26.1 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Pagpupugay sa modelong guro, tapapayo at mentor

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA sa edukasyon ng bawat kabataan ang pagkakaroon ng mga modelo.  Maraming maaaring tumayong modelo at isa sa kanila ay ang ating mga butihing guro.  Mapalad kaming mga naging mag-aaral ni Sir Justo R. Cabuhat, Jr. dahil nagkaroon kami ng mabuting ehemplo sa kanyang katauhan. Totoo ito lalo na para sa iba sa amin na napunta sa larangan ng pagtuturo, komunikasyon, at midya. Ang munting artikulong ito ay isang parangal at pagpupugay para sa aming guro na may malaking impluwensiya sa aming tinahak na disiplina at propesyon.

Bilang modelong guro
Walang nakababagot na tagpo sa loob ng klase ni Sir Cabuhat o mas kilala bilang Sir Jazz.  Mabilis na lumilipas ang oras dahil kawili-wili ang paraan ng kanyang pagtuturo. Palabiro rin siya sa klase kaya mas masaya ang bawat tagpo.

Gumagamit siya ng sining biswal sa kanyang pedagohiya kaya mas nagiging epektibo ang pagkatuto. Tuwing Sabado ay may ipinapapanood siya sa aming isang programang pantelebisyon na pinamagatang Tatak Pilipino tampok ang ating natatanging heograpiya, kultura, at pagkakakilanlan. Mas nagiging napapanahon at interesante ang pagkatuto dahil sa paraang ito na kinasasabikan ng mga mag-aaral.

Sa aming klase sa Kasaysayan ng Pilipinas, dinala niya kami sa silid-aklatan at nagpakita siya ng mga makukulay na larawan ukol sa kalikasan, kalinangan, at pamanang bayan ng bansa.  Nakamamangha ang lawak at lalim ng kanyang kaalaman ukol sa mga yamang likas at yamang likha sa Pilipinas.  Epektibong storyteller si Sir Cabuhat kaya mas tumatak ang bawat aralin sa agham panlipunan.

Naalala ko rin na minsan ay nagdala siya ng kiping mula sa Pahiyas festival ng Lucban, Quezon at binigyan pa niya kami ng pagkakataon na mahawakan ito at makapag-uwi ng maliit na piraso.  Patok talaga ang show and tell bilang estratehiya ng pagtuturo na kanyang ipinakilala sa amin.

Guro rin namin si Sir Cabuhat sa Journalism kung saan siya kilalang tagapagsulong at tagapaglinang. Sa klaseng ito ay pinagtipon niya kami ng mga editorial cartoon at dito namin natutunan ang mahalagang papel ng sining sa pagsasalarawan, pagsusuri at paghamon sa mga problemang panlipunan kagaya ng katiwalian at kahirapan.

Sa elective na kursong Journalism ay hinasa niya kami sa pagsusulat, layouting, at newscasting. Nagpasa kami ng mungkahing front page layout alinsunod sa tamang pamantayan at isa-isa rin kaming sumalang sa harap upang magbalita. Sa kanyang klase rin kami unang bumuo ng thesis at dito kami panimulang nasabak sa panlipunang pananaliksik. Natutunan namin sa mga proyektong ito na kapwa mahalaga ang form at content.

Sa kanya ko rin unang natutunan ang konsepto ng proletariat (uring manggagawa) nang minsang napadaan ang sinasakyang van ng aming klase sa export processing zone sa probinsya.  Hindi ko inakala na magiging napakahalagang leksyon nito kinalaunan sa aking pag-aaral at pagtuturo sa larangan ng agham panlipunan sa pamantasan.  Hindi ko malilimutang binigyan pa niya ako ng mga libro sa kasaysayan at ugnayang panlabas noong malaman niyang magtuturo na rin ako bilang propesyon.  Malaking bagay ang kanyang suporta upang maging handa ako bilang bagitong guro sa kolehiyo.

Bilang modelong tagapayo at mentor
Sa pakikipagtulungan niya sa ilang alumni ay dinala niya ang piling mag-aaral mula sa iba’t ibang antas sa isang pamantasan sa Maynila para sa isang leadership seminar at training.  Magandang oportunidad ito para sa mga kabataan upang masanay sa organizational management and development. Tukoy niya ang kahalagahan nito bilang butihing tagapayo ng Central Student Government (CSG).

Minsan din niya kaming isinama sa isang okasyon para sa komemorasyon ng kadakilaan ng mga lokal na bayani at martir sa aming probinsiya. Dito namin nasaksihan ang isang madamdaming pagsasadula ng kalupitan at karahasan ng kolonisasyon kung saan mismong mga lokal na mamamayan mula sa iba’t ibang edad ang malikhaing nagtanghal.  Labis din ang paghanga ng panauhing pandangal sa katauhan ng pangulo ng bansa kaya siya pa mismo ang humiling na makamayan isa-isa sa entablado ang mga gumanap sa pagtatanghal.  Mapalad kaming mga isinama ni Sir Cabuhat upang mapanood ang obrang nagtatambal ang kasaysayan at sining.

