29.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Mga organismong nakakadulot ng amnesia, nahanap sa mga shellfish farm sa Luzon

- Advertisement -
- Advertisement -

KINUMPIRMA kamakailan lang ng mga siyentipiko ng Ateneo de Manila University na mayroong mga organismong nabubuhay sa mga shellfish farm sa Luzon na may kakayahag lumikha ng isang mapanganib na neurotoxin o lason na maaaring magdulot ng malubhang sakit at kawalan ng alaala.

Light microscope at transmission electron microscope photographs ng Pseudo-nitzschia pungens var. Pungens (dalawang nasa itaas na mga larawan) at Pseudo-nitzschia brasiliana (dalawang nasa ibabang mga larawan) na natagpuan sa mga Luzon shellfish farm. Ang dalawang  species ay nagpo-produce ng domoic acid, isang delekadong neurotoxin. Larawan mula sa Botavara et al.

Ang diatom ay mikroskopikong organismo na naninirahan sa tubig na nababalutan ng matigas at mala-buhangin na shell. Bagamat karamihan sa mga diatom ay hindi mapanganib, kalahati ng 58 na kilalang species ng genus na Pseudo-nitzschia ay may kakayahang lumikha ng domoic acid (DA) na maaaring maipon sa loob ng mga shellfish gaya ng talaba at tuliya. Kapag nakain ito ng tao, maaari siyang makaranas ng pagsusuka, pagduduwal, pagtatae, at pananakit ng tiyan. Ang DA ay maaari ring magdulot tinatawag na “amnesic shellfish poisoning” (ASP) o permanenteng pagkawala ng short-term memory.

Sa kabila ng panganib na ito, kakaunti pa lamang ang nalalaman ng mga siyentipiko tungkol sa lawak ng pagdami ng Pseudo-nitzschia sa Pilipinas. Dahil dito, nagpasya ang mga siyentipiko mula sa Departamento ng Biology ng Ateneo de Manila University at Universiti Malaysia Sarawak na pag-aralan ang pisikal at genetic na katangian ng mga diatom sa mga water sample mula sa Bacoor Bay at Pagbilao Bay sa Luzon.

“Mahalaga na malaman ang toxic na potensyal ng mga diatom na ito at mabantayan ang mga ito nang naaayon, ngunit ang pagsisikap na ito ay dapat magmula sa pag-alam natin tungkol sa kung saan sila naroroon sa Pilipinas,” ayon sa mga mananaliksik na sina Lorenzo Botavara, Janice Ragaza, Hong Chang Lim, at Sing Tung Teng.Kumpirmado nila na mayroong Pseudo-nitzschia pungens at Pseudo-nitzschia brasiliana sa mga sample na kayang gumawa ng lason na DA. Dagdag din nila na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may natagpuang P. brasiliana sa Luzon.

Sa panahon ng labis na pagdami na tinatawag na harmful algal blooms (HABs) o “red tide,” maaaring mag-imbak ng maraming DA ang mga tinatawag na “filter-feeder” gaya ng tahong at tulya. Dahil dito, “Ang pagkumpirma ng mga species ng isang genus na kalahati ng mga miyembro nito ay kilala sa paglikha ng DA ay mahalaga sa HAB monitoring (sa Pilipinas),” diin ng mga siyentipiko.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -