26.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Gatchalian nais imbestigahan ang pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa smuggling ng excisable products

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa smuggling ng mga produktong pinapatawan ng excise tax, kabilang na ang vape at sigarilyo.

“Sa kabila ng pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, nananatiling talamak sa buong bansa ang smuggling ng mga produktong may excise tax. At dahil sa napakalawak na epekto nito, kinakailangan na muling suriin ng gobyerno ang diskarte nito upang labanan ang smuggling at mga bawal na kalakal sa bansa,” pagdidiin ni Gatchalian sa inihain niyang Senate Resolution 1243.

Ayon sa Department of Finance (DOF), ang gobyerno ay nawawalan ng potensyal na kitang P52 bilyon taun-taon dahil sa smuggling ng vape at tobacco products. Mula sa halagang ito, P35 bilyon ang nawawalang kita dahil sa smuggling ng tobacco products at P17 milyon dahil sa smuggling ng vape products.

Sa unang bahagi ng Nobyembre, nakumpiska ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detention Group (PNP-CIDG) ang P2.4 bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at smuggled na kagamitan.

Noong Setyembre, iniulat na naharang ng mga awtoridad ng Hong Kong Customs ang USD18 milyon na halaga ng smuggled na alak na patungo sana sa Pilipinas.

Mula Oktubre 2023 hanggang Agosto 2024, nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang P6.5 bilyong halaga ng mga smuggled na produkto ng vape. Sa Philippine Vape Festival Compliance Summit na ginanap noong Agosto ngayong taon, nakumpiska din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mahigit 5,000 ipinagbabawal na produkto ng vape kahit na ang naturang okasyon ay para sana sa isang talakayan tungkol sa mga pagbabago sa regulasyon at patakaran na nauukol sa industriya.

Bukod dito, nakumpiska rin ng BIR ang 390,000 litro ng ethyl alcohol dahil sa hindi pagbabayad ng excise taxes na umaabot sa mahigit P700 milyon noong Hulyo ngayong taon.

“Mahalagang tandaan na ang smuggling at illicit trade ay mga gawain na nagiging salot sa maraming tao. Bukod sa nababawasan na ang kita ng gobyerno, ang smuggling at illicit trade ay sumisira din sa tuntunin ng batas, nagpapalakas ng katiwalian, nakakapinsala sa pagiging competitive ng mga lehitimong negosyo habang nagiging pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga organized crime groups, na sumisira sa reputasyon ng Pilipinas sa ibang bansa,” sabi ni Gatchalian.

“Kailangan nang matuldukan ang smuggling ng mga excisable products na dapat sana’y pinagkakakitaan ng gobyerno dahil malaking kabawasan ito sa pondo na dapat ay nakalaan sa mga proyektong makakatulong sa ating mga mahihirap na kababayan,” pagtatapos niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -