Huling bahagi
ANG Dibisyon ng DepEd sa Puerto Princesa City sa Palawan ang naging host ng ika-anim na taon ng awarding ceremony ng Gawad Teodora Alonso (GTA), isang pambansang kumpetisyon ng mga guro sa pagsulat ng storybooks, nitong unang linggo ng Disyembre. Dati-rati, ang central office ng DepEd, sa ilalim ng Bureau of Learning Resources, ang nagdaraos nito sa dakong Luzon. Pero nitong nagdaang taon, ang Dibisyon ng DepEd sa Davao City ang tumayong host. Naging napakainit nang pagsalubong ng mga opisyal at kawani ng DepEd sa siyudad ng Puerto Princesa sa lahat ng mga dumalong awardees, hurado, mga DepEd officials, at mga panauhin. “Karagatan” ang tema ng naturang pagdiriwang kung kaya’t ang buong hall ng hotel na pinagdausan ay puno ng mga disenyong isda, dikya, korales, at mga bagay na may kaugnayan sa dagat.
‘Kuwento ng Bayan Ko.’ Gayon ang nagiging paksa ng taunang kumpetisyong ito. Nais ng mga tagapagsulong ng kumpetisyong ito – ang Bureau of Learning Resources ng DepEd – na itampok ang mga kuwentong hinuhugot sa pinagmulang bayan ng mga kalahok. Ito’y habang tinatahi nila ang kuwento sa tinatawag na ‘most essential learning competencies’ (MELC) na itinakda ng kurikulum ng DepEd. Bilang hurado sa katatapos na kumpetisyon, nakita ko ang mayamang ani ng kuwento sa bawat rehiyon ng bansa. Mula sa mga tradisyong nakaugat sa kanilang lugar hanggang sa mga pagkain at produktong kilala ang partikular na lugar, ito’y itinatampok sa mga kuwento.
Halos lahat ng rehiyon ng bansa ay may mga napiling winners – maaaring sa aspekto ng pagsulat ng kuwento o pagguhit ng libro o sa bagong kategoryang ‘recorded video storytelling.’ Pinakamaraming winners ang mga kalahok mula sa Rehiyon IV-A CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon). Ang ilang opisyal mula sa rehiyong ito ay sadyang pinaghusay ang temang ‘karagatan.’ Nagsuot pa ang isang opisyal nila ng kasuotang may kapa na yari sa lambat kung saan ang mga covers ng nagwaging aklat ang mistulang nahuling isda sa lambat. Kuntodo may bubbles pa sila habang paakyat ng entablado habang tuwang-tuwa ang lahat.
Dito rin sa rehiyong ito nanggaling ang itinanghal na Hall of Fame ng Gawad Teodora Alonso ngayong taong ito: si John Ronnel Popa (na kilala rin bilang Jeron Tanglaw) ng Tanauan, Batangas. Makatatlong beses siyang nagwagi sa kanyang mga akda at ilustrasyon sa nagdaang 3 taon. Kinakailangang manalo ng makatatlong beses (ano man ang puwesto o rank sa Top 5 winning children’s books) sa loob ng tatlong taon ang isang guro para mag-qualify para sa Hall of Fame. Si Popa ay hindi lamang isang ilustrador; siya rin ay awtor. May mga lahok siya sa GTA na parehong siya ang gumawa ng kuwento at ilustrasyon. May pagkakataon din na siya ang sumulat ng kuwento at iba naman ang ilustrador, gaya ng winning entry niya ngayong taong ito na pinamagatang ‘Ang Batang Nagpasibol ng Lungsod’ tungkol sa pagtatanim ng kape sa komunidad. Iginuhit ito ng isa pang award-winning author-illustrator na si Jhucel del Rosario. Si Popa ang nag-iisang guro na nakakuha ng parehong Hall of Fame sa Gawad Teodora Alonso at Gawad Fernando Amorsolo.
Isang linya ang tumimo sa aking isip nang magbigay ng maikling speech si Popa nang tanggapin niya ang Hall of Fame award. Aniya, ‘nakauwi na si Teodora Alonso sa kaniyang bayan.’ Tinukoy niya rito ang nangyaring pagpapalakad kay Teodora Alonso mula sa Calamba hanggang sa Sta Cruz, Laguna nang siya ay pinaratangang nanlason sa isang panauhin. Pinaglakad siya sa kabila ng kanyang katandaan bilang parusa. Nang banggitin ito ni Popa, kagyat kong naalala ang maraming sakripisyo ni Alonso para sa bayan. Tinukoy rin dito ni Popa kung paanong ang espesyal na pagkilala ng Gawad Teodora Alonso ay ipinagkaloob sa isang gurong anak ng rehiyong Calabarzon.
Hindi rin kinalimutan ng GTA ang pagbibigay ng award para sa mga mahuhusay na ilustrador ng aklat. Sa bawat 5 winning entries ng bawat grade level, may pinipiling ‘Best Illustrator.’ Kapag tatlong beses nang nagwagi nito, gaya ng GTA, ang ilustrador ay ginagawaran ng Hall of Fame ng Gawad Fernando Amorsolo. Matatandaang ang mga ilustrasyon ni Fernando Amorsolo ay lumabas sa mga pahina ng textbooks sa public schools noong araw. So far, may apat na tayong gurong ilustrador na tumanggap ng Gawad Fernando Amorsolo Hall of Fame: sina Neil Arado, Jhucel Del Rosario, Raymond Delos Reyes, at Renel Cagayan.
