26.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

(Dalub)guro sa kolehiyo: Gampanin at halaga

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

KAGAYA ng mga kapwa guro nila sa ibang antas ng edukasyon ay sanga-sanga at mapanghamon din ang gampanin ng mga dalubguro sa kolehiyo. Sa pangkalahatan ay maikakategorya ang mga gampaning ito sa pagtuturo, pananaliksik at serbisyo publiko.  Sa konteksto ng maikling artikulong ito ay malaya kong gagamitin ang terminong ‘dalubguro’ para tukuyin ang mga nagtuturo sa kolehiyo anuman ang kanilang academic rank at batay sa kanilang gampanin at halaga sa pangkalahatan.

Pagtuturo

Pangkaraniwan, pagtuturo ang pangunahin at sentral sa tatlong gampaning nabanggit. Bahagi ng pagtuturo ang pagbuo ng syllabus kung saan ang course outcomes ay inaasahang nakadugtong sa pangkalahatang program outcomes at alinsunod sa mission-vision ng kolehiyo at pamantasan. Sa parametrong ito, mahalaga ang pagbuo ng balangkas ng kurso at ang mga katambal na aralin, babasahin, estratehiya, at assessment.  Ikinokonsidera rito ang maraming salik kagaya ng rekurso, kaguruan, mag-aaral, kultura, at pamayanan.

Ayon sa mga dalubhasa sa edukasyon, kritikal ang assessment (o pagtatasa) upang (1) mai-angkop ang aralin sa aktwal na pangangailangan ng mag-aaral (assessment for learning), (2) makatuwang ang mismong mga mag-aaral sa assessment ng kanilang sariling akda (assessment as learning), at (3) malaman kung may natutunan ba sila sa klase (assessment of learning). Upang magtambal ay dapat sinasapul ng assessment ang program at course outcomes. Sa likod ng bawat assessment sa kurso at klase ay malalimang pagpaplano, paghahanda, at introspeksyon sa bahagi ng dalubguro at kapwa dalubguro. Dagdag pa rito ang pangangailangang maging maingat at obhektibo ang pagwawasto, paggagrado, at pagtatala.

Inaasahang may pana-panahong pagbabago sa curriculum at mismong syllabus na dapat sumalamin at tumutugon sa nagbabagong kondisyon ng larangan at lipunan sa porma ng curricular review at content update. Sa kontekstong ito ay mahalaga ang konsultasyon sa kaguruan, mag-aaral, alumni, komunidad, industriya, employer, kalarangan at iba pang sektor sa mas malawak na ekolohiyang pangkaunlaran. Dito mahalaga ang environmental scanning para ganap na maunawaan ang mga hamon at oportunidad sa larangan at institusyon.  Sa katunayan, ang mga kwalitatibo at kwantitatibong datos na mahahalaw mula sa sektoral na konsultasyon ay maaaring magbunga ng mga bagong kurso at asignatura

Dahil malaganap na ang quality assurance sa panahon ngayon, mahalaga ang gampanin ng mga dalubguro na gawing consistent at coherent ang mga programa at proyekto katambal ang masinsing dokumentasyon bilang bahagi ng monitoring at pagtitipon ng kinakailangang evidence o means of verification (MoV).

May kritikal na papel din ang dalubguro sa pagsubaybay at pagmementor ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular feedback, pagtugon sa mga pang-akademikong alalahanin, at paglinang sa kasanayan at kakayahan. Samakatuwid, hindi lamang dapat sa enrollment advising nagsisimula at natatapos ang pagpapayo.  Sa kontekstong ito ay dapat bukas lagi ang linya ng komunikasyon sa parehong panig.  Kaugnay nito, nagsisilbi rin ang mga dalubguro bilang tagapayo ng mga academic at socio-civic student organization. Kaakibat ng pag-alalay sa mga mag-aaral ay ang paggabay at pagiging mentor din sa mga bagong dalubguro.


May kritikal na responsibilidad din ang dalubguro sa pagpapanatiling mahigpit ang ugnayan ng programa sa kanilang alumni.  May mahalagang ambag ang mga alumni sa career planning ng mga kasalukuyang mag-aaral at, sa kontekstong ito, itinuturing ang mga dalubguro bilang tulay sa ugnayan nila.  Sa mga dalubguro rin humihingi ng rekomendasyon ang mga mag-aaral at alumni kapag sila ay may aplikasyon sa pag-aaral ng medisina, abogasya, masterado o doktorado at kabilang dito ang kanilang aplikasyon para sa empleyo at scholarship.

