PASISIMULAN na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong Disyembre ang konstruksyon ng P150-milyong San Mateo Water Supply project sa Norzagaray, Bulacan.
Nakapaloob dito ang pagtatayo ng water supply treatment facility sa loob ng compound ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Barangay San Mateo at ang pipe laying sa mga Barangay ng San Mateo at Bigte.
Inilahad ni DPWH Bulacan 2nd District Engineer George Santos na hinati ang proyekto sa tatlong bahagi.
Una ang ang paglalagay ng 75 HP booster pump , transmission pipe at steel-bolted tank sa mga lugar ng Bigte, Upper Bigte, at Sitio Upper COC.
Maglalagay din ng 75 HP booster pump para sa mga lugar ng San Mateo Proper, Sitio Upper Bigte at Sitio Compra habang 40 HP booster pump at steel-bolted tank naman sa San Mateo Proper Elementary School, San Mateo Proper, Ipo Road, St. Mathew Village at Ipo View Deck.
Para kay Mayor Merlyn Germar, magkakaroon ng malaking epekto ang naturang proyekto sa mga komunidad ng Barangay Bigte at San Mateo kung saan humigit kumulang walong libong indibidwal ang mabebenipisyuhan.
“Ang proyekto ay magpapahusay ng kalusugan at kalinisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maaasahan at ligtas na tubig at maiiwasan ang panganib ng mga sakit na dala ng tubig,” ani Germar.
Inaasahan matatapos ang naturang proyekto sa loob ng 18 buwan. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)