BAGAMAT umaaraw na ngayon dito sa Cagayan ay patuloy pa rin ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Cagayan River at sa mga tributaryo nito.
Paliwanag ng DoST-Pagasa, lubhang mabigat ang buhos ng ulang dala ng bagyong Nika sa bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at sa Cordillera, kaya naman patuloy pa rin ang pagragasa ng tubig mula sa mga kabundukan pababa sa Cagayan.
Bagamat inilikas na kahapon ang mga mamamayang nasa alanganing mga lugar ay patuloy ang panawagan ng mga opisyal na huwag magpakampante dahil nasa critical pa rin ang lebel ng tubig sa ilog Cagayan.
Ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa mahigit dalawang libong pamilya ang inilikas sa mga evcauation center. Nasa 93 na mga bayan naman ang apketado ng bagyong nika sa buong Cagayan Valley Region.
Ayon kay RDRRMC Chair at OCD Regional Director Leon DG. Rafael, inhalintulad nila sa bagyong Ulyses ang bagyong Nika kung saan marami itong ibinuhos na ulan na dahilan ng matinding pagbaha.
“Worst case scenario ang aming pinaghahandan. Inihahalintulad namin ito sa bagyong Ulyses noon na kung saan maraming buhos ng ulan at nagkaroon ng pagbaha dito sa Lambak Cagayan,” ani Rafael.
Samanatala, ang DSWD ay walang patid sa paghahatid ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa pamamagitan ng Blawk Hawk air asset ng Philippine Air Force ay nagkapagpadala ang DSWD ng isang libong relief packs sa bayan Maconacon, Isabela para sa mga naapektuhan ng magkasunod na bagyong Marce at Nika.
Sa ngayon, suspendido parin ang klase ng lahat ng mga mag-aaral sa lahat ng antas sa Cagayan dahil sa banta ng pagbaha.
Patuloy din ang pagbibigay ng tulong sa mga sinalante ng bagyo, lalo na ang mga nasa loob parin ng evacuation center. (OTB/PIA Region 2)