25 C
Manila
Sabado, Nobyembre 30, 2024

PCUP, handa na para sa Urban Poor Solidarity Week ngayong Disyembre

- Advertisement -
- Advertisement -

SINIMULAN na ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang paghahanda para sa pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) 2024.

Ang UPSW ay taunang selebrasyon tuwing Disyembre 2-8 na siyang pinangungunahan ng PCUP sa ilalim ng Presidential Proclamation 367.

Inaasahan ang partisipasyon ng mahigit 800 Urban Poor Organizations at mga partner agencies sa culminating activity nito sa Disyembre 6. Tampok dito ang pagpapakita ng mga natapos na proyekto at serbisyong naisakatuparan ng Komisyon ngayong taon.

Bibigyang-pugay rin ang mga natatanging lingkod-maralita sa okasyon na ito kung saan pararangalan ang Best Accredited Urban Poor Organization, Civil Society Organization, Best Local Government Unit, at Champions of the Urban Poor. Ang mga parangal na ito ay pagkilala sa kanilang dedikasyon at kontribusyon sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga maralitang tagalungsod.

Sa ilalim ng pamumuno ng Chairperson at Chief Executive Officer ng PCUP na si Meynardo A. Sabili, patuloy na isusulong ang mga makabagong programa para sa kapakanan ng urban poor communities. Kabilang dito ang:

  • Mas pinabilis na akreditasyon ng urban poor organizations;
  • Pagpapalawak ng satellite offices sa buong bansa para sa mas mabilis na serbisyo; at
  • Prayoridad sa kalusugan bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga maralitang Pilipino.

“Prayoridad natin ang mabigyan ng direktang akses ang mga urban poor ng ating bansa sa mga serbisyo ng gobyerno. Dapat lamang na sila ay makatanggap ng mabilis at maayos na serbisyo mula sa atin dahil yan ay ating trabaho,” ani Chairperson Sabili.

Bilang bahagi ng selebrasyon, magkakaroon din ng sabayang aktibidad ang iba’t ibang urban poor organizations, stakeholders, at partners mula sa national government at private sector sa kani-kanilang mga lokalidad.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “One Big Happy Family: Bagong Pilipinas, Bagong Tahanan para sa Maralitang Kababayan,” na may layuning maghatid ng karagdagang serbisyo at suporta sa maralita.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -