28 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 21, 2024

Dahilan ng pagbaba ng GDP growth rate noong ikatlong quarter

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BUMULUSOK ang real GDP growth noong ikatlong quarter pagkatapos rumatsada sa pinakamataas nito noong ikalawang quarter. Ano ang dahilan ng pagbaba ng GDP growth rate? Patuloy na ba ito sa pagdausdos?

Noong ikalawang quarter, lahat ng sektor sa ekonomiya ay nakaranas ng pagbagal. Ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ay bumulusok sa 5.2%, ang pinakamababa nitong antas sa loob ng limang quarters, mula sa 6.4% noong ikalawang quarter. Sinabayan nito ang paghina ng paglago ng  Gross National Income (GNI) mula 8.1% sa 6.7% dahil sa pagbagal ng net factor income from abroad na galing sa remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga namumuhunang Pilipino.

Una, ang agrikultura ay bumulusok sa -2.8% mula sa -2.3% noong ikalawang quarter. Nasira ang ani ng mga magsasaka dahil sa matinding tagtuyot na dulot ng El Niño noong unang kalahati ng taon. Sinundan ito ng La Niña noong third quarter. Mga sunud-sunod na bagyo ang humaplit sa mga bukirin, bumaha sa mga sakahan at palaisdaan, at sumira sa tone-toneladang ani. Kaparehas ng bagyo, patuloy ding nanalasa sa paghahayupan ang African swine fever. Lumagapak sa napakababang antas ang paglago ng sugar cane (-62.2%), palay (-12.0%), livestock (-6.3%), fishing and aquaculture (-5.4%), rubber (-4.6%), cassava (-4.1%), banana (-1.1%), coconut (-0.5%), coffee (0.1%)  abaca (0.4%), corn (1.3%) at cacao (1.5%).  Tanging nakaligtas sa delubyo ang forestry and logging (9.2%), other agricultural crops (7.9%), tobacco (6.9%), at poultry and eggs (5.6%).

Ikalawa, ang industriya ay natalisod sa 5.0% mula sa malagong 7.9% noong ikalawang quarter. Ang matamlay na export demand  ay yumanig sa electronics sector, ang pinakamalaking manufactured export ng bansa. Ang mga bansang bumibili ng mga cellphone, kotse at iba pang gumagamit ng electronics products ay nagsisimula pang bumangon mula sa masamang epekto ng mataas na interest rates na kinailangang ipatupad ng mga bansa para malutas ang inflation. Ang patuloy na matumal na domestic at international demand ang naghila pababa sa  wood manufactures (-23.2%), manufacture of basic metals (-13.7%), printing and reproduction of recorded media (-12.1%), manufacture of other non-metallic mineral products (-9.2%), manufacture of tobacco products (-8.3%), at manufacture of chemical and chemical products (-2.5%). Ngunit nanatiling malusog ang manufacture of furniture (19.4%), manufacture of machinery and equipment except electrical (17.6%), manufacture of electrical equipment (10.6%), manufacture of food products (7.8%), manufacture of refined petroleum products (6.8%),  manufacture of wearing apparel (6.5%), at manufacture of transport equipment (5.2%).

Ang services sector na dating bumabandera sa ekonomiya pagkatapos ng pandemya ay bahagyang humina sa 6.3% mula sa 6.8% noong nakaraang quarter. Nanatiling masigla ang human health and social work activities (lumago ng 11.9%), hotels and restaurant services (10.7%), financial and insurance services (8.8%),  professional and business services (8.3%), at other services (7.3%). Ngunit malaking pagdausdos ang naranasan ng education (2.6%); public administration, defense and compulsory social security (3.7); at information and communication (4.3%). Samantala, nahagingan ng bahagyang paghina ang mga malalaking sub-sektor na wholesale and retail trade (5.2%); real estate (5.4%); at transportation and storage (6.3%).


By expenditure share, nagsimula nang umangat ang household expenditure na lumukso ng 5.1% mula sa 4.7% noong ikalawang quarter dahil sa tuluyan nang pagbaba ng inflation rate. Nagsimula na ring manumbalik ang pamumuhunan dahil sa unti-unting pagdausdos ng interest rates. Umakyat ang Gross Capital Formation (GCF) sa 13.1%, ang pinakamataas nitong antas sa walong quarters. Tumaas ang Durable Equipment o ang pamimili ng makinarya para sa mga pagawaan ngunit bumaba naman ang construction o ang pagtatayo ng mga gusali’t kabahayan.

