MATAGUMPAY ang naging pagdaraos ng ika-72 taon ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City noong Nobyembre 22, 2024. Dinaluhan ito di lamang ng mga manunulat kundi ng mga ambassadors at dignitaries mula sa iba’t ibang embahada sa Pilipinas. Kabilang din sa dumalo ang dalawa sa ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na sina Virgilio Almario at Gemino Abad.
Nang gabing ‘yun, pinagkalooban ng ‘Natatanging Gawad Dangal ng lahi’ ang ating mga nabanggit na National Artists for Literature. Nandoon mismo sina Almario at Abad upang tanggapin ang kani-kanilang plake ng pagkilala samantalang kinatawan naman ng publisher na si Karina Bolasco ang pagtanggap ng plake para kay Resil Mojares, isa pang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na nasa Cebu.
May apat ding manunulat na iniluklok sa Palanca Awards Hall of Fame ngayong taong ito: sina Eros Sanchez Atalia (nobelista/kuwentista), Mikael de Lara Co (makata), Miguel Antonio Alfredo ‘Guelan’ Luarca (mandudula), at Joshua Lim So (mandudula). Sa kabuoan, may 30 manunulat na ngayon na kabilang sa Hall of Fame. Paano ba napapabilang sa Hall of Fame? Ang isang manunulat ay kailangang manalo ng Unang Gantimpala ng limang ulit sa ano mang kategorya ng patimpalak na ito. Taong 2019 pa nang huling may nailuklok sa Hall of Fame sa katauhan ni Lamberto Antonio, makata at mananaysay, na namayapa nang nagdaang taon.
Naging tampok na tagapagsalita ang kilalang direktor ng pelikula na si Jun Robles Lana, na kung ilang ulit nanalo ng Palanca para sa kanyang mga screenplay at dula. Nailuklok siya sa Palanca Awards Hall of Fame noong taong 2006. Matapos ang kanyang talumpati, pinagkalooban siya ng ‘Gawad Dangal ng Lahi’ ng Carlos Palanca Foundation sa pangunguna ni Carlos Palanca IV, ang presidente ng Carlos Palanca Foundation, at ni Criselda ‘Dang’ Cecilio-Palanca, ang tagapagsalita ng CPF na siya ring nagde-deliver ng sponsor’s remarks taon-taon.
Binanggit ni Lana sa kanyang speech na noong manalo siya dati sa kategoryang screenplay para sa kanyang akdang ‘Mga Bangka sa Tag-araw’, ang punong hurado ay ang National Artist for Cinema na si Marilou Diaz-Abaya. Agad daw siyang inalok ni Direk Marilou na isapelikula ang kanyang Palanca award-winning screenplay na ito. ‘Yun daw ang naging pasimula nang paglusong niya sa daigdig ng pelikula. Nang gawing pelikula ang ‘Mga Bangka sa Tag-araw,’ binigyan ito ng bagong pamagat: ‘Sa Pusod ng Dagat,’ na pinagbidahan ni Jomari Yllana. Nilingon ni Lana ang malaking papel ng Palanca Awards sa maituturing niyang turning point ng kaniyang buhay.
Ngayong taong ito, nakahihigit ang bilang ng mga baguhang manunulat sa nakasungkit ng Palanca: may 31 first time awardees mula sa 54 winning entries sa iba’t ibang kategorya. Ang pinakamatandang winner ngayong taong ito ay lampas sitenta anyos (patunay na kaya pang manalo ng ating mga senior citizens). Samantala, edad katorse naman ang pinakabatang winner. Ayon kay Dang Cecilio-Palanca, sa kanyang ginanap na ulat noong Gabi ng Palanca, may higit dalawang libong lahok daw ang tinanggap ng Palanca. Mula rito, 54 lamang ang idineklarang nanalo. May 2,580 na manunulat na ang kinilala ng Palanca mula noong nagsimula ito noong 1951.
Dalawa sa mga winners ay napansin kong nakasuot ng kanilang native attire: isang kabataang lalaking manunulat mula sa Davao Occidental at isang babaeng manunulat mula sa lalawigan ng Sarangani. At parehong bata pa sila. Nasa mabuting kamay ang ating panitikan.
Taong 1951 nang itatag ang Palanca Awards sa alaala ni Carlos Palanca, isang matagumpay na negosyante na may malaking puso sa panitikan at sining. Ang pamilya ng mga Palanca ang may-ari noon ng kumpanyang La Tondena, isang kilalang pagawaan ng alak. Itinaguyod ng kanyang pamilya ang taon-taong pagpaparangal sa pinakamahuhusay na manunulat ng bansa. Noon daw ay sa gusali pa ng Palanca sa Quiapo ginagawa ang taunang pagpaparangal sa mga nagwaging manunulat.
Matagal na panahong ang naging Direktor-Heneral ng Carlos Palanca Foundation ay si Sylvia Palanca-Quirino, na napaka-hands on sa pagpapatakbo ng naturang awards. Katuwang niya rito ang manager ng Palanca Awards na si Nemie Bermejo na siyang masigasig na namamahala sa judging process ng mga entries taon-taon. Inilipat na ang pamamahala ng Palanca Awards kay Carlos Palanca IV, isa sa mga apo ni Carlos Palanca, dalawang taon na ang nakalilipas.
Matatandaan na noong nagdaang dekada, karaniwang isinasagawa ang Palanca awarding tuwing Setyembre 1, ang anibersaryo ng kamatayan ni Carlos Palanca. Pero mula noong taong 2022, nang muling magbalik ang Palanca Awards (na pansamantaang huminto dahil sa naganap na pandemyang Covid-19), sa buwan na ng Nobyembre ito ginaganap.
