27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Pagpaslang sa Wikang Filipino

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

PATAY, kitil, paslang. Tatlong salita na magkakatulad ng kahulugan – paglagot ng hininga o pagtanggal ng buhay ng tao, hayop, halaman, o ano mang may buhay. May isa pang salita na katulad din ng kahulugan pero mas ispesipiko ang saklaw ng kahulugan: katay. Nangangahulugan ito ng pagpatay at pagpuputol-putol ng mga bahagi ng malaking hayop tulad ng baboy, baka o kalabaw, para makain.

Sa apat na salitang nabanggit, ang pagpaslang ang tila pinapaboran ng mga teleserye kapag ang pinatay ay hari o sino mang may mataas na katungkulan sa lipunan. Halimbawa: Pinaslang ng taong bayan ang mapang-abusong hari.

Wari bang ang salitang pagpaslang ay may kaakibat ding pagpaplano ng pagpatay, sistematiko at walang humpay hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga ang target.

Ganito ang ginagawa ng ating mga dakilang mambabatas sa wikang pambansa, sa wikang Filipino. Kung ano-anong galaw ang iniisip upang isantabi, ibasura, at tuluyang tanggalin hanggang mapaslang na ang wikang Filipino.

Ang Filipino sa SHS


 Ang pinakahuli sa kanilang mga balak ay ang pagbawas at/o  tuluyang pagtanggal sa sabjek na Filipino sa Senior High School (SHS).

Sa kasalukuyan, tatlo ang Filipino sa Grades 11 at 12. Kapag natuloy ang balak ng mga kongresista, magiging isa na lamang ang Filipino sa SHS, at elective na lamang. Kapag elective, ibig sabihin, puwedeng kunin ng estudyante, at puwede ring hindi.

Kung maaalala natin, isa sa mga argumento sa pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo, batay sa Memorandum Blg. 20 (CMO 20) na inilabas ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED) noong 2013, ay dahil inilipat na raw ang Filipino sa SHS. Kung ngayon ay aalisin ang Filipino sa SHS, wala nang Filipino sa mas mataas na antas ng edukasyon. Maaalala na sa Matatag curriculum, inalis na rin ang Filipino sa Grade 1. At alinsunod sa bagong batas RA 12027, hindi na ipagpapatuloy ang Mother Tongue Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Ang edukasyong bilinggwal

- Advertisement -

Dati, Ingles lamang ang wikang panturo sa lahat ng sabjek at antas ng edukasyon, maliban kapag “Wikang Pambansa” (na naging Pilipino/Filipino) ang sabjek. Noong mga 1970s, ipinatupad ang patakaran sa edukasyong bilinggwal. Dalawang wika ang panturo. Pilipino (P pa noon) at Ingles. Pilipino ang panturo sa araling panlipunan at iba pa, samantalang Ingles naman sa siyensiya at matematika. (Inakala noon na Ingles lamang ang wikang puwedeng maging panturo sa dalawang sabjek na ito.) Nilayon ng bagong patakaran na maging mahusay ang mga estudyante sa dalawang wika, na sila ay maging bilinggwal.

Ngunit nabigo ang edukasyong bilinggwal. Ang naging bunga – hindi na nga magaling sa wikang pambansa, lalong hindi naging magaling sa Ingles, ang mga Pilipino.

P/Filipino sa kolehiyo

Dati, hanggang hayskul lamang ang pag-aaral ng wikang Pambansa. Hindi required ang mga estudyante sa kolehiyo na kumuha ng sabjek na P/Filipino. (Pero noong estudyante ako, 24 units ng Spanish ang kailangang bunuin sa apat na taong pagkokolehiyo; ibig sabihin, 3 units bawat semester. Naging 12 units na lamang ito hanggang tuluyan nang alisin.) Noong mga 1970, sinimulang ipatupad ang 3 units ng Pilipino sa kolehiyo. Nadagdagan pa ito, naging 6 units hanggang 9 units depende sa kurso ng estudyante. At hindi lamang iyan. Maging mga dayuhang estudyante ay kailangan ding mag-aral ng wikang Filipino para makatapos ng alinmang degree sa ating mga unibersidad.

Sa Konstitusyong 1987, nakasaad na ang wikang panturo ay Filipino at Ingles, hanggang sa magkaroon ng pagbabago sa batas. Kung babalikan ang transcript ng mga talakayan noon, makikita na ang talagang nasa isip ng mga nagbuo ng Konstitusyon, ay gawing Filipino ang wikang panturo sa lahat ng antas at larangan ng edukasyon. Nakatanaw na sila noon pa man sa ganap na intelektwalisasyon ng wikang pambansa sa lahat ng domeyn, maging sa gobyerno, medisina, batas, siyensiya at teknolohiya, at iba pa.

Ang patakaran sa edukasyong bilinggwal at ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo ay mga hakbang na naglayong isulong ang pagpapalaganap at pagpapayaman tungo sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino.

- Advertisement -

Pagbabago sa wikang panturo

Nang ipatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) noong 2012, nakasilip ng pag-asa ang mga nagsusulong ng pagbabago sa wikang panturo.

Napatunayan na ng maraming pag-aaral ang kahalagahan ng wikang panturo sa tunay na edukasyong mapagpalaya at makabuluhan. Hindi wikang dayuhan kundi ang unang wika ng bata ang dapat gamitin upang maging madali ang pagkatuto at maging mapanuri ang pag-iisip ng mga kabataan. Ngunit maraming naging problema sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Kulang sa training ang mga guro at bigla na lamang itong ipinatupad. Kulang sa mga materyal na panturo. At higit sa lahat, kulang sa badyet.

Gayon man, may mga wikang nagpamalas ng tagumpay sa implemetasyon, tulad ng Filipino, Hiligaynon, Ilokano, Ivatan, Sinugbuanong Binisaya, atbp. pero sa halip na gawing modelo ang tagumpay ng mga ito, ang naging solusyon ng mga mambabatas ay tuluyan nang kitlin ang MTB-MLE. At ngayon naman, ang pagbawas at/o tuluyan nang pagtanggal sa Filipino sa SHS.

Nakakalungkot na ganyan ang nangyayari sa ating bansa. Patungo na ba ang mga hakbang na ito sa tuluyang pagpaslang sa wikang Filipino?

Mariing tinutulan ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wika (Tanggol Wika) ang mga hakbang na ito. Nagpalabas ng pahayag ng pagtutol ang Tanggol Wika at naglatag ng mga dahilan kung bakit hindi dapat ituloy ang pagbawas o pag-alis ng Filipino sa SHS, pati na rin ang pagtanggal sa MTB-MLE.

Ipagpapatuloy natin ang talakayang ito sa susunod na linggo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -