NANINIWALA si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na napapanahon na para palakasin ang Maritime Command ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng paggigiit ng bansa sa karapatan at teritoryo nito sa karagatan, partikular sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kanyang talumpati sa mga opisyal at kadete ng PNP sa Camp General Mariano Castaneda sa Silang, Cavite ngayong umaga, ipinahayag ni Tolentino ang kanyang buong suporta sa pagpapalakas sa istruktura at kapabilidad ng PNP Maritime Command para tumulong sa pagpapatrolya ng karagatan ng bansa.
“Suportado ko ang pinalakas na PNP Maritime Command, na magkakaroon ng regional headquarters sa Luzon sa lalawigan ng Mindoro Oriental, Visayas sa lalawigan ng Cebu, at Mindanao sa lalawigan ng Sulu,” ayon kay Tolentino, pinuno ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.
“Malaki ang maitutulong ng tatlong regional headquarters na ito sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard para harapin ang kasalukuyang hamon sa ating maritime zones, lalo na sa West Philippine Sea,” ani Tolentino.
Samantala, nanawagan si Tolentino sa pamunuan ng PNP Academy, sa pangunguna ni Police Brigadier General Christopher Birung, kabilang ang dean of academics and corps professors ng institusyon, na isama sa curriculum ng akademiya ang pag-aaral sa Philippine Maritime Zones Act (RA 12604) at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act (12605).
“Maaaring ituro ang mga batas na ito bilang elective subjects para sa murang edad pa lamang ay malalaman na ng ating mga kadete, na magiging mga opisyal ng kapulisan sa hinaharap, ang kahalagahan ng pagprotekta sa ating karagatan, gayundin sa integridad ng teritoryo at soberanya ng bansa,” paliwanag nya.
Si Tolentino ang punong may-akda at sponsor ng dalawang makasaysayang batas na pinirmahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Si TOL ang panauhing pandangal ng PNPA sa pagpapasinaya ng bagong PNPA Amphitheatre at sa pagbubukas ng Cadet Corps Intramurals ngayong taon na ginanap sa PNPA Grandstand.
Ulat mula sa website ng Senate of the Philippines