PINALAKAS ng Department of Information and Communications Technology-Cordillera (DICT-CAR) ang kanilang cybersecurity awareness program upang maprotektahan ang mga tao mula sa panganib sa digital landscape.
Ayon kay DICT-CAR Regional Director Reynaldo Sy, ang naturang programa ay nakatutok sa mga lugar kung saan sila nakapaglagay ng free wi-fi upang mapangalagaan ang mga users.
“We are intensifying the awareness program. Marami na ang nagti-take advantage, marami ang nago-online,” saad ni Sy.
Kasabay ng Cybersecurity Month noong Oktubre, nagsagawa ang DICT-CAR ng Cybersecurity Month and DICT Programs and Project Promotion sa Kalinga. Isasagawa rin nila ito sa Abra, Apayao, Ifugao, at Mountain Province.
Bukod sa awareness program, isinusulong din nila ang digital parenting upang masiguro ang tamang paggamit ng internet at maitaguyod ang ligtas at responsableng digital environment.
“Maiwasan ang pagbabad masyado at maling paggamit ng net. Mas mapangangalagaan nila ang mga kabataan,” aniya.
Mula 2023 hanggang 2024, nakapagsagawa na ang DICT-CAR ng 104 cybersecurity awareness activities kung saan, kabuuang 30,351 katao ang naging cyber-aware, tumaas nang 47 percent mula sa bilang ng mga indibidual na na-capacitate noong 2023.
Batay sa 2024 United Nations Global Cybersecurity Index na inilabas noong September 12, 2024, ika-53 na ang Pilipinas sa global cybersecurity rankings mula sa 61st rank noong 2020. Lumabas sa report na tumaas sa 93.49 points ang cybersecurity score ng bansa mula sa 77 points noong 2020. (DEG, PIA-CAR)