Makulay ang naging pagtatanghal sa Puerto Princesa. Sa unang araw nang pagdating ng mga panauhin at guro, dumayo ang lahat sa Balayong Park para sa isang aktibidad na kung tawagi’y ALAB. Dito’y nagkaroon ng pagsindi sa sulo na binuhat ng mga guro na naging Hall of Famers na sa paggawa ng aklat gaya nina Mariel Balacuit, Jaylord Losabia, Enrile Abrigo Jr, Mayshel Laspinas , at John Ronnel Popa (nasa ibang bansa si Conrad Ladislee Tua III). Sama-sama nilang sinindihan ang malaking kawa. Muling isinalaysay ni Aubrey Flores ng Palawan National School ang kuwentong ‘Ang Matsing at ang Pagong.’ Nagbigay ng mensahe si Jejomar Alda, Senior Education Program Specialist sa DepEd-BLR at siyang tumayong Overall Focal Person ng GTA.
Nang sumunod na araw, sinalubong ang mga panauhin ng mainit na pagbati mula kina Laida Mascarenas (OIC-SDS ng DepEd Div of Puerto Princesa City), Besy Agamata (Chief Education Program Specialist ng BLR Production Division), Dr. Nicolas Capulong (Regional Director, DepEd MIMAROPA), at Jejomar Alda. Nagbukas ang mga book exhibits ng mga nagwaging libro. Nagkaroon din ng storytelling coaching session kasama si Melanie Ramirez, kilala bilang Ate Melai, ng National Library of the Philippines.
Matatandaan na ang ‘recorded video storytelling’ ang pinakahuling idinagdag sa mga kategorya ng kumpetisyong ito. Dito’y kinailangan ng DepEd-BLR na makipagpartner sa isa pang ahensiya ng gobyerno na nasa pangangasiwa ng DepEd – ang National Council for Children’s Television (NCCT). Naging hurado sa bagong kategoryang ito sina Daisy Atienza (Exec Director ng NCCT) at Sally Lopez (council member ng NCCT). Sinundan ito ng ‘Open Mic Storytelling Sessions.’
Ang bawat entry (na aklat pambata) ay dapat munang magwagi sa division at regional level bago makarating sa national level ng kumpetisyon. Ngayong taong ito ng GTA, naanyayahan ang ilan sa pinakamahuhusay na awtor at ilustrador ng kuwentong pambata para maging hurado sa national level. Sa mga awtor, nandiyan sina Grace Chong, Eugene Evasco, Russel Molina, Christine Bellen Ang, Mark Angeles, Mary Ann Ordinario, Bernadette Neri, Noel Galon De Leon, Dulce Deriada, Beverly Siy, MJ Cagumbay Tumamac, at ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan. Sa mga ilustrador naman, kasamang naging hurado sina Beth Parrocha, Danielle Florendo, Tin Javier, Marx Fidel, at Pepot Atienza.
Pinangunahan ni Usec Gina Gonong, ang Undersecretary for Curriculum and Teaching ng DepEd, ang awarding ceremony ng mga nagwagi sa kumpetisyon. Kasama niya ang iba pang opisyal ng DepEd sa paggagawad ng Gawad Teodora Alonso gaya nina Director Ariz Delson Cawilan, Director Edward Jimenez, at Bureau Chief Besy Agamata. Inanyayahan din mismo ang mga hurado ng bawat kategorya na mag-abot ng award.
Sa bawat pagkakataong tatawagin ang gurong nagwagi ay malakas na palakpakan ang kasunod. Suot ang kani-kanilang magagandang Filipinana attire, ang mga malikhaing guro natin ay sadyang kagalang-galang tingnan. Nais kong papurihan ang cultural presentation ng iba’t ibang artistic groups sa Puerto Princesa dahil sa napakahusay nilang pagpapalabas: ang Sining Palawan dance Troupe, Batang Palaweno Dance Troup, PPC Cultural Ensemble, DepEd PPC Quartet, Palawan National School SPA Dance Troupe, Perlas ng Silanganan Dance Troupe, Palawan Dance Ensemble, at Puerto Princesa City Choir. Pinaging-makulay nila ang kabuuan ng awarding ceremony.
Isa pa sa highlights ng awarding ceremony ay ang presentasyon ni Ma. Carolina Tapia, ang Chief ng Industry Development Division ng National Book Development Board (NBDB). Hinikayat niyang magparehistro sa kanilang ahensya (NBDB) ang lahat ng awtor at ilustrador na nasa audience. Aniya, mahalaga ang ganitong pagpapatala o pagpaparehistro sa NBDB upang maka-avail sila ng mga grants o iba pang pribilehiyo na nakabukas sa mga manunulat at ilustrador (na rehistrado sa NBDB). Kasama ni Tapia ang isa pang director ng NBDB na si Ryan Esteban.
Hindi nagkukulang sa mga malikhaing guro ang ating bansa. Pinatunayan ito nang katatapos lamang na Gawad Teodora Alonso. Kailangan lamang nila ng isang plataporma upang itampok ang kanilang husay sa pagsulat at pagguhit ng kuwento. Sana’y sundan ang yapak nila ng iba pang guro sa iba pang panig ng bansa. Kay raming kuwento na nasa tabi-tabi lang natin. Atin na itong isalaysay at gawing halimbawa sa pagtuturo. Stories are powerful, di po ba?