Nagsilbi rin siya bilang napakahusay na tagapayo ng mga campus publication na The Crosier at Ang Bakulo kung saan niya kami hinasa bilang mga batang peryodista.  Sa radio broadcasting niya ako ipinambato mula dibisyon hanggang pambansang antas sa taunang patimpalak sa pamamahayag.  Dito ako higit nagkainteres sa larangan ng midya at komunikasyon na bitbit ko hanggang sa kasalukuyan.  Malaking tulong ang kaniyang pagtitiwala sa mga mag-aaral para magtiwala rin kami mismo sa aming sarili sa kabila ng aming mga limitasyon.

Hindi ko rin makakalimutan noong sumali kami sa isang history quiz bee at kinailangan niyang mapahayag ng paglilinaw at pagtutuwid sa mga contest organizer ukol sa isang maling impormasyon sa magalang at mahinahong paraan.  Dito namin mas napagtanto ang husay at talas ni Sir Cabuhat sa kasaysayan at lipunang Pilipino.

Naging malaki ang impluwensiya sa akin ni Sir Cabuhat kaya tinahak ko sa aking pag-aaral ang larangan ng agham panlipunan sa kolehiyo at kinalunan ay komunikasyon sa doktorado. Alinsunod ito sa mga larangang itinuturo at isinasapraktika ng aming mahal na guro.  Hindi matatawaran ang kanyang pagpapahalaga sa larangan at propesyon kaya naging inspirasyon siya sa maraming mag-aaral at kapwa guro.

Masigasig din siya sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga kapwa guro, kapwa tagapayo at iba pang mag-aaral ng peryodismo sa iba’t ibang panig ng lalawigan, rehiyon, at bansa.  Pinatunayan niya na ang edukasyon ay hindi makasarili.  Hindi niya ipinagdadamot ang kanyang karanasan at kasanayan sa paglalathala at paglilimbag na pinanday ng mahabang panahon ng journalism praxis.

Huling pagtatagpo
Nitong taon ay umugnay sa akin si Sir Cabuhat upang imbitahan akong maging commencement speaker para sa pagtatapos ng kanilang mga mag-aaral sa Junior High School.  Hiniling din niyang maitampok ako bilang alumnus sa feature page ng campus publication. Bagama’t may pag-aalinlangan sa bahagi ko at sa kabila ng aking kakulangan ay sinikap ko pa ring tumugon dahil hindi ako makatatanggi sa guro na may mataas akong respeto at may malaking utang na loob.

Sa araw mismo ng moving up ceremony ay may nag-abiso sa akin na maaaring hindi makadalo si Sir Cabuhat dahil natapat ito sa kanyang medical checkup.  Laking gulat ko na dumaan pa rin siya para makita ang kanyang mga mahal na mag-aaral at tagpuin din ako bago magsimula ang ceremonial march kahit na mas mahalagang makapagpahinga muna sana siya.

Maraming palitan pa ng mensahe sa pagitan namin ang naganap sa paglipas ng mga buwan subalit labis na ikinabigla at ikinalungkot ng lahat ang biglaan niyang paglisan kamakailan. Nangako pa ako sa kanya na reregaluhan ko siya ng UP sablay sa muli naming pagkikita. Labis na nakapanlulumo na huling personal na pagtatagpo na pala iyon.

Pagbubuo(d)

Batid ni Sir Cabuhat bilang isang mahusay na guro sa teorya at praktika ang epektibong pagsasalimbayan ng 3 H o head, heart at hand sa pagtuturo.  Makabuluhan at tumatatak ang mga ibinahagi niyang kaalaman. Ang kanyang mabuting hangarin at mapagbirong katangian ay nagkakapagpanatag at nagkakapagpagaan ng bawat klase. Pinagyayaman naman ng aplikasyon at konteksto sa pamamagitan ng kanyang mga epektibong paraan ang bawat aralin sa loob at labas ng silid. Sa anumang pamantayan, isa siyang pedagogical at cultural genius.

Malaking salik sa ikatatagumpay ng edukasyon ay ang mismong guro na nagbabalangkas ng latag at larga ng klase. Totoo ito lalo na kung nabibigyang buhay niya ang katuruan sa pamamagitan ng kanyang mapusong pakikipagkapwa, malikhaing sining, at transpormatibong praktika. Tuwina kong sinasabi ito sa kanya bilang apresasyon at pagpapahalaga at tiyak ako ganoon din ang iba.

Pinakamataas na pagpupugay at walang hanggang pasasalamat, Sir Cabuhat! Mananatiling buhay ang iyong mga alaala at aral.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring magpadala rito: [email protected]

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -