31 C
Manila
Lunes, Disyembre 16, 2024

Muntinlupa lumagda ng MOA kasama si Alyssa Valdez para sa grassroots volleyball program

- Advertisement -
- Advertisement -

PORMAL na nilagdaan nitong Disyembre 13, nina Mayor Ruffy Biazon at volleyball icon Alyssa Valdez ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa at AV360. Layunin ng proyektong ito na maglunsad ng isang grassroots volleyball program na magbibigay ng dekalidad na volleyball training camp para sa mga kabataang Muntinlupeño.

Lumagda ng Memorandum of Agreement sina Mayor Ruffy Biazon, Atty. Jojay Alcaraz, at Volleyball star Alyssa Valdez para ilunsad ang grassroots volleyball program para sa mga kabataan.

Ang proyektong ito, na naisakatuparan sa tulong ng 1Munti, ay bahagi ng adbokasiya ng lungsod na itaguyod ang kalusugan, disiplina, at positibong kaugalian ng mga kabataan sa pamamagitan ng sports. Magkakaroon ng mga volleyball training camps para sa mga batang atleta, na hindi lamang magpapalakas ng kanilang pisikal na kakayahan kundi magtuturo rin ng mahahalagang aral tulad ng respeto, pagtutulungan, at determinasyon.

Mayor Ruffy Biazon, Atty. Jojay Alcaraz, at Volleyball star Alyssa Valdez kasama ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan ng Muntinlupa na magiging benepisyaryo ng naturang programa.

“Ang sports ay hindi lang tungkol sa laro o kompetisyon—ito ay isang mabisang paraan para linangin ang potensyal ng ating mga kabataan habang pinalalakas ang ugnayan ng pamilya at komunidad,” sabi ni Mayor Ruffy Biazon.

Binigyang-diin din ni Atty. Jojay Alcaraz ng 1Munti ang kahalagahan ng grassroots sports development bilang pundasyon ng adbokasiya para sa bawat Batang Juan, “Ang partnership na ito ay hindi lamang tungkol sa athletic training—ito ay tungkol sa pagbibigay ng plataporma kung saan ang mga batang atleta ay maaaring matuto ng mga halagang tulad ng teamwork, disiplina, at perseverance, na magagamit nila sa kanilang buong buhay.”

Nagpasalamat si Mayor Biazon sa mga katuwang ng lungsod sa proyekto, kabilang sina Ms. Jem Lim at Ms. Carla Dado ng AV360, pati na rin ang Youth Affairs and Sports Development Office sa pamumuno ni Ms. Cynthia Viacrusis, para sa kanilang walang sawang suporta at pagsisikap.

Inaasahang magsisimula ang grassroots volleyball program sa unang bahagi ng 2025, na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga batang atleta ng Muntinlupa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -