26.4 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 28, 2024

Pagbabago ng presyo ng US Dolyar

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Nobyembre 25, 2024 naibalita sa mga pahayagan na ang palitan ng salapi ay umabot na sa P58.98 sa bawat US dolyar. Ang palitan ng salapi ay ang presyo ng dayuhang salapi na sinusukat sa local na salapi.

Ang kasalukuyang halaga ng US dolyar ay halos katumbas ng halaga ng US dolyar noong kalagitnaan ng taong kasalukuyan. Sa loob ng dalawang buwan naglaro ang halaga nito mula PHP 58.68 noong Hunyo 6, 2024 hanggang P 58.56 na naitala noong Hulyo 30, 2024. Masasabi nating matatag ang palitan ng salapi nang panahong nabanggit.  Subalit matapos ang buwan ng Hulyo nagsimula nang bumaba ang halaga ng US dolyar o lumakas ang halaga ng PH piso at umabot na lamang ito sa P 55.64 sa bawat US dolyar. Subalit nang pumasok ang buwan ng Oktubre hanggang sa kasalukuyang buwan ay unti unti nang tumaas ang halaga ng US dolyar.

Upang maipaliwanag ang pagbabago ng palitan ng salapi, suriin natin ang dalawang pangunahing pamamaraaan sa pagtatakda ng palitan ng salapi. Kadalasan ang halaga ng palitan ng salapi sa pagitan ng mga bansa ay itinatakda ng demand sa US dolyar at suplay sa US dolyar sa bansang sinusuri tulad halimbawa ng Pilipinas. Ang demand sa US dolyar ng Pilipinas ay nakabatay sa ating inaangkat na binabayaran sa US dolyar. Samantala, ang ating suplay ng US dolyar ay nagmumula sa ating eksport at padalang salapi ng mga OFW. Sa pamamaraan ng sukatang ito nagpapahiwatig na ang pagtaas ng presyo ng US dolyar ay bunga ng pagtaas ng demand ng Pilipinas sa imports o pagbaba ng suplay ng ating eksport o kombinasyon nito. Ayon sa ulat ng Philippine Statistical Authority (PSA) kahit na tumataas ang ating imports tumataas din naman ang ating eksports ngunit hindi kasing bilis ng pagtaas ng imports. Ang suplay ng US dolyar sa ating bansa ay nadaragdagan pa sa pagtaas ng padalang salapi ng ating mga kababayan. Batay sa pagsusuring ito, hindi dapat magbago ang presyo ng US dolyar sa ating bansa. Samakatuwid, hindi ang kahinaan ng ating eksport at kalakasan ng ating import ang nagpapaliwanag kung bakit tumataas ang presyo ng US dolyar sa kasalukuyan.

Ang ikalawang paliwanag sa pagbabago ng palitan ng salapi ay bunga ng pagdaloy ng pondo sa pagitan ng mga bansa. Ang pagdaloy ng pondo sa pagitan ng mga bansa ay bunga ng mga pagbabago ng mga balik sa iba’t ibang uri ng instrumentong pananalapi. Halimbawa, kapag tumaas ang interest rate sa Estados Unidos bunga ng pagbaba ng presyo ng mga bonds, maglalabasan ang US dolyar sa Pilipinas upang gamitin sa pagbili ng bonds sa Estados Unidos. Ang resulta nito ay depresasyon ng PH piso at apresasyon ng US dolyar.

Hindi lamang bunga ng pagbabago ng balik ang nagpapadaloy ng pondo sa pagitan ng mga bansa. Ang panganib sa paghawak ng mga instrumentong pananalapi ay mag-uudyok din sa paglilipat ng mga pondo sa mga ligtas na lugar. Halimbawa, ang digmaan at krisis  sa Gitnang Silangan sa pagitan ng Israel at Iran ay nagdudulot ng panganib sa paghawak ng mga instrumentong pananalapi. Sa tingin ng mga investor, mas ligtas ang kanilang instrumentong pananalapi kung ilalagak nila ito sa Estados Unidos kaysa sa Pilipinas dahil ang US ay isang malaking ekonomiya, malakas na bansa at may metatag na bilihan ng mga pondo na di kayang patulan ng Iran. Ngunit ang Pilipinas ay maaaring maapektuhan ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dahil dito, inilalabas ng mga investor ang kanilang pondo mula sa Pilipinas at iba pang papaunlad na bansa at inililipat nila ito sa Estados Unidos. Dahil sa paglipat ng pondo, lumalakas ang halaga ng US dolyar o ito ay nakararanas ang apresasyon samantalang nagkakaroon ng depresasyon ang PH piso at mga salapi ng mga papaunlad na bansa.


Ang masama o mabuti balita tungkol sa isang ekonomiya ay makapagdudulot din ng paglilipat ng pondo sa pagitan ng mga bansa. Halimbawa, maraming negosyanteng naniniwala sa mabilis na paglago ng ekonomiya ang Estados Unidos sa pagkahalal ni  Donald Trump. Dahil dito, marami sa kanila ang mamimili ng stocks sa Estados Unidos sa pananiwalang magbibigay ito ng magagandang balik sa paglago ng ekonomiya. Dahil dito, tataas ang pagdaloy ng pondo sa Estados Unidos at magkakaroon ng apresasyon ang US dolyar.

Gamitin natin ang pamamaraang ito upang bigyan ng paliwanag ang pagbabago sa palitan ng salapi nitong taon. Pagkatapos ng buwang ng Hulyo, bumaba an presyo ng US dolyar marahil bunga ng pagbababa ng interest rate na isinagawa ng US Federal Reserve. Dumami ang suplay ng pondo ng US dolyar sa Pilipinas kayat tumaas ang halaga ng PH piso. Mula Oktubre hanggang sa kasalukuyan, ang US dolyar ay tumataas bunga ng panganib na sa harap sa lumalalalng alitan ng Estados Unidos at Iran at ang tumitinding digmaan sa pagitan ng Ukraine at Rusya. Sa ganitong kapaligiran, ang mga humahawak ng pondo ay naghahanap ng mga ligtas na lugar sa panganib ng digmaan. Dahil dito tumataas ang daloy na US dolyar sa Estados Unidos kayat tumaas ang presyo ng US dolyar ang PH piso ay nakaranas ng depresasyon.

Sa ating pagsusuri nakita natin na ang pagdaloy ng pondong pananalapi ay mas mabisang paliwanag sa pagbabago ng palitan ng salapi kaysa sa demand at suplay ng US dolyar dahil nakukuha nito sa bawat araw ang mga pagbabago sa balik ng mga instrumentong pananalapi, magandang at masamang balita at iba pang oportunidad at panganib.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -