27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Ano-ano ang mga dahilan ng pag-akyat ng bahagya ng antas ng inflation at bakit nagiging volatile ito? 

TINGIN SA EKONOMIYA 

- Advertisement -
- Advertisement -

PAGKATAPOS makamit ang pinakamababang antas ng YOY (year-on-year) CPI (consumer price index) inflation  mula noong Disyembre 2019, lumukso nang bahagya ang antas nito sa 2.3% noong Oktubre. Ano-ano ang mga dahilan ng pag-akyat na ito at bakit nagiging volatile ang inflation?

Dalawa ang dahilan kung bakit napaka-volatile ang inflation sa Pilipinas.

Una, ang klima.    Umaalingawngaw sa buong mundo ang  pagwawasak na dulot ng lumalalang climate change. Sa Pilipinas, napakatindi ang epekto nito sa produksyon ng pagkain lalo na at 38% ang bahagi ng pagkain sa consumer basket.

Ang matinding tagtuyot na dala ng El Niño noong unang kalahati ng taon ay mabilis na sinundan ng La Niña na may kasamang malalakas na bagyong bumaha sa mga bukirin. Di na nakapagtanim ng gulay ang mga magsasaka pagkatapos ng anihan ng palay. Tinatayang 1.5-2% ng ani ng agrikultura ang nawawala bawat taon. Dahil dito, akyat-baba ang food inflation.

Ikalawa, ang presyo ng enerhiya. Umaabot sa 15.4% ang share ng transport at electricity at fuels sa consumer basket. Dahil 78% ng total na produksyon ng langis ay nasa kamay ng 10 bansa lamang, madaling magdikta ng pagtaas ng ptresyo sa pandaigdigang merkado. (Table 1) Sa kabuuan ng oil production sa mundo, 36.6% ay hawak ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC). Bawat desisyon ng OPEC na bawasan o taasan ang produksyon ay may malaking epekto sa presyo. Aabot din sa 33.3% ng produksyon ay galing sa Middle East kaya’t bawat gulo o digmaan na sisiklab sa isa sa mga bansa rito ay parang ningas na sumisilab sa presyo ng langis.


Sa kabilang dako, naaapektuhamn din ng presyo ng demand ng malalaking namsa katulad ng USA at China na siyang may pinalkamalaking kumokonsumo ng langis. Humina ang ekonomiya ng China kaya bumaba ang presyo ng langis noong Setyembre. Sa kabilang dako, malakas ang ekonomiya ng USA dahil pababa na ang interest rates. Ang pataas at pagbaba  ng imbentaryo ng langis sa USA na ire-report bawat linggo ng US Energy Information Administration (USEIA) ay nakagagalaw ng merkado.

Noong Oktubre, tumaas nang bahagya ang YOY food inflation mula 2.9% noong nakaraang buwan sa 3.0%. (Table 2) Hindi gumalaw ang inflation ng bigas sa 9.6% at negatibo pa ang inflation ng gulay (-9.2%), asukal (-3.3%)  at isda (-0.4%). Ngunit, umakyat ang inflation ng karne sa 3.6% mula sa 2.2%, at gatas sa 3.6% mula sa -0.4%. Ang karne ay may 7.3% share sa consumer basket at ang gatas ay 2.7% kasama ang itlog.

Patuloy ang pag-normalisa ng presyo ng bigas sa world market dahil sa pagbabalik ng India sa export market. Ang India na siyang pinakamalaking exporter ng bigas sa buong mundo ang nagbasura sa export ban  na nagpataas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang mercado. Dahil dito, bumaba ang export price ng Thailand white rice 5% brokens sa US$509/MT noong Oktubre mula sa US$580/MT noong Setyembre.

Sa non-food naman, nanahimik ang overall inflation nito sa 1.8% mula sa 2.3% noong nakaraang buwan. Halos lahat ng kategorya ay nakaranas ng pagbaba katulad ng clothing at footwear;  housing, water, electricity and other fuels; at household furnishings. Nananatili sa dating inflation ang health, at information and communication. Samantala, nanatiling negatibo ang inflation ng transport sa -2.1% mula sa mas malalim na negatibong -2.4% noong Setyembre.

- Advertisement -

Umakyat nang bahagya ng presyo ng langis sa international market pagkatapos lumpagapak ito noong Setyembre. Ang presyong naitala ng Dubai crude na ginagamit ng mga refineries ng Pilipinas ay $76.06 kada bariles noong Oktubre kumpara sa $73.24 kada bariles noong Setyembre. Nahanginan ang presyo  nito ng paghina ng demand sa China na nakadanas ng pagbaba ng kanyang real GDP growth sa 4.7% noong Q2. Ngunit, bumaba naman ang crude oil inventory ng USA  sa  425.5 million barrels, noong Oktubre 25,  4% na mas mababa kaysa sa five-year average na dating naitatala para sa buwang ito. Ang dalawang salik na ito ang nagpagalaw paibaba at paitaas, respectively, ng presyo ng langis.

Sinabayan din ng month-on-month (MOM)  inflation ang galaw ng YOY inflation.  Mula sa -0.2% noong Setyembre, umakyat ito sa 0.2% noong Oktubre.  Binawi ng food items ang lahat ng -0.5% na pagbaba ng presyo nito noong Setyembre; umakyat ito ng 0.5% noong Oktubre Pinakamalaking akyat sa inflation ang naitala sa gulay (4.5%), gatas (0.8%) at isda (0.7%).  Halos hindi gumalaw ang asukal ngunit bumaba nang malakihan ang bigas (-0.5%) at karne (-0.5%).

Sa non-food category naman,  patuloy na naging negatibo ang MOM inflation sa -0.1% kagaya noong Setyembre.  Nahila paibaba ng housing, water, electricity, gas and other fuels ang inflation ng non-food category  dahil  sa -0.2% na pagbaba ng inflation nito.  Umakyat nang bahagya ang transport (0.1%); clothing at footwear (0.1%);  furnishings, household equipment, and routine maintenance (0.1%); at health (0.2%). Nanatiling hindi gumagalaw ang information and communication.

Dahil sa patuloy na  pagtala ng inflation sa  2-4% na target range ng bansa, inaasahang itutuloy ng Bangko Sentral ang pagtapyas  ang interest rates. Ito ang hudyat ng pagpasok ng mas maraming investment  at paglikha ng mas maraming bagong trabaho.

Table 1. GLOBAL CRUDE OIL PRODUCTION, 2023
million barrels daily
Share
USA 21.9 22.7%
Saudi Arabia 11.1 11.5%
Russia 10.8 11.2%
Canada 5.8 6.0%
China 5.3 5.5%
Iraq 4.4 4.6%
Brazil 4.3 4.4%
UAE 4.2 4.3%
Iran 4.0 4.1%
Kuwait 2.9 3.0%
)thers 21.8 22.6%
TOTAL 96.4 100.0%
o.w.  OPEC 35.3 36.6%
o.w. Middle East 32.1 33.3%
Source: US Energy Information Administration

 

Table 2. CONSUMER PRICES
    In Percent Year-on-year (YOY) Month-on-month (MOM)
Aug Sep Oct Aug Sep Oct
ALL ITEMS 3.3 1.9 2.3 0.1 -0.2 0.2
I. FOOD AND NON-ALCOHOLIC BEVERAGES 3.9 0.0 2.9 0.0 -0.5 0.5
    Food 4.2 2.9 3.0 0.1 -0.5 0.5
       Rice 14.7 9.6 9.6 -0.5 0.1 -0.5
       Meat 4.0 2.2 3.6 -0.4 -0.7 -0.5
      Fish -3.1 3.6 -0.4 -0.2 2.0 0.7
      Milk 3.2 -0.4 3.6 1.7 1.2 0.8
     Vegetables -4.3 11.2 -9.2 3.2 -9.7 4.5
     Sugar -3.8 -9.2 -3.3 0.3 -0.2 0.1
II. ALCOHOLIC BEVERAGES AND TOBACCO     3.3     3.1     3.0 0.1 0.2 0.2
NON-FOOD 2.9 2.3 1.8 0.7 -0.1 -0.1
III. CLOTHING AND FOOTWEAR 3.0 2.9 2.7 0.3 0.1 0.1
IV. HOUSING, WATER, ELECTRICITY, GAS AND OTHER FUELS 3.8 3.2 2.4 0.8 0.2 -0.2
V. FURNISHINGS, HOUSEHOLD EQUIPMENT AND ROUTINE HOUSEHOLD MAINTENANCE 2.7 2.6 2.4 0.1 0.2 0.1
VI. HEALTH 2.6 2.6 2.6 0.1 0.2 0.2
VII. TRANSPORT -0.2 -2.4 -2.1 -1.4 -1.3 0.1
VIII. INFORMATION AND COMMUNICATION 0.5 0.0 0.0 0.0 0.0 0.0
Source: Philippine Statistics Authority
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -