27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Epekto ng kalakalan sa distribusyon ng kita

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA mga nakaraang sanaysay sa kolum na ito tinalakay ko ang mga epekto ng malayang kalakalan sa pagtaas ng pambansang kita, pagkonsumo at kagalingang panalipunan. Ang pagtaas ng pambansang kita ay bunga ng episyente o murang gastos sa produksiyon. Dahil mas maraming produkto ang naproprodyus sa takdang dami ng mga produktibong sangkap. Samantala, ang malawak na pagkonsumo ay nakaugat sa pagtaas ng pambansang kita at pagiging mura ng mga produktong binibili. Ang pagtaas ng pambansang kita at paglawak ng pagkonsumo ay nagpapataas sa kagalingang panlipunan.

Samantala, ang paghihigpit sa malayang kalakalan sa pamamagitan ng pagpapataw taripa, buwis sa eksports at kota ay nagpapababa ng pambansang kita, pagkonsumo at kagalingang panlipunan. Ang pambansang kita ay lumiliit bunga ng magastos na produksiyon dahil sa paggamit ng mas maraming produktibong sangkap. Ang pagkonsumo ay kumikitid dahil bumababa ang pambansang kita at nagiging mahal ang presyo ng mga produkto. Ang pagbaba ng pambansang kita at pagkitid ng pagkonsumo ay nagpapababa sa kagalingang panlipunan.

Sa sanaysay na ito ay susuriin natin kung sino ang nakikinabang sa malayang kalakalan at sa mahigpit na kalakalan. Ang epekto ng malayang kalakalan sa distribusyon ng kita ay inihayag sa teorem nina Stolper at Samuelson na nagsasabing tumataas ang kita ng mga nagmamay-ari ng saganang produktibong sangkap at bumababa ang kita ng mga nagmamay-ari ng mga kapos na sangkap batay sa isinasaad ng teorya nina Heckscher at Ohlin na nagsasabing ang bansa ay may komparatibong kalamangan at magpapakadalubhasa sa mga produktong gumagamit nang matindi sa kanilang saganang sangkap.

Ipakita natin ang kongklusyon ng teorya nina Heckscher at Ohlin at teorem nina Stolper at Samuelson sa isang na halimbawa. Kung may dalawang produktong kinakalakal, computer na matindi sa paggamit ng capital at damit na matindi sa paggamit ng paggawa, na parehong pinoprodyus ng Japan at Pilipinas. Ang Japan ay sagana sa capital samantalang ang Pilipinas ay sagana sa paggawa. Ayon sa teorya nina Heckscher at Ohlin magpapakadalubhasa ang Japan sa computer samantalang ang Pilipinas ay may komparatibong kalamangan sa damit.

Tignan natin ang epekto ng espesyalisasyon ng Japan at Pilipinas sa distribusyon ng kita sa mga kapitalista at manggagawa ayon sa teorem nina Stolper at Samuelson. Dahil nagpapakadalubhasa ang Japan sa kompyuter tataas ang produksiyon nito ng kompyuter at bababa naman ang produksiyon nito ng damit. Dahil dito, tataas ang demand sa capital na magpapataas sa presyo ng capital at kalaunan ay magpapataas sa kita ng mga kapitalista.

Samantala, dahil may komparatibong kalamangan ang Pilipinas sa damit tataas ang produksiyon ng damit at bababa ang produksiyon ng computer. Dahil dito, tataas ang demand sa paggawa na magpapataas sa presyo ng paggawa o pasweldo na magpapataas sa kita ng mga manggagawa. Sa kabilang dako, bababa ang demand sa capital at bababa ang presyo ng capital.

Samakatuwid, sa ilalim ng malayang kalakalan higit na nakikinabang ang mga nagmamay-ari ng saganang sangkap, kapitalista sa Japan at manggagawa sa Pilipinas, dahil tumataas ang kanilang kita relatibo sa nagmamay-ari ng mga kapos na sangkap, manggagawa sa Japan at kapitalista sa Pilipinas.

Samantala, sa kapaligiran ng mahigpit na kalakalan ang nakikinabang ay mga nagmamay-ari ng mga kapos na yaman at bumababa naman ang kita ng mga nagmamay-ari ng mga saganang sangkap.

Halimbawa, kung magpapataw ng taripa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng computer, tataas ang produksiyon at presyo ng mga computer sa Pilipinas at bababa ang produksiyon at presyo ng damit. Sa pagtaas ng produksiyon ng computer bunga ng proteksiyon mula sa taripa, tatataas ang demand sa capital at tataas din ang presyo ng capital na magpapataas sa kita ng mga kapitalista sa Pilipinas. Samantala, sa pagbaba ng produksiyon ng damit, bababa ang demand sa paggawa sa Pilipinas na magpapababa sa presyo ng paggawa na magpapababa sa kita ng mga manggagawa.

Samakatuwid, ang pagpapataw ng taripa sa computer Pilipinas ay lalong magpapalala sa distribusyon ng kita dahil lalo pang tumataas ang kita ng mga mayayaman, ang mga kapitalista, samantalang lalo pang bumababa ang kita ng mga manggagawa.

Kung ang Japan ay magpapataw ng taripa sa inaangkat na damit, gamit ang parehong analisis sa itaas, maipakikita na tataas ang kita ng mga manggagawa, ang kapos na produktibong sangkap sa Japan,  at bababa naman ang kita ng mga nagmamay-ari ng capital, ang saganang produktibong sangkap sa Japan.

Samakatuwid, ang pagpapataw ng taripa sa damit sa Japan ay mauuwi sa mapagpantay na distribusyon ng kita dahil tumataas ang kita ng mga manggagawa samantalang bumababa ang kita ng mayayamang kapitalista.

Bilang kongklusyon, batay sa mga resulta ng teorya nina Hecksher at Ohlin, ang malayang kalakalan ay magpapapantay sa distribusiyon ng kita sa mga bansang sagana sa paggawa at magpapalala sa distribusyon ng kita sa mga bansang sagana sa capital. Samantala, ang mahigpit na kalakalang internasyonal ay magpapapantay sa distribusiyon ng kita sa mga bansang sagana sa capital at magpapalala sa distribusiyon ng kita ng mga bansang sagana sa paggawa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -