SINABI ni Senador Win Gatchalian na malaki ang papel ng local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng ban na ipinag-utos ng Pangulo sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa na magkakabisa sa pagtatapos ng taon.
Dahil sa nalalapit na deadline para sa lahat ng POGO na tapusin ang kani-kanilang operasyon, binigyang-diin ng senador na dapat bantayan ng mga LGU ang anumang kongregasyon at aktibidad ng mga dayuhang mamamayan na maaaring magpahiwatig ng pagkakaroon ng operasyon ng POGO sa kani-kanilang lokalidad.
“Nagiging maliliit na grupo na nagtatakbuhan sa mga probinsya ang mga POGO. Dito na papasok ang papel ng mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag at maging alisto sa ganitong mga pangyayari,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means. Aniya, ganito na ang nagiging anyo ng mga POGO para makaiwas sa mga awtoridad.
Sabi ng mambabatas, ganito ang kaso ng ni-raid na POGO hub kamakailan lang sa Panabo City, Davao del Norte kung saan inilipat umano ang mga dayuhang manggagawa matapos ang pagsasara ng POGO hub sa Metro Manila kung saan sila dati nagtatrabaho.
Bilang isang dating alkalde, pinaalalahanan ni Gatchalian ang mga local executives na mananagot sila sa batas kung pipiliin nilang balewalain ang mga hinihinalang operasyon ng POGO sa kani-kanilang lokalidad.
“Hindi pwedeng sabihin ng mga LGU na hindi nila alam ang nangyayari sa kanilang mga nasasakupan dahil walang ibang nakakaalam ng mga nangyayari sa kanilang lugar kundi ang mismong mga taga LGU. Dapat maging alerto sila. Kung may mga ganyang aktibidad sa lugar nila, sila na mismo ang magpahinto. Dyan sumasabit ang mga LGU — ‘yung kapag sinasabi nilang hindi nila alam,” aniya.
Binanggit niya ang kaso ni Porac Pampanga Mayor Jaime Capil, na sinuspinde ng Office of Ombudsman, kasama ang 10 iba pa, habang naghihintay ng imbestigasyon sa posibleng gross neglect of duty kaugnay sa operasyon ng POGO hub sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Gatchalian, kailangang makipag-ugnayan ang mga LGU sa pulisya, mga awtoridad o mga ahensyang nagpapatupad ng batas, tulad ng Cagayan Economic Zone Authority, Authority of the Freeport Area of Bataan at Philippine Amusement Gaming Corp. (Pagcor) sa pagpapasara ng mga POGO sa pagsisimula ng 2025.