28.2 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Inambahan? Inambaan?

- Advertisement -
- Advertisement -

 SA quad committee hearing sa Mababang Kapulungan noong Nobyembre 13, 2024, maraming nag-share ng video clip na nagpapakita sa dating pangulong Rodrigo Duterte na nakatikom ang kamao at akmang sasaktan ang katabi niya, ang dating Senador Leila De Lima. Agad kumalat ang video sa social media, na may ganitong mga salita: “Duterte, Inambahan si De Lima.”

Kinabukasan, sa pang-umagang programa nina Peter Musngi at Rica Lazo sa Radyo 630, na napapanood din sa YouTube, sinabi ni Musngi ang ganitong pagwawasto (hindi ito ang eksaktong pananalita, pero ito ang idea): Mali ang inambahan. Ang tama ay inambaan. Dahil ang salitang ugat ay ambâ, may kudlit sa huling tunog. Nakalimutan na ni Musngi ang mga termino sa Balarila. Hindi kudlit (apostrophe) kundi tuldik (markang nagsisilbing gabay sa pagbigkas, kung mabilis, malumi, o maragsa). Ang ambâ ay binibigkas nang mabilis at may impit na tunog sa dulo.

Nang gabi ring iyon, sa Facts First, na podcast naman ni Christian Esguerra, ganito ang headline ng episode: Duterte, Inambaan si De Lima sa quad comm.

Samantala, ang madalas niyang panauhin sa kanyang mga podcast, si Ronald Llamas na isang political analyst, ay konsistent sa ganitong bigkas: inambahan, aambahan. Panauhin si Llamas (aka Senador Edu Manzanas) sa maraming programa, kabilang ang Press One, na sa episode noong Nobyembre 17, ang host na si Rommel Lopez, ay “walang mag-aambâ” ang binigkas.

Siguro, hindi naniwala ni Esguerra kay Musngi, o baka napansin niyang naiiba ang bigkas niya sa bigkas ni Llamas, na madalas niyang panauhin, kaya sa Recap ng kanyang podcast, binago na niya (Esguerra) ang baybay ng salita: inambahan na. Binago na rin pati ang kanyang bigkas. Ang dating inambaan na bigkas niya noong una, naging inambahan na.


Isang salita pero may dalawang bigkas. Inambaan o inambahan?

Itanong natin sa mga diksyunaryo.

Nagkakaisa ang UP Diksiyonaryo ng Wikang Filipino (2001) at ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon (Komisyon sa Wikang Filipino, 1998). May diing maragsa ang salitang ambâ sa dalawang diksyunaryo. Pareho rin ng kahulugan: “ayos ng kamay na nagbabantang manakit” (KWF) at “nagbabantang kilos” (UP). Mas specific nga lamang ang sa KWF dahil tiniyak na ang nagbabantang pananakit ay ipinakikita sa kamay.

Samakatuwid, tama ang ginawang pagwawasto ni Peter Musngi. Samantala, bakit naman napaiba ang bigkas ni Llamas, gayon din ng iba pang mga post na gumamit ng “inambahan”?

- Advertisement -

Heto na naman tayo sa tinatawag na varayti ng wika. Nagkakaiba-iba ang mga tao ng bigkas ng mga salita depende sa lugar na pinanggalingan. Ang hindi ko maipaliwanag sa kaso ng “ambâ/ambá” (ang una’y binigkas nang mabilis at may impit na tunog sa dulo, samantalang mabilis at walang impit na tunog ang pangalawa), nasa iisang lugar ang mga taong bumigkas sa dalawang magkaibang paraan — sa  NCR.

Ang impit na tunog     

Makabuluhang tunog sa wikang Filipino ang impit na tunog. Ibig sabihin, maaaring magbago ang kahulugan ng salita kapag binigkas ito o kapag hindi binigkas. Matatagpuan ang impit na tunog sa unahan, sa gitna, at sa hulihan ng salita. Pero mas kilala natin ito kapag nasa hulihan ng salita. Marami kasing salita na naiiba ang kahulugan kapag may impit sa hulihan.

Isang halimbawa ang salitang PASO. Kapag binigkas itong pasó (mabilis), ang kahulugan ay lipas na: “Mag-aaplay na uli ako dahil pasó na ang visa ko.” Kapag naman pasô, pinagtataniman ng halaman ang tinutukoy. At kapag pasò, bahagi ng balat na nainitan.

Tiyak na kalituhan ang hatid ng ganitong mga pangungusap:

  1. Pahiran mo ng ointment ang pasô sa kamay ng batang umiiyak. (Pupunta sa garden ang inutusan para hanapin ang pasô.)
  2. Bumili ako ng pasó sa palengke kanina. (Pasó na pala, baka sumakit ang tiyan natin?)
  3. Nadikit sa kalan ang sanggol kaya napasó. (Ano, namatay?)
  4. Ilipat mo itong orchid sa mas malaking pasò. (Maghahanap ng apoy o baga.)

Kasaganaan/kasaganahan, panatiliin/panatilihin

- Advertisement -

Wala namang kaso sa ambaan/ambahan. Gayon din sa iba pang mga salita, na wala namang pagbabago sa kahulugan, bigkasin man ng may impit na tunog o wala, tulad ng kasaganaan/kasaganahan at panatiliin/panatilihin. Maaaring may iba pang mga salita na may dalawang bigkas, na walang pagbabago sa kahulugan. Ang ipinapakita lamang nito: maaaring nagkakaiba ng bigkas ang mga tao dahil magkakaiba sila ng lugar na pinagmulan, o tinitirhan, o kinalakihan.

Panlaping -an at -han

Ang tanong na lang siguro ay: Bakit -an ang hulapi (panlapi sa hulihan ng salita) kapag may impit na tunog ang salita, samantalang -han naman kapag walang impit na tunog?

Ang totoo, walang hulaping –han. Ang hulapi ay –an lamang. Saan galing ang h, kung gayon? Hindi bahagi ng hulapi ang tunog na h, kundi bahagi ito ng salitang ugat. Ito ay dahil kung hindi impit na tunog, h ang huling tunog ng salita. Hindi nga lamang natin ito naririnig dahil mahina lamang. Lumilitaw ang tunog na ito kapag nilagyan ng hulapi ang salita. Kaya ang salitang basa, kapag nilagyan ng hulapi ay nagiging “basahin.”Samantala, kapag “basâ”(may impit sa dulo), nagiging “basain.”

Ang problema nga lamang ay hindi kasali sa ispeling ng salita ang impit na tunog, kaya nakakalito kung minsan. Pero iyan ang simpleng paliwanag.

Tanong: alin ba ang tama? Ambâ o  ambá? Inaambaan o inambahan? May tinatawag na varayti ng mga salita. May tinatawag ding standard na anyo ng salita; ito iyong itinuturing na tama. Kung ako ang tatanungin, ang nakalakhan kong bigkas ay ambâ. Kaya, ito ang pipiliin ko. Mas pipiliin ko ring anyo ang kasaganaan at panatiliin. Ito kasi ang naririnig ko mulang pagkabata.

Pero bilang estudyante ng linggwistika, hindi ko ipipilit ang personal kong preperensya. Patuloy na nagbabago ang wikang buhay. Idagdag pa ang sinabi ni Lope K. Santos: “ang dila ng bayan ang mananaig.”

Sa puntong ito ng pagpapayaman at intelektwalisasyon ng wikang Filipino, hindi muna natin pag-uusapan kung alin ang variant at alin ang standard. Makabubuting tanggapin na muna natin ang dalawang anyo ng isang salita, hangga’t wala namang kalituhan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -