PINAIGTING ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) at Clark Development Corporation (CDC) ang pagtutulungan na matiyak na mas maraming aplikante ang maging kwalipikadong makapagtrabaho sa mga pangunahing industriya sa Clark Freeport Zone.
Patunay dito ang paglagda ng kasunduan para sa pagpapatayo ng Regional Technical and Vocational Education and Training (TVET) Innovation Center.
Ayon kay Tesda Director General Jose Francisco ‘Kiko’ Benitez, pagpapatupad ito sa Enterprise-based Education and Training na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang Republic Act 12063.
Layunin nito na mas mapalakas pa ang kolaborasyon ng Tesda sa mga traning school at industriya na makapaghulma ng bagong henerasyon ng lakas-paggawa na papasa sa kasalukuyang hinahanap o kailangan ng isang industriya.
Bilang panimula, may inisyal na halagang P2 milyon ang inilaan sa Regional TVET Innovation Center sa loob mismo ng Clark Freeport Zone.
Libre itong ipinagamit ng CDC sang-ayon sa nilagdaang Usufruct Agreement. Tutulong din ang Asian Development Bank sa pagpapatayo nito.
Sinabi ni CDC President and CEO Agnes Devanadera na napapanahon ang pinainam na pagtutulungang ito ngayong nasa P73 bilyon ang halaga ng mga bagong pamumuhunan na nailagak sa loob ng Clark Freeport Zone.
Mangangailangan ito ng nasa 15,000 bagong kwalipikadong manggagawa.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Devanadera na nasa 5,000 rito ang kailangan para sa Maintenance, Repair at Overhaul ng eroplano na isasailalim sa TVET.
Kinakailangan aniyang masimulan na ito agad ngayong patuloy na nadadagdagan ang mga international at domestic commercial flights sa Clark International Airport. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)