MATAPOS ang dalawang beses na paglandfall ng bagyong Marce sa Cagayan, bakas ang iniwan nitong pinsala sa malaking bahagi ng lalawigan.
Marami ang nasiraan ng tahanan, may mga nabuwal na mga punong kahoy, maraming lansangan ang natabunan ng landslide at may mga tulay na hindi na madaanan dahil sa pag-apaw ng ilog.
Ang ilang mga lokal na opisyal ay nagsagawa ng rescue operations sa mga inabot ng tubig baha.
Nagkaroon din ng malawakang power interruption sa malaking bahagi ng lalawigan dahil maraming mga poste ng kuryente ang natumba sa lakas ng hanging dala ng bagyo.
Ang DSWD ay agad na nagpadala ng dalawang truck ng family food packs sa bayan ng Santa Ana, Cagayan na siyang unang binayo ng bagyo.
Sa araw na ito ay inaasahan din ang karagdagang mga family food packs mula sa Region 3 at Cordillera Administrative Region para sa mga sinalanta ng bagyo at mga nasa loob parin ng evacuation center.
“Sa ngayon ang sistema po ay ang central office ang nagpapa-purcahse ng mga relief good at pinapadala nalang kung ano ang pangangailangan ng bawat region, so we are expecting na magkakaroon ng 60,000 na ipapadala ng central office,” pahayag ni Alan.
Sa ngayon umaliwalas na ang panahon dito sa Cagayan, subalit nanatiling naka-alerto ang lahat ng mga mamamayan dahil pinangangambahan ang pagbaha dahil sa patuloy na pagragasa ng tubig mula sa kabundukan pababa sa mga kailugan.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng RDRRMC sa lahat ng mamamayan na huwag magpakampante dahil sa banta ng pagbaha. (OTB/PIA Region 2)