Sa paglulunsad ng academic week o organization fair ay inaasahang mahigpit ang koordinasyon sa pagitan ng dalubguro at mga mag-aaral upang magabayan ng wasto at husto ang latag at larga ng mga gawain.  Bukod sa loob ng klase, natatanging pagkakataon ito upang mahasa ang mga mag-aaral sa epektibong pag-oorganisa at pagpapatakbo ng programa at proyekto.

Mahalaga rin ang papel ng dalubguro sa paglinang sa kultura ng pananaliksik at pagpapalaganap ng onto-epistemolohiya at metodong kritikal, transpormatibo at mapagpalaya sa pamamagitan ng pagiging tagapayo sa thesis. Bukod dito, tumatayo ring chair o panel member ng mga thesis proposal at final thesis defense ang mga dalubguro kung saan nagbibigay sila ng mungkahi para sa higit na ikahuhusay ng balangkas, teoretikal na salalayan, metodo, etikal na konsiderasyon, at istilo ng pagsusulat.

Kaugnay nito ay ang pagbalangkas at pagprograma ng practicum o on-the-job training (OJT) ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng masusing paghahanda sa mga mag-aaral at mahigpit na ugnayan ng dalubguro sa mga partner institution at local community alinsunod sa program outcomes ng kurso.

- Advertisement -

Bukod sa pagtuturo sa kolehiyo, may mga dalubguro ring nagtuturo sa masterado at doktorado.  Mahalaga ito sa higit na pagpapalalim ng diskurso, paglikha ng mga bagong kaalaman, at pagpapatalas ng praktika. Inaasahang ang mga pananaliksik sa gradwadong at postgradwadong antas ay higit na makapagpapalawig at makapagpapaunlad ng disiplina sa porma ng mga trailblazing research agenda.  Sa pamamagitan nito ay nagagampanan ng dalubguro ang pagiging ‘mentor of mentors’ dahil marami sa kanyang mga mag-aaral sa antas gradwado at post-gradwado ay nasa larangan din mismo ng pagtuturo.

Pananaliksik at publikasyon
Ang pananaliksik at publikasyon ay napakahalaga sa edukasyon at kaunlaran.  Pinagyayaman at ginagawa nitong mas makabuluhan ang pagtuturo at nilalaman ng bawat leksyon.  Nagbibigay rin ito ng wastong pagpopook o pagkokonteksto ng aralin.  Ang mga pananaliksik na ito ay maaaring indibidwal o sa porma ng kolaborasyon sa loob ng isang larangan (disciplinary) o pagitan ng mga larangan (cross-disciplinary).  Ang pananaliksik at publikasyon ay maituturing na mahalagang ambag ng dalubguro sa balon ng karunungan sa kanyang larangan.  Sa katunayan, malaking porsyento ang katumbas nito sa pagpupuntos para sa recruitment, tenureship, award at promotion ng dalubguro bilang kawani ng pamantasan.

Nag-oorganisa at dumadalo rin ang mga dalubguro sa mga pambansa at pangdaigdigang komperensiya upang makapagbahagi ng kanilang mga pananaliksik at, gayundin, matuto sa mga pananaliksik ng kapwa iskolar.  Iba’t iba ang maaaring maging papel ng dalubguro sa komperensiya kagaya ng pagiging organizer, keynote speaker, plenary speaker, paper presenter, parallel session moderator, scientific committee member, secretariat o attendee.

Bukod sa pananaliksik at publikasyon, tumatayo o naiimbitahan din ang mga dalubguro bilang editor ng mga pang-akademikong dyornal at peer reviewer ng mga artikulong isinusumite rito batay sa kanilang larangan at espesyalisasyon.

Pampublikong serbisyo

Ang pampublikong serbisyo (o tinatawag din minsang extension work) ay isa pa sa mahalagang gampanin ng dalubguro.  Kabilang dito ang mga committee work na ginagampanan niya sa antas ng programa, departamento, kolehiyo at pamantasan kagaya ng library committee, research committee, practicum committee, national and local issues committee at iba pa.  Kung minsan ay nagiging bahagi rin ang dalubguro sa consortium ng mga pamantasan sa kanilang distrito o rehiyon na napakahalaga sa pagbuo at pagpapalakas ng kolaborasyon.

