27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Kampanya laban sa anthrax sa Cagayan, pinaiigting ng DOH, DA

- Advertisement -
- Advertisement -

PUSPUSAN ngayon ang ginagawang pagbabakuna ng Department of Agriculture sa mga kalabaw, baka, kambing at tupa sa lalawigan ng Cagayan matapos maitala ang isang positibong kaso ng anthrax sa bayan ng Sto Niño.

Ayon kay Dr. Manuel Galang, beterinaryo ng DA region 2, ang pagbabakuna sa mga large ruminants o mga malalaking uri ng alagang hayop ang pinakamabisang paraan para hindi na kumalat ang bacteria na sanhi ng anthrax at mapigilan ang pagkahawa ng mga tao.

“Ang kailangan talaga natin ay mabakunahan ang lahat ng ating mga alagang hayop na susceptible sa anthrax para hindi na ito kumalat pa,” pahayag ni Galang.

Ayon sa Department of Health, may labing tatlong kaso na ng anthrax ang naitala noong taong 2022 sa Rehiyon Dos, labing isa noong 2023 at ngayong taon ay mayroon nang dalawamput apat na kaso kaya naman pinaigting ng DOH at DA ang kampanya laban sa nasabing sakit.

Nitong lamang buwan ng Setyembre hanggang Oktubre ay may apat na mga kalabaw ang namatay na nagpositibo sa anthrax. May 24 na katao ang suspected na nahawa matapos makitaan ng mga sintomas ng sakit tulad ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae at iba pa.

Gayonman, ayon kay Dr. Janet Ibay, medical officer at infection disease cluster head ng DOH Region 2, bagamat may mga naitalang kaso ng nahawaan ng anthrax sa lalawigan ay wala namang namatay dahil dito. Nakarecover na rin umano ang mga naiulat na nahawa ng sakit.

Paliwanag ng doktor, nakukuha ang anthrax ng mga hayop kung nakakain ang mga ito sa mga kontaminadong mga lugar na may anthrax. Maari rin itong maihawa sa tao kung kumain ng karne na may anthrax. Lubha ring nakamamatay ang anthrax lalo na kung ito ay nalanghap.

“Kung may duda sa nahawakan o nakakain ng karne na maaring kontaminado ng anthrax ay dapat magpakonsulta agad sa duktor,” ayon kay Ibay.

Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng DA at DOH sa mga mamamayan lalo na sa mga may alagang hayop tulad ng baka, kalabaw, kambing at tupa na pabakunahan ang mga ito laban sa anthrax upang maiwasan ang pagdami ng kaso sa lalawigan at upang mapigilan ang posibleng pagkalat nito sa mga tao.

Payo pa ng mga duktor, mainam na bumili lamang ng karne sa mga dumaan sa slaughter house at iwasan muna ang mga nakatay lamang sa mga bahay-bahay. (OTB/PIA Region 2)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -