NANG nakaraang isyu ng Wika Nga, nabanggit natin na sa apat na salitang tumutukoy sa pagputol ng buhay (pagpatay, pagkitil, pagpaslang at pagkatay), ang salitang pagpaslang ang waring pinakaangkop para ilarawan ang layon ng ating mga mambabatas sa wikang pambansa. Pagpaslang, dahil ang salitang ito ay may kaakibat ding pagpaplano ng pagpatay, sistematiko at walang humpay hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga ang target.
Sa nakalipas na mga dekada, marami nang hakbang ang naisagawa upang maitampok ang pambansang wika, upang ito ay maging wika ng komunikasyon at pagkakaisa ng mga mamamayang nagsasalita ng humigit-kumulang 180 iba’t ibang wika, maging wikang panturo sa iba’t ibang larang ng pagkatuto, wika ng pag-unlad na pang-ekonomiya, wika ng batas at gobyerno, medisina, siyensiya at teknlohiya. Sa maikling salita, tulad ng maunlad nating mga kalapit-bansa – South Korea, Japan, Indonesia, Thailand, Malaysia – dapat nating kilalanin ang mahalagang papel ng intelektwalisadong pambansang wika sa kaunlaran ng bansa. Naipaliwanag na natin sa mga naunang talakay ang kahulugan ng intelektwalisadong wika. Kung intelektwalisado ang Filipino at ito na ang wika ng pagkatuto mula kinder hanggang antas gradwado sa lahat ng larangan, makahuhubog tayo ng mga mamamayang matalino, mapanuri, mahusay mag-isip, hindi basta-basta naniniwala sa pekeng impormasyon, at hindi lamang for export na manggagawa at caregiver, kundi nag-iisip na bahagi ng pagpapaunlad ng bansa.
Malayo na ang ating narating mula noong dekada 70 nang simulang ipatupad ang edukasyong bilinggwal at ang P/Filipino sa kolehiyo. Nakadevelop ang mga kolehiyo at unibersidad ng mga kurso at degree programs sa wikang Filipino, naging masigla at dinamiko ang wika, nagagamit na sa maraming erya ng komunikasyon. Dati, nasa wikang Ingles ang mga programa sa TV at radyo. Halos nasa Ingles ang mga palabas, balita at brodkast kaya’t naging pamantayan ang kahusayan sa pagwers-wers ng bigkas-Ingles. Maging ang mga aklat sa kasaysayan at sibika ay nakasulat sa wikang dayuhan, pati sa Physical Education, Home Economics, Musika, atbp. Nagbago ang lahat ng iyan sa pagpapatupad ng edukasyong bilinggwal. Hindi man nakamit ng mga Pilipino ang pagiging mala-parrot na paggagad sa American English, natuto naman tayong ipagmalaki ang sarili nating wikang Filipino, at natuto ring kilalanin ang iba’t ibang varayti ng ating pambansang wika.
Nakatulong ang aktibismo noong Dekada 70 sa pag-unlad, pagpapayabong at pagpapalaganap ng wikang pambansa. Lalong naging matipuno ang panitikan ng pakikibaka at ginamit ang P/Filipino sa pagpapamulat sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga awit, tula, kwento at iba pa.
Ngunit lagi na, may mga hadlang. Sa kabila ng mga probisyon sa Konstitusyong 1987, ang mga mambabatas at matataas na pinuno ng edukasyon, ay laging nag-isip kung paano paiikutan ang batas. Ayon sa Artikulo XIV Sek. 14, “obligasyon ng estado ang preserbasyon, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng pambansang kultura batay sa prinsipyo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba” na matatamo sa pamamagitan ng matibay na wikang pambansa. Ngunit nakakalungkot na ang wika ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay Ingles, hindi Filipino.
Noong 2003, inilabas ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Executive Order 210, “establishing English as the medium of instruction in the educational system.” Kontra ito sa sinasabi ng Konstitusyong 1987 na Filipino at Ingles ang mga wikang panturo. Gusto nitong ibalik ang kondisyon noong mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano, na Ingles lamang ang wikang panturo. Kasabay ito ng mungkahing training ng dating pangulo para sa mga “Super Maid.”Hindi Superman, ha? Hindi Superhero, kundi Super Maid. Pinaganda ang tawag sa dating “atsay,” “tsimay,” “alila.” Sa pamamagitan ng lenggwahe, pataasin ang estado ng dating alipin.
Hindi natupad ang ganitong pakana. Pero hindi naman namatay ang ganitong panukala. Patuloy pa rin ang mga pagtatangka na gawing Ingles uli, at Ingles lamang, ang wikang panturo. Ilang kongresista ang walang sawang naghaharap ng mga panukalang batas para ibalik sa Ingles ang pagiging nag-iisang wikang panturo sa Pilipinas.
Noong 2013, ipinalabas ng CHED ang CMO 20, na nag-aalis ng sabjek na Filipino sa kolehiyo. Nagharap ng petisyon sa Korte Suprema para sa temporary restraining order (TRO) ang Tanggol Wika, na pinagbigyan naman ng nasabing Tanggapan. Gayunman, sa kabila ng TRO, maraming kolehiyo at unibersidad ang sumunod sa memo. Nakaapekto ito sa libo-libong guro ng Filipino, na ibinaba ng puwesto sa pinagtuturuang paaralan, nabawasan ang suweldo at teaching load, kundi man tuluyang nawalan ng trabaho. Nagbunga rin ito ng paghihingalo kundi man pagkamatay ng mga programang major in Filipino sa kolehiyo.
Hindi pa naman tuluyang nawawala ang Filipino sa kolehiyo. May mga unibersidad na nananatiling malakas ang departamento ng Filipino, tulad ng De La Salle University na may programang andergradweyt, master’s at doktorado sa Filipino. Marami na ring unibersidad na tumatanggap ng mga tesis sa masteral at doctoral na nakasulat sa wikang Filipino, hindi lamang sa panitikan, kundi maging sa ibang larangan.
Ang RA 12027 na nagpapatigil sa MTB-MLE (paggamit ng unang wika bilang panturo sa kinder hanggang Ikatlong Baytang) ay hakbang na paurong. Baligtad ito sa matagal nang rekomendasyon na gamitin ang unang wika ng mga bata upang madali silang matuto dahil likas lamang na mas madaling matutong magbasa at magbilang ang mga batang tinuturuan sa wikang alam na nila.
Usap-usapan din ang napipintong pagbabawas hanggang sa tuluyang pagtanggal sa Filipino sa senior high school (SHS). May mga panukala ang dating pangulo at ngayo’y kongresista Arroyo na alisin na ang SHS, ibalik sa Grades 1-10 na lamang ang basic education, at iyon na lamang magkokolehiyo ang kukuha ng karagdagang dalawang taon sa hayskul. Ang gulo ng mga idea ng mga mambabatas. Bakit kaya hindi iwan sa mga edukador ang ating edukasyon? Baka sakaling makakuha na ang mga kabataang Pilipino ng mataas/pasadong iskor sa PISA.
Ngunit hangga’t hindi naaayos ang problema sa wikang panturo, mananatili ang neokolonyal na edukasyon, na hanggang pag-eeksport na lamang ng ating mga kababayan ang pinakamataas na pangarap para sa bansa.
Buhayin, panatiliing buhay, hindi paslangin, ang wikang Filipino. Ito ang kaluluwa ng ating bansa. Mananatii itong buhay, dinamiko, matipuno, kung ito ay hindi lamang asignatura o sabjek sa mga paaralan, kundi wikang panturo sa lahat ng antas, mula kindergarten hanggang gradwado, sa lahat ng larangan.