NANINDIGAN ngayong Biyernes, Nobyembre 29, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi niya sinusuportahan ang mga panawagan para sa impeachment kay Vice President Sara Duterte, dahil hindi ito mapapakinabangan ng mamamayang Pilipino.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kabila ng mga tirada na ibinato ni Duterte laban sa administrasyon.
“This is not important. This does not make any difference to even one single Filipino life. So, why waste time on this?” Sinabi ito ni Pangulong Marcos nang tanungin siya matapos mamahagi ng e-titles at certificates of condonation with release of mortgage (COCROMs) sa Quezon province.
“What will happen if somebody files an impeachment? It will tie down the House, it will tie down the Senate. It will just take up all our time and for what? For nothing, for nothing. None of this will help improve a single Filipino life. As far as I’m concerned, it’s a storm in a teacup,” dagdag pa niya.
Kinumpirma ni Pangulong Marcos na kanya ang isang text message na kumalat online noong Huwebes.
Ang mensahe ay nagpahayag ng kanyang pagtutol sa mga panawagan ng impeachment laban sa Bise Presidente na ipinadala niya sa kanyang mga kapanalig sa Kongreso at hinikayat silang na huwag nang mag-file ng impeachment complaint laban kay Duterte.
“It was actually a private communication, but it got leaked,” sabi niya sa text message.
Tinanong kung nakarating na ba siya sa “point of no return” sa posibilidad ng pagkakasundo nila ng Bise President at sinagot ito ni Pangulong Marcos ng “Never say never.”
Matatandaang nagbanta si Vice President Duterte na may kinausap na siya na patayin sina Pangulong Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag pinapatay siya.
“Pag namatay ako, mamamatay rin sila,” banta ng bise presidente.
Halaw sa ulat ng Presidential News Desk at The Manila Times