31.7 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 21, 2024

May ‘magnanakaw’ ba sa pamilya nyo?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, may gusto sana akong ikonsult sa yo. Gusto kong tulungan yung kaopisina ko na may problema sa pamilya nila.

Bakit, Juan? Ano yun?

Kasi, Uncle, yung kamag-anak nila’y mukhang niloloko sila sa mga lupain na minana nila sa mga ninuno nila sa probinsiya.

Imagine mo, Uncle, nakapagbenta ng parte ng lupain nila na walang nakakaalam. At ngayong nakabayad na yung nakabili, hindi pa rin sinasabi sa pamilya na nasa kanya na ang buong kabayaran. At marami na rin daw pagkakataon na hindi daw nito nareremit sa pamilya ang mga dati pang kita sa kanilang mga lupa mula sa mga tenants. Kasi nga itong mag-asawang ito ay dun nakatira sa probinsiya at sila ay pinagkatiwalaan na mag-asikaso ng mga mana nilang mga lupa at property. Anong tawag mo sa ganun, Uncle?

Maliwanag, Juan, na yan ay dishonesty na may pakay na manloko o kamkamin ang hindi naman kanya. Sigurado ako na may ginawa pa yan na iba pang hindi maganda dati pa na nakalusot o di kaya’y magaling ang pagka-diskarte para makapuslit ng halaga, munti man o malaki, para sa pangsariling benepisyo.

Maraming may ganitong karanasan at dahil na rin sa kawalan ng komunikasyon at diskusyon tungkol sa financial values at financial literacy bilang isang pamilya, may mga kasong ganito na lumalabas. At kung ito’y hinayaan at pinabayaan, ang negatibong epekto nito sa kabuhayan at kayamanan ng pamilya at sa relasyon ng bawa’t isa ay malaki. Yung iba’y nagigising na lamang na wala na ang lahat ng pinaghirapan ng kanilang mga ninuno.

Ano nga ba ang puwedeng ugat ng “cheating behavior” ng iba nating kaanak?

Maraming mga pag-aaral na nagsasabing may economic at psychological factors na nag-iimpluwensiya ng mga hindi tamang gawain o unethical financial behavior tulad ng panloloko, pang-uumit, o pagsisinungaling.

Ayon sa mga studies, ang mga taong may kakulangan sa pananalapi ay mas malaki ang posibilidad na manloko o maging dishonest para mapagaan ang kanilang financial situation. At kabaligtaran naman para sa mga taong masaya sa kanilang financial na kalagayan na hindi pipiliing maging mapaglinlang sa isyu ng pananalapi.

Pero may pananaw din na kahit na malaki ang epekto ng financial situation sa financial behavior, may mga unethical o maling pag-uugali tulad ng pagnanakaw ng property, hindi tamang pagbabayad sa mga transportasyong pambiyahe o yung pangongopya sa exam na may kaugnayan sa indibidwal na characteristcs o kung paano pinalaki at ano ang naging karanasan tungkol sa pera habang tumatanda.

Sinasabi rin na yung mga taong may “love for money” o yung nagbibigay ng mataas na pagpapahalaga sa salapi sa pamumuhay ay mas may potensyal na maging competitive o materialistic . Ito ay may positibong koneksyon sa mga di kanais-nais na pag-uugali tungkol sa pera.

Sinasabi din na ang pagkakaroon ng financial knowledge o kaalaman tungkol sa pananalapi o sa mga financial na aspeto ng buhay ay mas makakatulong sa mas positibong financial behavior.

Paano ba nating maiiwasan ang mga unethical financial behavior sa ating mga kapamilya para mas maging tama at tuwid ang pag-aalaga ng ating mga financial na pamumuhay, lalo na kung ito ay pinamana sa atin at wala naman tayong pinaghirapan sa mga ito?

Lahat tayo ay gusto ng financial sustainability, lalo na para sa mga susunod na henerasyon ng ating pamilya sa pag-asang mapagbunyi at mapakinabangan din nila sa mabuting paraan ang pinundar ng dugo’t pawis ng kanilang mga ninuno.

Mahalaga ang apat na K para magawa natin ito:

K- aalaman. Dapat pinag-uusapan ang financial plan ng isang pamilya. Kailangan maging bukas sa iba-ibang kaalaman tungkol sa finances, sa mga financial objectives at stratehiya, lalo na’t kung maraming kaanak ang involved at sari-sari ang interest. Importante ang pagkakaisa sa kung ano ang mas makakapagpabuti sa financial situation para sa lahat.

K- omunikasyon. Dapat open at transparent ang buong pamilya sa kung ano pa mang usaping financial na nakakaapekto sa lahat. Bawal ang pagtatago ng impormasyon, dokumento o kahit anong bagay na makakatulong sa pagtaguyod ng mabuti ng buhay para sa buong pamilya.  Kailangan nasa “isang pahina” lang ang pag-iisip ng lahat at magkaroon ng pagpapahalaga sa interest ng nakakarami at hindi sa pang-sarili lamang.

K- onsiyensiya. Bilang isang pamilya, nararapat lang na magkaroon tayo ng konsensiya tungkol sa hindi magandang epekto ng ating gagawin na unethical o imoral sa kaban ng pamilya. Kahit ano pa man ang indibidwal na financial situation natin, dapat mangibabaw ang ating pagmamahal sa pamilyang nagbigay sa atin ng magandang biyaya’t kapalaran.

K- ooperasyon. Wala na sigurong gaganda pa kung ang lahat ng kapamilya ay iisa ang prinsipyo, direksyon, pangarap  at hangarin sa hinaharap. Sigurado akong nakangiti ang ating mga ninunong nagmamahal sa atin kung ang buong pamilya ay matindi ang kooperasyon at pang-uunawa sa orihinal nilang intensyon kung bakit itong mga lupa at property ay ipinasa sa ating henerasyon- ito ay para lalong magbuklod ang pamilya at hindi magkawatak-watak.

O, Juan, kaya ngayon pa lang pagtibayin natin ang pundasyon ng financial values mo para sa mas maayos mong buhay. May K ka ba?

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -