BAGO pa man manumpa bilang bagong presidente ng Estados Unidos, kaliwa’t kanang nagbabanta na si Donald Trump sa pagpapataw ng taripa sa mga produktong inaangkat mula sa China at iba pang bansa. Ayon sa kanya ang layunin ng taripa ay upang ibalik ang trabaho sa mga manggagawang Amerikano sa  Estados Unidos sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga inaangkat na produkto at serbisyo. Binanggit natin sa kolum na ito noong Nobyembre 21, 2024 ang mga pangunahing inaangkat ng Estados Unidos mula sa China kasama ang smartphones, digital automation systems, media transmission system, display monitors, bateryang lithium, at mga laruan.
Dahil liliit ang pag-aangkat ng mga nabanggit na produkto mula sa China bunga ng pagpapataw ng taripa, maaaring tumaas ang produksiyon ng mga nabanggit na produkto sa loob ng Estados Unidos. Sa pagtaas ng produksiyon ay tataas din ang empleo sa mga industriyang pumapalit sa mga produktong inaangkat.  Ngunit hindi pa rin ito sigurado dahil sa halip angkatin ito mula sa China na may taripa, ang mga produktong nabanggit ay maaaring angkatin mula sa ibang papaunlad na bansa at sa mga bansang kasapi ng North American Free Trade Area o NAFTA na walang taripa.
Dahil hindi siguradong tataas ang produksiyon sa loob ng Estados Unidos ng mga nabanggit na pangunahing inaangkat mula sa China, hindi rin tayo sigurado kung tataas ang empleo sa Estados Unidos at hindi rin sigurado na tataas ang presyo dahil maiaangkat ang mga produkto mula sa ibang bansa na hindi pinapatawan ng taripa.
Kung ang alternatibong ito ang gagawin ng Estados Unidos lumalabas na ito ay isang uri ng diskriminasyon sa mga produktong gawa sa China.
Ang paraang ito ay maaaring lumabag sa prinsipyo ng walang pagtatangi ng WTO. Kung walang taripa ang ipinapataw ng Estados Unidos sa mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa batay sa prinsipyo ng walang patatangi o non-discrimination dapat ay wala ring taripang ipapataw sa mga produktong inaangkat mula sa China.
Kung ang ipatutupad ng Estados Unidos ay pagpapataw ng taripa sa mga produktong nabanggit mula sa lahat ng bansa na sang-ayon sa prinsipyo ng walang pagtatangi ng WTO maaaring makalikha ito ng dagdag na trabaho sa Estados Unidos. Ngunit dahil ang mga presyo ng mga nabanggit na produkto ay magtataasan bunga ng pagpapataw ng taripa, maaaring bumaba ang demand sa loob ng Estados Unidos sa mga produktong ito. Sa pagbaba ng demand ay hindi gaanong tataas ang produksiyon at makitid lamang ang malilikhang dagdag na empleo.
Naiiba rin ang epekto ng taripa kung ito ay ipapataw sa mga hilaw na sangkap o intermediate inputs. Ang mga sangkap na ito ay ginagamit upang iproseso sa pagbuo ng iba’t ibang bagong produkto. Dahil pinatataas ng taripa ang halaga ng mga hilaw na sangkap ang value added o idinagdag na halaga ng mga industriyang gumagamit ng mga hilaw na sangkap na ito ay liliit kung ang presyo ng produkto ay hindi magbabago. Ang ibig sabihin ang kontribusyon ng mga industriyang ito sa pagpapalawak ng pambansang kita ay kumikitid. Kasama sa value added ang kita ng mga manggagawa, tubo ng mga kapitalista at iba pang balik sa iba’t ibang uri ng produktibong sangkap. Ang pagbaba ng kita ng mga manggagawa ay nagpapahiwatig din na lumiliit ang empleo.
Ang China ang pangunahing pinanggagalingan ng de kalidad at murang steel, aluminium, mga di pangkaraniwang metal, bateryang lithium, rubber, glass at produktong ceramic. Ang mga hilaw na sangkap na ito ay kinakailangan sa produksiyon ng mga produktong industrial ng bansa. Halimbawa, ang steel ay ginagamit sa paggawa ng mga sasakyang iniluluwas ng Estados Unidos. Ang aluminum ay ginagagamit sa produksiyon ng mga bahagi ng eroplano na iniluluwas din ng Estados Unidos. Ang bateryang lithium ay ginagamit sa iba’t ibang produktong pangcomputer at smartphones.
Suriin natin ang epekto ng pagpapataw na mataas na taripa sa mga hilaw na sangkap sa produksiyon. Magmamahalan ang gastos sa produksiyon at tataas ang presyo nito sa loob ng bansa kung nais panatilihin ang value added ng industriya. Kung ang mga produktong gumagamit ng hilaw na sangkap na pinatawan ng taripa ay iniluluwas ng Estados Unidos, magtataasan din ang presyo nito at hindi na ito kompetitibo sa bilihang internasyonal. Sa ganitong pagkakataon, makitid lamang epekto nito sa empleo at baka bumaba pa dahil sa bumababang demand mula sa mga export nito.
Isa sa mga layunin ng pagpapataw ng taripa ay upang maibaba ang inaangkat ng Estados Unidos at kumitid ang BOP deficit ng bansa. Ngunit sa pagpapataw ng taripa sa mga hilaw na sangkap maaaring bumaba ang iniluluwas ng Estados Unidos bunga ng mataas na gastos sa produksiyon at mataas na presyo. Dahil dito baka lalong lumalala ang BOP deficit ng Estados Unidos.
Dapat pakaisiping mabuti ng mga tagapayo ni Trump ang balak niyang pagpapataw ng taripa sa mga produktong inaangkat dahil baka tumalbog sa mga mamamayan at industriya ng Estados Unidos ang mabibigat na pasanin bunga ng mataas na taripa sa mga huling produkto at hilaw na sangkap.