomiya, at sa gayo’y maisulong ang mga inadhikang pakinabang at ganun din naman ang mga gawain sa Ika-14 na Limang-Taon Plano (2021-2025) na may mga gawaing dapat na ipatupad na may mataas na kalidad at ilatag ang solidong pundasyon para sa pagpapanimula ng Ika-15 Limang-Taong Plano (2026-2030),” wika ni Xi.
At para sa susunod na taon, ipinagdiinan ng pulong ang pangangailangang imintina ang tuloy-tuloy na paglaking ekonomiko, panatilihing panatag ang empleyo at presyo ng mga bilihin, tiyaking may magkapantay na timbang ang balanse ng pagbabayad ng mga utang, at gawing ang kita ng sambayanan ay kasabay ng paglaki ng kabuhayan ng lipunan.
Pawang mga alalahaning pangkabuhayan. Wala ni katiting na salita tungkol sa giyera.
Magkaganun man, kung isalarawan ng mga tagatabil ng Amerikano ang sitwasyon sa South China Sea, parang nananalakay na ang China sa Pilipinas.
Ang ganap na nakaiwas sa atensyon ng mga Pilipino ay ang pangyayari na samantalang ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay painit nang painit, ang mga negosyanteng Pilipino ay nagtamasa ng malalaking tubo mula sa kalakalan sa China, sa pamamagitan ng China Asean Expo (CAEXPO) na ginanap sa Nanning City, Autonomous Region Lahing Zhuang sa Guangxi, Timog China nitong nakaraang Setyembre.
Nakikipagkalakalan sa mga negosyanteng Chino ng mga produktong agrikultural tulad ng prutas at gulay, at mga hinabing produkto at mga produktong pangkalusugan, kumita ang mga magsasaka mula sa Cordillera Autonomous Region (CAR) at mga manghahabi mula sa Bulacan ng di birong tubo hindi lamang sa panahon ng expo kundi gayundin sa sumunod na panahon ng tiyak na mga reorder.
Ayon sa isang balita, kumita sa expo ang rehiyon ng Davao ng hindi bababa sa $1.5 billion.
Sa ngayon, taas noo ang China sa pananatili bilang di maitatangging makina ng pangmundong asenso sa kabuhayan. Taliwas sa campaign slogan ni Donald Trump na “America First,” ang “World Community of shared future” ni Presidente Xi Jinping ay isang mabunying magandang pangitain ng kapayapaan, saya at kapanatagan ng buong sangkatauhan.
Sa kanyang liham pagbati sa US-China Business Council, sinabi ni Presidente Xi, “Ang China at Estados Unidos ay dapat na piliin ang dayalogo sa ibabaw ng konprontasyon at win-win koopeerasyon ibabaw sa mga larong zero-sum.”
Nagpapakita ng makinis na statesmanship, sinabi ni President Xi, “Ang ugnayang China-US ay isa sa pinakamahalagang mga ugnayan sa mundo at nagsasangkot hindi lamang sa mga kagyat na interes ng mga sambayanang Chino at Amerikano, kundi ng kinabukasan at destiniya ng buong sangkatauhan.”
“Ang kapwa mga bansa ay makikinabang sa kooperasyon at matatalo sa konprontasyon. Nakahanda ang China na palaging nakikipag-ugnayan sa Estados Unidos upang palawakin pa ang kooperasyon, pangasiwaan ang mga di-pinagkakasunduan, at patuloy na hinahanap ang wastong daan para sa dalawang bansa na magsama sa bagong dantaon, at maunawaan ang mga pangmatagalang payapang magkasamang pamumuhay sa planetang ito para sa kapakinabangan ng dalawang bansa at ng buong sandaigdigan.”
- Advertisement -