Narito ang kumpletong listahan ng mga nagwagi sa 72nd Carlos Palanca Memorial Awards for Literature:
KABATAAN DIVISION
KABATAAN SANAYSAY
1st Prize Glorious Zahara Exylin Alesna (Dito sa Kanlungan ng Hiraya’t Katotohanan)
2nd Prize Raya Mitra (Sinulid at Buhay)
3rd Prize Lancelot MJ Edillor (Bura, Sulat)
KABATAAN ESSAY
1st Prize Brant Angelo Ambes (The Digital Snowball)
2nd Prize Ruth Mecanelle Magolhado (My Humanly Unhuman Friend)
3rd Prize Glorious Zahara Exylin Alesna (Some Things Must Never Change)
FILIPINO DIVISION
MAIKLING KUWENTO
1st Prize Mark Anthony Angeles (Gagambang-bahay)
2nd Prize Hannah Leceña (Siya si Ril)
3rd Prize Aljane Baterna (Ang Lungga)
MAIKLING KUWENTONG PAMBATA
1st Prize Christopher Rosales (Musikong Bumbong)
2nd Prize Brian James Camaya (Si Bambalito, ang Batang Bayani ng Bangkusay)
3rd Prize John Patrick Solano (Atang Para kay Nanang Toyang)
SANAYSAY
1st Prize Tomas Agulto (Tulambuhay ng Isang Makatang Laway)
2nd Prize David Corpuz (Autoetnograpiya ng Luksa)
3rd Prize Adelle Liezl Chua (Love Child)
TULA
1st Prize Mikael de Lara Co (Panayam sa Abo)
2nd Prize John Dave Pacheco (Paa, Tuhod, Balikat ng Tagakaulo: Higatang sa Pangil ng Pana-panahong Pagkalugmok)
3rd Prize John Brixter Tino (Dugo ng Aking Dugo)
TULA PARA SA MGA BATA
1st Prize John Romeo Leongson Venturero (Anak ng Baha! Mga Tulang Pambata)
2nd Prize John Michael Londres (Saklolo, Trak ng Bumbero!)
3rd Prize Eros Sanchez Atalia (Add to Cart at iba pang mga Tula)
DULANG MAY ISANG YUGTO
1st Prize Joshua Lim So (Pagkapit Sa Hangin)
2nd Prize Hans Pieter Luyun Arao (Vengeance of the Gods)
3rd Prize U Eliserio (Ang Trahedya ni Bert)
DULANG GANAP ANG HABA
1st Prize WALANG NAGWAGI
2nd Prize Miguel Antonio Alfredo Luarca (Ardor)
3rd Prize Andrew Aquino Estacio (Ka Amado)
DULANG PAMPELIKULA
1st Prize Andrew Bonifacio Clete (Championship)
2nd Prize Raymund Barcelon (Paglilitis)
3rd Prize Rian Jay Hernandez (Dobol)
REGIONAL LANGUAGES DIVISION
SHORT STORY-CEBUANO
1st Prize Michael Aaron Gomez (Pamalandong ni Antigo Mokayat)
2nd Prize Reynaldo Caturza (Anino)
3rd Prize Gracelda Lina (Maninibya)
SHORT STORY-HILIGAYNON
1st Prize Serafin Plotria, Jr. (Ang Liwat nga Paglupad ni Lolo)
2nd Prize Bryan Mari Argos (Labô)
3rd Prize Al Jeffrey Gonzales (Anagas, Anagas, Baylo ‘Ta Ngalan)
SHORT STORY-ILOKANO
1st Prize Neyo E. Valdez (Panaggawid)
2nd Prize Ma. Lourdes Ladi Opinaldo (Uram)(
3rd Prize Prodie Gar. Padios (Anniniwan)
ENGLISH DIVISION
SHORT STORY
1st Prize Jan Kevin Rivera (Muted City)
2nd Prize Antonio Hernandez (The Man Who Sold Dignity)
3rd Prize Kiefer Adrian Occeño (Bee Happy)
SHORT STORY FOR CHILDREN
1st Prize NO WINNER
2nd Prize NO WINNER
3rd Prize Edgar Samar (A Young Poet Dreams of a Hundred Words that Rhyme with Maynila)
ESSAY
1st Prize Lioba Asia E. Piluden (Ghost-hunting in Sagada)
2nd Prize Kara Danielle Eraña Medina (Another Hope Entirely)
3rd Prize Jade Mark B. Capiñanes (A Personal History of Sea Urchins)
POETRY
1st Prize Joel Toledo (Silangan)
2nd Prize Lyde Gerard Sison Villanueva (La Muerte De La Luz)
3rd Prize Ana Maria Segunda Lacuesta (We Are Not Yet Lost)
POETRY WRITTEN FOR CHILDREN
1st Prize Edgar Samar (Every Year, J Gained a Power)
2nd Prize Stacy Haynie Bolislis Ayson (Where are the Dinosaurs?)
3rd Prize Peter Solis Nery (Thirteen Ways of Looking at Books)
ONE-ACT PLAY
1st Prize Eljay Castro Deldoc (Unidentified)
2nd Prize Miguel Antonio Alfredo Luarca (The Impossible Dream)
3rd Prize Kenneth Theodore Cheng Keng (Line Up)
FULL-LENGTH PLAY
1st Prize Miguel Antonio Alfredo Luarca (Corridors)
2nd Prize Dustin Edward Celestino (Birdie)
3rd Prize Emilio Antonio Babao Guballa (The Echoist)
NOBELA
Pangunahing Gantimpala Eros Sanchez Atalia (Thirty Virgins)
Natatanging Gantimpala NO WINNER
NOVEL
Grand Prize Lakan Ma. Mg. Umali (The Ferdinand Project)
Special Prize Michael Aaron Gomez (The People’s Republic of Negros)