Naiimbitahan din ang mga dalubguro na magbigay ng lektura ukol sa mga paksang nakapaloob sa kanyang espesyalisasyon at adbokasiya. Inaasahan na ibabahagi niya ito sa paraan at lenggwahe na madaling mauunawaan ng kanyang mas malawak na tagapakinig at tagasubaybay. Maaaring may kinalaman ito sa theoretical underpinning, methodological innovation, practical application, content update o policy debate sa kanyang larangan o tuon sa pananaliksik.  Sa kontekstong ito, ang dalubguro ay nagsisilbing parehong knowledge producer bilang mananaliksik at knowledge broker rin sa pamamagitan ng pagpapatagos ng kaalaman sa mas malawak na lipunan.

Hinihingian din sila ng midya ng pahayag at opinyon ukol sa mga napapanahong usapin sa politika, ekonomiya at akademya bilang resource person. Ang iba ay mayroon ding regular na kolum at programa na nagsisilbing plataporma upang higit silang makapagbahagi at makapagpalaganap ng kanilang kaalaman at adbokasiya.  Nagsusulat din sila ng mga policy paper upang magbahagi ng pagsusuri at tindig ukol sa mga maiinit na development at policy debate.

- Advertisement -

Kaugnay nito ay maraming dalubguro rin ang nagsusulat ng batayang aklat sa kanilang larangan na kadalasang mayroong katambal na teacher’s manual.  Nagiging consultant (o kasangguni) rin sila sa pagbuo ng development plan, public policy, educational curriculum, curriculum guide, at instructional materials.  Bukod dito ang pagiging questionnaire at tool validator ng mga pananaliksik. Naiimbitahan din sila bilang hurado sa mga writing, speech, debating, art, at science competition.

Aktibo rin ang mga dalubguro sa pagiging kasapi ng mga propesyonal na organisasyon sa larangan  upang mas malinang ang kanilang kasanayan at makapag-ambag sa propesyon at lipunan. Kaugnay nito ang pagbuo nila ng mga community of practice (CoP) sa loob at labas ng bansa kung saan sentral ang purpose, people at practice bilang co-constitutive elements.

May mga dalubguro ring aktibo sa pagiging miyembro o opisyal ng mga kilusang panlipunan at kilusang unyonismo para sa dakilang layunin na magsulong ng panlipunang pagbabago. Nakikipamuhay sila sa batayang sektor at nakikiisa sa kanilang pakikibaka.  Epektibong paraan ito upang palakasin nila ang kanilang malawak na hanay laban sa istruktural na pang-aabuso at para maitambol ang kolektibong panawagan sa kinauukulan ukol sa kanilang mga lehitimong hinaing.

Professional development
Bilang bahagi ng professional development, patuloy na nagpupunyagi ang mga dalubguro sa pag-aaral sa antas gradwado at post-gradwado at sa pagdalo ng mga workshop, symposium at webinar.
Sa pamamagitan ng mga ito ay mas lumalawak at lumalalim ang kanilang kaalaman na pinakikinabangan naman ng kanilang mag-aaral, institusyong kinabibilangan, at ng mas malawak na lipunan.

Pagbubuo(d)
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mas mahaba pang gampanin ng mga dalubguro.  Hindi pa kasama rito kapag naatasan sila maging administrador o kaya ay ang pansamantalang maitalaga sa ibang ahensiya (secondment).  Pinapatunayan nito kung gaano kahalaga at kabigat ang pagiging dalubguro taliwas sa karaniwang pagsasalarawan lamang sa kanila sa loob ng apat na sulok ng silid aralan.

Mahalaga na manatili sa mga dalubguro ang intellectual humility at intellectual honesty dahil sa kabila ng lahat ay marami pa rin silang dapat matutunang kaalaman at kasanayan.  Dapat mabigyan din sila ng sapat na institutional support para patuloy na magampanan ang salimbayang responsibilidad sa bawat mag-aaral at sa mas malawak na sambayanan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -