BINIGYANG-DIIN ng Department of Health-Cordillera (DOH-CAR) na protektado ang karapatan ng mga taong sumasailalim sa HIV testing at ang mga positibo sa HIV. Ito ay sa bisa ng Republic Act 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act.
Sa ilalim ng nasabing batas ay bawal ang diskriminasyon at hindi patas na pagtrato sa mga people living with HIV (PLHIV).
“Kailangan nilang malaman that the moment that I got tested of the virus, my rights are already being protected. Kapag HIV positive, the more that the law will protect my rights against stigma and discrimination,” ani DOH National AIDS STI Prevention and Control Program-CAR manager Darwin Babon.
Ayon sa kanya, maaaring maghain ng reklamo ang mga PLHIV na makaranas ng stigma o diskriminasyon.
Paliwanag ni Babon, wala pang kaso sa ngayon dahil walang nagrereklamo.
“Hindi natin ma-stop ang discrimination kung walang taong tatayo at maninindigan and file a case and stop this from happening again,” giit nito.
Siniguro naman ni Babon na may mga grupo ng mga abogado, sa tulong ng Global Fund, na handang tumulong sa mga taong may ganitong problema.
Dagdag pa nito, malaki rin ang suporta ng Commission on Human Rights kung saan, may mga nai-refer na sila sa tanggapan para sa mabigyan ng tamang gabay sa gagawin nilang hakbang.
Sa ngayon ay patuloy ang kampanya ng DOH upang maipalaganap ang tamang impormasyon sa publiko lalo na ang patungkol sa RA 11166. Puntirya aniya nila na maliwanagan ang lahat lalo na at karamihan sa mga lumalabag sa nasabing batas ay mga miyembro rin ng pamilya ng PLHIV o mga katrabaho nila.
Sa ilalim ng RA 11166, ang mga taong mapatutunayang gumawa ng discriminatory acts ay makukulong ng anim na buwan hanggang limang taon at/o mamumultahan ng hindi bababa sa 50,000 pesos at hindi hihigit sa 500,000 pesos.
Nitong Disyembre 1 ang World AIDS Day na may temang “Take the rights path: My health, my right” na nananawagan ng pagtataguyod ng Karapatan para sa kalusugan. Ang bawat pamahalaang lokal ay nagtakda naman ng partikular na araw kung kalian nila oobserbahan ang World AIDS Day.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay gaganapin ang National WAD observance sa Baguio City sa Disymebre 8. (DEG-PIA CAR)