DIS-ORAS ng gabi nang biglang magpa-online press conference si Vice President Sara Duterte kung saan binatikos niya sina Pangulong Bongbong Marcos, Unang Ginang Lisa Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez at ilang mambabatas.
Reaksyon ang naturang press conference, na naka-post ang video sa isang kilalang pahayagan, sa utos ng House committee on good government na ilipat ang chief-of-staff ni Duterte mula sa detention room nito sa House of Representatives patungo sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
Inihayag ni Duterte ang hindi niya pagtanggap sa legitimacy ng kautusan ng komite dahil umano walang trabaho kapag Biyernes ang House of Representatives.
“Order by unanimous vote, parang paano kayo nagmeeting? Wala nga kayong trabaho pag Friday. Civil service should think about, yung iba apat na araw lang pumapasok yung iba government employees Monday to Friday…tumatawid ng sapa, tapos meron tayong House of Representatives Monday to Thursday lang ang trabaho. They should rethink that. Anyway, wala sila, so hinahanap ko where is this special committee meeting that happened? How is that a legal order,?” ani Duterte.
Wala na aniyang rule kundi ang patakaran na naaayon lamang kay Speaker Romualdez.
“Second order nila, I violate security regulations when i visited. Pinapa-clear ko oras ko, anong security violation ang viniolate ko dito sa loob? She can visit subject to the guidelines of the detention center, so anong ginawa kong mali? Binibigyang pasensya ko pa yan si Taas (House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas) kanina e, ngayon hindi na, nagsinungaling pa sya.sabi nya I refused to leave last night. Di ko nga alam.” Mariing dugtong pa ng Bise, “Where is the rule, you make rules as you go along? Whatever pleases the speaker?”
Simula ng atake
Ayon kay Duterte, nagsimula ang pag-atake sa kaniya matapos niyang magbitiw sa kaniyang tungkulin bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ngunit nagsimula umano ang pambabastos “nila” matapos ang pulong ng Makabayan bloc at ni Romualdez noong nakaraang taon.
“They started destroying my name, me in the media with a multimillion PR campaign. Binastos nila ako ng nga pagsisinungaling nila na kesyo taksil, corrupt, abusado,” saad ni Duterte sabay nagbitiw ng malutong na mura. “Sino ang corrupt? Yung mga congressman na yan na naghehearing ano sinasabi nila pagkatapos pag naka off na mic, ano sinasabi nila? Pasensya na kayo ha, kailangan namin ng pera, mag-eeleksyon na kasi. Pakisabi kay Sara na di ko naman gusto itong ginagawa ko eh.” Sabay pakawala ng isa pang malutong na mura. “Hindi mo pala gusto ginagawa mo eh bakit mo sinisira pangalan ko, Joel Chua?”
Pangakong bigas na tig-bente
Katunayan, ayon kay Duterte, na sinungaling si Pangulong Marcos ang katotohanan na imposibleng pababain ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
“Tinanong ko dalawang businessman, matagal na sa negosyo ng bigas because I was concerned, this is a campaign promise — P20 — na kilo ng bigas. And so I really sat down, and talked to these businessmen, sabihin mo sa akin kung magagawa ba yang P20? Sabi nya, “hindi.” Napakaimposible nyan dahil more than P20 ang cost. Paano ka magbenta ng palugi? So tinanong ko, Nagsinungaling ba sya ng sinabi nya, and he said outright, yes. It’s either he did not know what he’s talking about, so incompetent or lying through his teeth to get the votes of people,” saad ni Duterte sabay pakawala muli ng isang malutong na mura para kina Romualdez, Lisa at Bongbong Marcos.
White envelope
Ayon sa pahayag ni Duterte si Lisa Marcos ang “namimigay ng pera ng gobyerno.”
“Ginigitgit ninyo yung mga tao ko dyan sa envelop na yan. Lisa Marcos, naalala mo nagpadala ka sa akin ng video sinabihan mo ako saan kukunin ang pera. Ipinakita mo ang mukha ng tao doon sa video message mo, ‘Hi VP. This is (inaudible) she’s been working with us for the longest time. We trust her.’ You sent me written instructions about money, millions a month. Anong nakalagay dun sa envelop? DepEd. Anong ginawa ko? Binigay ko sa DepEd!” matigas na salita ni Duterte kasunod nito ang pagbibitiw muli ng isang malutong na mura.
“Wala ka ngang posisyon sa gobyerno namimgay ka ng pera ng gobyerno eh tapos sisirain mo ang pangalan ng mga kasama ko sa Office of the Vice President, sasabihin nyo sa mga tao nakaw yan, confidential funds yan, ni wala nga kayong isang proof na confidential funds iyan. Naniwala lang kayo sa isang babae na ang pangalan ay Gloria Mercado na nagsabing confidential funds yan. Hindi nyo nga inilabas na wala pang confidential funds meron ng white envelope…” ani Duterte. Dagdag pa niya, 2022 pa lamang ay “may utos na ng pera sa DepEd.”
Si dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado ang tinutukoy na ito ni Duterte na isa sa mga umaming nakatanggap ng white envelope na naglalaman ng pera, na sa pagdinig sa Kongreso, sa pagtatanong ni Congresswoman Luistro kung ito ba ay bribe, sinabi nitong “it could be.”
Ayon kay Mercado, na siyang tumatayong state witness laban sa iregularidad sa DepEd, sinabi niyang idinonate niya ang laman ng mga sobreng kaniyang natanggap sa isang non-government organization (NGO). Naglalaman ang sobre, na kaniya lamang umanong, binuksan nang ido-donate na niya ang mga ito, ng P50,000 kada isa o kabuuang P450,000 sa loob ng siyam na buwan.
Isa pa sa umaming nakatanggap ng sobre sina DepEd Director Atty. Resty Osias at DepEd Accountant Rhuna Catalan. Ayon kay Catalan, naglalaman ng P25,000 ang bawat sobre na natatanggap niya buwan buwan sa loob ng siyam na buwan. Allowance, aniya, ito galing kay VP Sara.
Sabi naman ni Atty. Osias, nabigyan din sya ng sobre na nagmula noong Abril 2023 sa apat na beses na pagpapatawag sa kaniya ni DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda. Nagkakahalaga umano ang laman ng sobre ng humigit-kumulang P12,000 hanggang P15,000.
Aniya, inakala niya nang una na ganoon talaga ang kalakaran sa DepEd kung saan isa siyang bagong empleyado na nagmula sa ibang ahensya ng gobyerno. “Initially, I thought it is how it is in DepEd because I did not come from DepEd,” aniya.
Ayon kay Congressman Rolando Valeriano, 2nd District ng Lungsod ng Maynila, na nagtatanong kay Osias, tila tumutugma na nahinto ang pamimigay ng sobre noong huling quarter ng 2023 nang hindi na ginamit ng DepEd ang confidential funds para sa last quarter ng 2023 nang panahon na pumuputok na ang isyu.
“Mukhang sumakto ah, sa panahon na hindi na ginamit ng DepEd ang confidential funds nang pumuputok na ang issue ng confidential funds,” ani Valeriano.
Mga pahayag laban kay Romualdez
Maraming pahayag si VP Sara laban kay Romualdez na inilabas niya sa presscon na ito nitong Nobyembre 23.
Sabi ni Duterte, namimigay si Romualdez ng pera ng bayan na akala mo sarili niya itong pera.
“Presidente ka, may speaker ka, na involve sa bribery ng supreme court justices, may video, may kaso, may witnesses, hindi mo tinanggal ang speaker mo, pinabayaan mo syang abusuhin ang pera ng bayan, paikot ikot sa buong bansa, namimigay ng pera na para bang kanya yung pera. Eh di ba nga sinasabi nyo separation of powers? Anong trabaho ng legislative branch, gumawa ng batas, anong ginagawa ni Martin Romualdez? Nagdi-direct ng DSWD, namimigay ng ayuda, nagsasabi kung anong ibibigay, anong ibibigay, ano gagawin,” mariing pahayag ni Duterte.
Binanggit din ni Duterte ang pagkakataon na isang bilyong piso na lamang ang natira sa budget para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan mula sa budget ngayong taon na P19 bilyon.
“Paano nyo jinuggle ang pera ng Department of Education, Martin Romualdez? In-attach nyo ang projects na di man lang dumaan sa paaralan, sa SDS, sa region, even sa central office. Basta na lang listahan ng mga congressman, 19 billion. Tapos nang 1 billion na lang naiwan sa DepEd, kinuha nyo ang 5 billion sa repairs, nilipat nyo para magmukhang lumaki ang pera,” sabi ni Duterte.
Sa ulat ng philstar.com, inilahad nito ang sinabi ni VP Duterte na minanipula ni Romualdez ang 2024 budget ng DepEd, gaya noong 2023, kung saan ang P19 bilyong alokasyon para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan ay naging P24 bilyon kung saan ang karagdagang P5 bilyon ay para sana sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan.
Isang bilyon na lamang umano ang itinirang budget para sa pagkukumpuni ng mga sirang silid-aralan.
“…dahil di kami sumusunod sa inyo, dahil ayaw na namin tumulong sa inyo? Ganito gagawin ninyo?,” galit na sabi ni Duterte.
Bukod sa umano’y pagmamanipula sa budget ng DepEd, sinabi rin umano ni Romualdez noong panahon ng kampanya na babawiin nito ang mga nagastos niya kapag nanalo sina BBM at Sara.
“Ano sabi ko sayo? Pasensya ka na wala ka na pera. Ano sabi mo sa akin, ano sabi mo sa akin? Okay lang pag nanalo kayo babawiin ko lahat yan. Hindi ko naman alam. Akala ko naman babawiin mo sa negosyo mo, legitimate businessman ka naman eh. Mina, legitimate na pagsira sa kalikasan negosyo mo, media negosyo mo, ano pa bang negosyo ni Martin Romualdes? Isulat nyo yan lahat. Akala ko magnenegosyo ka lang, kasi businessman ka naman. Hindi ko naman alam ibubulsa mo, kakamkamin mo ang legal na pera at ilegal na pera. Tanggap ka sa ilegal, tanggap ka sa POGO, pinaalis nyo lahat ng kumpetsiyon na iniwan ang POGO mo, tanggap ka ng POGO. May nagsasabi pa tumatanggap ka sa smuggling, sa droga, tapos kuha ka dito sa national treasury. Akin ito, akin ito, babawiin ko lahat,’” pahayag ni Duterte.
Dugtong pa ng Bise-Presidente, maalis man siya sa presidential race, hindi pa rin mananalo si Romualdez sa pagkapangulo.
“There is nothing in you except money, yan lang, Martin. Harapin mo ‘yang katotohanan,” sabay mura ni Duterte. “Walang boboto sayo. Senador man, vice president man, president man, walang boboto sa iyo. Hindi ko nga alam kung mananalo ka pa sa Tacloban eh. Malamang hindi na. Sino gusto sa lahat sa buong Pilipinas ang ibalik ka sa Kongreso. Eh di lahat ng tao pupunta ng Tacloban mangangampanya yan sa kalaban mo kasi magnanakaw ka. HIndi ka dumadaan sa audit. Milyon milyon, buwan buwan certification lang ng congressman, one million, two million, pirma lang,” sabi ng Bise-Presidente.
Paliwanag ni Duterte, “Alam nyo bakit alam ko? Kasi may EME ako, may EME ako sa Deped, may EME ako sa OVP. Pero sa amin , sa akin, nire-require ako ng resibo ng COA (Commission on Audit). Alam ko certification lang kailangan, pero nagko-comply ako, bigay nyo lahat ng resibo, pero ikaw pirma mo lang, baka nga di mo pirma yan baka pirma ng staff mo yan eh. milyon-milyon diyan sa committee on accounts lumalabas ang pera, pirma nyo lang, walang nag-a-audit sa inyo, sino ang nag-a-audit ng confidential funds ng Office of the President? Wala.”
Extraordinary and Miscellaneous Expenses ng mga opisyal ng gobyerno ang tinutukoy na EME ni Duterte.
Ginagamit ang EME para sa mga gastusing hindi nakalatag sa regular na budget ng isang tanggapan gaya ng mga gastusin sa meeting, kumperensiya, public relations, subscription sa mga dyaryo o magazine, office supplies at iba pa.
Sinabi rin ni Duterte na isang “kriminal” si Romualdez. “Yan ang pilipinas. Yan ang bagong Pilipinas. Kriminal ang speaker. Bakit ko nasabing kriminal sya? Basahin nyo ang kaso nya sa United States of America.”
Standoff sa Batasan
May “standoff” na nagaganap, ayon kay Duterte.
“May standoof kami, sir. Nandyan sila sa labas, andito kami sa loob. Ang game plan namin may lawyer kami sa labas then may lawyer sa loob. We expect they would break down the door anytime,” sagot ni Duterte sa isang tanong ng mamamahayag sa presscon.
Nagsimula ito dahil sa pagtanggi ni Lopez na dalhin sa correctional facility sa Mandaluyong.
“Bakit kayo maglilipat ng tao sa loob ng correctional? Convict ba ito, accused ba sya of any case? Ano ba correctional facility di ba sa mga akusado yun? Sa mga convicted? Di ba dpat kay France Castro yun? That is something to think about sa mga mambabatas. Yung pwede kang maging congresswoman, pwede ka maglakad dyan pending your appeal, which by the way pag inoverturn yan, regalo yan ni Martin Romualdez kay France Castro,” sabi pa ni Duterte.