ANG Lungsod ng Las Piñas, na kilala sa mahabang tradisyon ng paggawa ng parol, ay ipinagdiwang ang 19th Las Piñas Parol Festival at 15th Street Dance Competition, sa pangunguna ng Villar Foundation.
Ang taunang pagdiriwang, na nagbibigay-galang sa ikatlong henerasyon ng “Magpaparol ng Las Piñas,” ay ginanap sa Villar Foundation Courtyard noong Huwebes, Disyembre 12, na nagbuklod sa komunidad sa isang pagdiriwang ng tradisyon at kultura.
Ang taunang “Parol Festival,” kung saan ipinapakita ng mga magpaparol ang kanilang pinakamahusay na mga parol na gawa mula sa mga recycled na materyales, ay naging isang makulay na tradisyon na nagpapakita ng pagiging malikhain at sustenabilidad.
“I am happy and thankful that we get to celebrate the city festivity in person as it highlights the efforts of the city in recycling materials,” sabi ni Senator Cynthia Villar, na nagpasimula nh taunang aktibidad.
“Taus-puso po kaming nagpapasalamat sa ating mga Parol-makers, sa pagpapakita ng mga magagandang disenyo na nagpapasigla sa larangang ito. Dahil sa inyong pagpupursige, nakilala ang Las Piñas bilang Metro Manila’s parol capital,” dagdag pa niya.
Labing-anim na mga entry mula sa “Samahang Magpaparol ng Las Piñas” ang sumali sa kompetisyon.
Nanalo si Luzviminda Gallardo ng grand prize at nag-uwi ng P20,000. Ang kanyang parol ay gawa sa makulay at “intricate” na disenyo, na maingat na binuo gamit ang iba’t ibang materyales. Ang pangalawang gantimpala ay iginawad kay Glecy Dela Cruz na tumanggap ng P15,000, habang si Richard Loverez naman ay nakakuha ng pangatlong gantimpala at nag-uwi ng P10,000.
Sa street dance competition, ang mga delegado mula sa 12 elementary schools ay nagbigay aliw sa mga manonood sa kanilang malikhaing mga kasuotan, makulay na props, at masiglang mga sayaw.
Ang CAA Elementary School ay nagwagi ng Grand Champion title at Best in Costume sa kompetisyon, at nag-uwi ng kabuuang P60,000–P50,000 para sa unang pwesto at P10,000 para sa Best in Costume award.
Ang Moonwalk Elementary School naman ay nag-uwi ng unang runner-up na may P30,000, samantalang ang Doña Manuela Elementary School ay tumanggap ng pangalawang runner-up award na may P20,000.
Ipinahayag ni Senadora Villar ang pagnanais na ang pagdiriwang ngayong taon ay hindi lamang magpasikò ng pride kundi magpalakas din ng pagkakaisa sa mga Las Piñeros, lalo na habang nagsusumikap silang matamo ang kanilang mga layunin sa hinaharap.
“Hinihikayat ko ang lahat na gamitin ang inyong oras, talento, at kasanayan upang itaguyod ang karagdagang pag-unlad, habang patuloy na sinusuportahan at pinapalago ang ating mga umuunlad na industriya, lalo na ang tradisyon ng paggawa ng parol,” dagdag pa ng Senadora.