HINDI maikakaila na mahalaga ang papel na ginagampanan ng aklat sa lipunan at lalo na ng lipunan sa aklat. Nag-aambag ang aklat sa edukasyon ng mamamayan samantalang ang aklat naman ay naiimpluwensiyahan ng mga pwersa sa lipunan kung saan ito nakapaloob at nakakonteksto. Samakatwid, kapwa nila hinuhubog ang isa’t isa. Sa maraming pagkakataon at sa iba’t ibang punto ng buhay natin ay gumagamit at nagbabasa tayo ng aklat. Ang iba pa nga ay nagsusulat at naglalathala nito. Kaya sadyang importante ang pag-aaral ng aklat sa porma ng book studies upang tumaas ang antas ng ating kamalayan hinggil sa libro bilang artipakto at paglilimbag bilang praktika at proseso.
Ano nga ba ang book studies?
Ang book studies ay isang interdisiplinaryong pag-aaral ng mga pananaw, proseso, at pwersa na may kinalaman sa produksyon, distribusyon at paggamit ng aklat. Sinasaklaw nito ang pagsusuri ng paglalathala at paglilimbag bilang intellectual, social, cultural, communicative, media at business practice. Sa batayang ito, masasabing ang publishing ay sanga-sangang usapin ng pagpapasa ng kaalaman, talaban ng umiiral na kultura at sistemang panlipunan, pagpapalaganap ng idea at ideolohiya, at paglikha ng empleyo at kabuhayan.
Kadalasan nakapaloob ang book studies sa media studies, library and information science at education studies sa mga unibersidad. Sa katunayan, may mga book studies program sa iba’t ibang dalubhasaan at pamantasan sa daigdig kagaya ng Johannes Gutenberg University, University of Amsterdam, Leiden University, Iowa Graduate College, St. Michael’s College, Oberlin College and Conservatory, at iba pa.
Maaaring mag-practicum o maempleyo ang mga nasa larangan ng book studies sa paglalathala, pamantasan, silid-aklatan, pamamahayag, lehislasyon, at iba pa.
Aklat bilang akda at produkto
Sa mga aklat natitipon ang mga mahahalagang kaalaman ukol sa iba’t ibang larangan at disiplina. Sinasalamin din ng aklat ang kasaysayan, karunungan at kultura ng lipunan kung saan nakakonteksto ang pagkakabuo nito. Masasabi ring malaki ang impluwensiya ng pagkatao at ideolohiya ng awtor sa magiging hubog at oryentasyon ng mismong akda.
Ang aklat ay maituturing na bahagi ng media. Sa partikular, nakapaloob ito sa print media. Bilang media product, maraming mga propesyunal ang nagtutulong-tulong upang makabuo ng aklat kagaya ng publisher, awtor, editor, illustrator, proofreader, translator, layout artist at ang mga ekspertong teknikal sa printing press. Kung isasama maging ang pagmemerkado at distribusyon ng aklat, kabilang din ang mga propesyunal sa marketing at sales departments. Kasama rito ang mga tagapamahala at kawani sa bookshops (online man o physical store). Bilang industriya, kapansin-pansin na maraming nalilikhang hanap-buhay ang pagbuo at distribusyon ng aklat at mayroon din itong multiplier effect sa ekonomiya ng bansa.
Interdisiplinaryong katangian
Bilang isang interdisiplinaryong larangan, sinasaklaw ng book studies ang pag-aaral ng ekonomiko, heograpikal, politikal, kultural at ligal na dimensyon ng paglalathala at paglilimbag. Natutugunan gamit ang iba’t ibang disiplina ang mga usapin na may kinalaman sa kagastusan sa produksyon, kikitain mula sa proyektong publikasyon, rehiyunal na distribusyon, panlipunang usapin, kultural na larangan, etikal na konsiderasyon, intellectual property rights at maging pangkalikasang aspeto. Ang aklat samakatuwid ay mayroon materyal at di-materyal na dimensyon na kailangan isaalang-alang sa pag-aaral nito.
(Daluyong ng) modernisasyon
Kagaya ng ibang larangan, inaaral din sa book studies ang kasaysayan, kasalukuyan at hinaharap ng aklat at paglilimbag. Dahil sa modernisasyon ng teknolohiya ay sumasailalim sa digitalisasyon ang bersyon ng mga aklat (e-books) at ito ay may sersoyong implikasyon sa patuloy na pag-iral at paggamit ng mga pisikal na aklat.
Sa pagdaan ng panahon, makikita natin kung paano tinatambalan ang pisikal na kopya ng aklat ng modernong teknolohiya upang mas tumugon sa patuloy na nagbabagong pangangailangan ng mga mambabasa. Kabilang dito ang mga katambal na cassette tapes at compact discs noon at weblinks at QR codes naman sa kasalukuyan.
Textbook bilang tampok na akda
Isa sa pinakaprominenteng halimbawa ng aklat ay ang textbooks. Bahagi ito ng pag-aaral ng maraming estudyante sa iba’t ibang antas ng edukasyon.
Sa pag-aaral ng textbook sa konteksto ng book studies, maaaring suriin ang iba’t ibang bahagi nito tulad ng mga pabalat, pambungad na mensahe, kabanata, ilustrasyon, pagsasanay at gawain (o student tasks). Para sa aking disertasyon noong aking pag-aaral sa doktorado, halimbawa, aking sinuri ang textbook task ng mga piling textbook upang siyasatin ang discursive at pedagogical imperatives at counter-imperatives ng mga may akda bilang media producer. Sinaklaw ng pag-aaral na ito ang aklat bilang text, ang student tasks bilang paratext sa partikular, at ang lipunan kung saan nakapaloob at umiinog ang mga ito bilang context. Sa esensiya, inaral ko ang aklat bilang artipakto at ang textbook task design bilang communicative act.
Pagbubuo(d)
Bilang instructional material, nananatiling malaki ang papel ng aklat sa edukasyon ng mga mag-aaral at mamamayan. Kaya mahalaga rin na may larangan kagaya ng book studies na patuloy na sisipat at susuri sa produksyon, distribusyon at konsumpsyon ng aklat gamit ang iba’t ibang disiplina at perspektibo. Sa pamamagitan nito ay mas magiging malay (conscious) at mapagnilay (reflective) ang proseso ng pagsusulat, paglilimbag at pagbabasa.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa [email protected]