Ang pinakamalaking dahilan ng paghina ng ekonomiya ay ang paghina ng government expenditures. Dumausdos ang paglago ng government expenditures mula 13.7% noong ikalawang quarter sa 3.2% noong ikatlong quarter. Naghabol ang pamahalaan ng paggasta noong ikalawang quarter ngunit hindi na ito maaaring gawin sa third quarter dahil sa malalakas na bagyo at pag-ulan na nagpabagal ng government construction.

Bumagsak pa lalo ang exports of goods and services sa -1.0% noong ikatlong quarter. Sumadsad  ang exports of goods sa -3.5% dahil sa pagbagsak ng halos lahat ng export items.  Lumagapak   ang electronics (-10.4%), copper cathodes (-65.2%), woodcraft and furniture  (-24.2%), at metal components (-10.0%), ngunit nakabawi nang bahagya ang agricultural products (2.7%). Samantala, may mga export items na patuloy na rumatsada kahit na mababa ang export demand. Ito ay ang other exports (31.8%), machinery and transport equipment (17.0%), chemicals (12.8%) , fishery products (7.2%), at processed food and beverages (8.7%).

Pagkatapos ng pagratsada ng exports of services noong mga nakaraang quarter,  nawalan ng sigla ang turismo (-15.6%) at transport (-2.4%). Ngunit patuloy pa ring malakas ang telecommunications, computer at information technology services (10.9%), business services (9.9%) at insurance and pension services (5.3%).

- Advertisement -

Ngunit may silver lining ang lahat nang ito. Ang matinding kalabog noong third quarter ay maaaring masundan ng mas masaganang ikaapat na quarter dahil sa paglago ng domestic demand kapag panahon ng kapaskuhan at pag-recover na ang export demand dahil sa pagbaba ng ng interest rates sa halos buong mundo.

Table 1. ECONOMIC GROWTH, BY SECTOR
2   0 2   3 2     0 2   4
Real Growth in % Q1 Q2 Q3 Q4 Q1 Q2 Q3
GROSS NATIONAL INCOME 9.9 8.6 12.1 11.1 9.8 8.1 6.7
Net primary income from the rest of the world 81.9 91 112.6 98.3 57.6 25.7 19.3
GROSS DOMESTIC PRODUCT 6.4 4.3 6.0 5.5 5.8 6.4 5.2
AGRICULTURE 2.2 0.2 0.9 1.3 0.5 -2.3 -2.8
INDUSTRY 4.1 2 5.6 3.1 5.1 7.9 5.0
    Mining & Quarrying -2.1 -2.8 5 10.3 0.4 6.6 1.0
    Manufacturing 2.2 1 1.9 0.5 4.4 3.9 2.8
    Electricity 6.9 4.6 6.3 5.5 6.9 9.1 7.4
   Construction 11 3.5 14.5 8.4 7 16.1 9
SERVICES 8.3 6 6.8 7.4 6.9 6.8 6.3
ECONOMIC GROWTH, BY EXPENDITURE SHARE
HOUSEHOLD CONSUMPTION 6.4 5.5 5.1 5.3 4.6 4.7 5.1
GOVERNMENT CONSUMPTION 6.2 -7.1 6.7 -1 1.7 11.9 5.0
GROSS CAPITAL FORMATION 12.8 0.7 -0.3 11.6 0.5 11.6 13.1
    GROSS FIXED CAPITAL FORMATION 10.9 4.3 8.2 10.2 2.1 9.7 7.5
    Construction 14.7 2.5 12.8 10.1 6.9 16.2 8.9
    Durable Equipment 7.9 11.1 1.8 14.6 -5.5 -4.5 8.1
EXPORTS OF GOODS & SERVICES 1.1 4.7 2.5 -2.5 8.4 4.2 -1.0
   Exports of goods -14.9 -0.8 -2.3 -11.4 7.6 0.5 -3.5
   Exports of services 20.6 10.8 11.2 12.4 9.1 8.1 2.8
SOURCE: PSA

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -